Sunud-sunod na aksidente sa LRT, ‘nakakapagduda’


“Nakakapagduda” ang sunod-sunod na aksidente sa Light Rail Transit (LRT). Ito ang reaksiyon ng militanteng  grupo ng mga manggagawa sa serye  ng mga problema sa tren ng LRT kamakailan, na nagdulot ng panic at pagkasugat ng ilang pasahero. Ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), maaaring gumagamit ng “maruming taktika” ang […]

Aksidente sa LRT, pagkokondisyon sa publiko na tanggapin ang pagtaas ng pamasahe?

“Nakakapagduda” ang sunod-sunod na aksidente sa Light Rail Transit (LRT). Ito ang reaksiyon ng militanteng  grupo ng mga manggagawa sa serye  ng mga problema sa tren ng LRT kamakailan, na nagdulot ng panic at pagkasugat ng ilang pasahero.

Ayon kay Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), maaaring gumagamit ng “maruming taktika” ang administrasyong Aquino upang tanggapin ng publiko ang panukalang pagtataas ng pamasahe sa LRT at Metro Rail Transit (MRT).

Napigilan ito noong Pebrero dahil sa malawakang pagtutol.

“Nangangamba kami na ang sunod-sunod, at halos araw-araw na mekanikal na pagkasira na nararanasan ng tren noong isang linggo ay hindi isolated  incident, kundi naka-programa upang tanggapin ang panukalang pagtaas ng  paasahe ng MRT-LRT,” aniya.

Pinakahuli sa serye ng mga aksidente sa LRT ang pag-usok ng tren sa estasyon sa United Nations noong Marso 28, na ikinasugat ng apat na pasahero dahil sa pag-panic ng mga pasahero. Ayon sa pamunuan ng LRT, dulot ito ng isang nasirang parte ng tren, na naayos din makaraan ang ilang minuto.

Bahagi ang pagsasapribado ng MRT-LRT sa unang limang proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang Public-Private Partnerships ni Aquino.

“Mukhang hindi na kaya ng rehimeng Aquino na maantala pa ang implementasyon ng taas-pasahe sa MRT-LRT, dahil nais nitong  isapribado ang mga linya ng tren,” ayon sa lider-manggagawa.

Dagdag pa ni Soluta,  “Sa ‘di maampat na pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe, dapat na magsilbi ang MRT-LRT sa  mga manggagawa at mamamayan, sa halip na lumikha ito ng mga pangitain na nagdudulot ng  pisikal na pinsala, kaguluhan at pagkaantala.”

Noong 2010, kumita ang MRT ng P1.9-Bilyon, habang gumastos lamang ng P645-Milyon para sa maintenance at iba pang gastusin. Kaya’t ayon sa mga grupong tumututol sa pagtaas ng pamasahe ng MRT-LRT, may sapat itong pondo para panatilihin sa kondisyon ang mga tren.

Nakabinbin pa rin ang pagtaas ng pamasahe sa MRT-LRT, bagaman sinabi ng Department of Transportation and Communication na hindi muna ito ipatutupad ngayong buwan ng Abril dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pang mga bilihin.