Mga naulila ng Eton, nagpiket sa NLRC, hanap pa rin ang hustisya


Humugos at nagpiket kaninang umaga sa tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC), ang mga naulilang kamag-anak ng mga manggagawang namatay sa trahedya sa Eton Construction sa Makati.

Hustisya pa rin ang hiling ng mga kaanak at tagasuporta ng sampung biktima sa trahedya sa Eton Properties. (Macky Macaspac)
Hustisya pa rin ang hiling ng mga kaanak at tagasuporta ng sampung biktima sa trahedya sa Eton Properties. (Macky Macaspac)

Humugos at nagpiket kaninang umaga sa tanggapan ng National Labor Relations Commission (NLRC), ang mga naulilang kamag-anak ng  mga manggagawang namatay sa trahedya sa Eton Construction sa Makati.

Kasabay ng kanilang piket, isinagawa din ang unang pagdinig sa kasong isinampa laban sa mga kompanyang Eton at mga sub-kontraktor nito.

Tatlong pamilya sa labing-isang biktima ang nagsampa nang kasong unfair labor practice partikular na ang non-payment of minimum wages, unsafe working conditions,  non-compliance to occupational health and safety regulation na nagresulta ng kamatayan.  Kasama pa sa ikinaso sa mga kompanya ang non-registration of social security, non payment of SSS, employment of minor at paglabag sa mga labor istandard.

“Nagsampa ng kaso ang pamilya ni Benbon Cristobal, Michael Tatlonghari at Kevin Mabunga noong Marso 25, at susunod pang magsasampa ng kaso ang ilang kamag-anak ng mga biktima tulad nina Joel Avecilla at Jeffrey Diocado,” paliwanag ni Noel Colona, co-convenor ng grupong Justice for Eton 11 Network, kalipunan ng mga grupong nagtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa.

Sa nasabing kaso, sinampahan ang Eton Properties Philippines Incorporated  na pag-aari ni Lucio Tan, Jose Aliling Construction Management Incorporated, CE Contruction, Arlo Aluminum Incorported, Engineer Guillermo Torres, at Eduardo Pinon na siyang tumatayong rekruter ng 11 manggagawang namatay.

Hiniling ng mga kamag-anak ng mga namatay na bayaran ang kanilang backwages at pag-alis ng lisensiya ng mga kompanyang nasasangkot  dahil sa malalang paglabag sa mga karapatan sa paggawa.

Pagdinig ng Labor Arbiter

Iginiit ng mga naulilang kamag-anak ng mga biktima sa harapan ni Labor Arbiter Thomas Que Jr., na mayroon umanong pananagutan ang mga kompanya sa pagkamatay ng mga mahal nila sa buhay.

Sinabi din ng mga ito na kailangang bayaran ng mga inirereklamo ang backwages ng mga namatay dahil wala sa minimum ang sahod ng mga ito (Basahin ang kaugnay na artikulo).

Nagpiket sa harapan ng NLRC ang mga kaanak ng 10 namatay sa trahedya sa Eton Properties. Kanilang ipinanawagan na bilisan ang pagbigay hustisya para sa mga namatay. (Macky Macaspac)
Nagpiket sa harapan ng NLRC ang mga kaanak ng 10 namatay sa trahedya sa Eton Properties. Kanilang ipinanawagan na bilisan ang pagbigay hustisya para sa mga namatay. (Macky Macaspac)

Ngunit ipinunto naman ng kinatawan ng Arlo Aluminum at Eton Properties na wala umano silang dapat na panagutan dahil nagbayad na diumano sila sa mga namatay. Nagbigay diumano sila ng P250,000 sa pamilya ni Kevin Mabunga, at tig-P150,000 naman kina Benbon Cristobal at Michael Tatlonghari. Bukod pa diumano sa  ilang benepisyong ipinangako nila tulad ng scholarship sa mga anak ng naulila.

Sinabi din ng mga kinatawan ng dalawang kompanya na tatlong buwan lang umano nagtrabaho ang mga biktima sa kanilang kompanya, na pinabulaanan naman ng ina ni Benbon Cristobal, “apat na taon siyang nagtrabaho,” aniya.   Ngunit sinagot siya ng kinatawan ng Arlo na baka kay Eduardo Pinon siya nagtrabaho nang apat na taon.

Sa hiwalay na panayam kay Remigio Saladero Jr., abogado ng mga biktima, sinabi niyang ang ibinayad umano ng mga kompanya sa mga naulila  ay para sa funeral expenses at “hindi kasama doon ang anumang demands sa kaso.”

Kamakailan, ipinataw ng Department of Labor and Employment sa Eton Properties at iba pang sub-kontraktor ang “double indemnity” na aabot sa mahigit P5-Milyon bilang multa at para sa kapakanan ng 399 manggagawa.

Ang kautusan ay ipinataw umano ng Dole matapos ang inspeksiyon at kongklusyon ng binuong team na nagsiyasat sa trahedya noong Enero 27.

Ngunit ayon sa mga kamag-anak ng mga biktima, wala umano silang natatanggap na anumang halaga bilang indemnipikasyon. Pinabulaanan din ng kinatawan ng Arlo na mayroong kautusan ang DOLE hinggil sa “double imdemnity.”

Hinikayat naman ng Labor Arbiter ang naulilang mga kaanak ng mga biktima na makipag-ayos na lamang sa mga kompanya at huwag ng paabutin ng ilang taon ang kaso. Malaking abala umano sa magkabilang panig kung patatagalin at umabot pa sa Korte Suprema ang kaso.

Pinaikot-ikot ng SSS

Binatikos din ng mga kaanak ang pagpapaikut-ikot sa kanila ng Social Security System (SSS),

Ayon kay Colina, pinagpapasa-pasahan umano ng SSS Antipolo at SSS Palatiw sa Pasig kung sino ang may hurisdiksiyon sa mga benipisyong dapat makuha ng mga kaanak.

“Ipinangako ng SSS na prayoridad nila ang kaso ng Eton, ngunit sa tuwing aasikasuhin ng mga kaanak ang kaso. Nagtuturuan ang dalawang opisina, nakakadagdag ito sa hinanakit ng mga  kaanak,” aniya.

Pinatunayan naman ito ni Marissa Cristobal, ina ni Benbon, na sinabing,”nakakapagod na ang pagtuturo nila kung saan kami pupunta, Ipinasa na namin sa Palatiw ang lahat ng dokumento tapos mayroon na namang bagong dokumentong hinihingi, tapos sa Antipolo raw kami pumunta.”

Ayon naman sa kinatawan ng Arlo at Eton, matagal na nilang naibigay ang premium ng mga biktima sa SSS, kaya hindi na umano nila responsabilidad ang nasabing reklamo ng naulilang mga kaanak.

Umani naman ng suporta ang piket ng mga kaanak mula sa ibang manggagawang may mga kinakaharap na kaso laban sa kanilang mga employer.

Karamihan sa mga kanila ay construction workers din na wala sa minimum ang sahod, at tulad din ng mga manggagawa ng Eton na walang SSS at iba pang benepisyo.

Inilapit din ng mga manggagawa ang kanilang kaso sa Ecumenical Institute for Labor and Research Inc., at naghahangad na matulungan din sila tulad ng mga manggagawa ng Eton.