Istorya ng Linggo

Salidummay ng paglaban


Sa Lacub, Abra, ipinagdiwang kamakailan ang kultura ng pakikibaka sa Kordilerya. Maraming bagong paglaban ang kinahaharap ng mga katutubo. Kabilang na rito ang abusadong militar at mga kompanyang nagtatangkang pagsamantalahan ang mayamang kalikasan ng Kordilyera.

Mahigit 30 kilometro mula sa aspaltadong kalsada, humihiwalay ang makitid, mahaba, maalikabok, mabato, at paahon-palusong na daang palikaw-likaw sa gilid ng matatayog na bundok at rumaragasang ilog patungo sa baryo ng Buneg, Lacub, Abra – ang lugar ng pagdiriwang ng Araw ng Kordilyera.

Sa lugar na ito tumungo ang libu-libong bisita para ipagdiwang ang kultura at paglaban ng iba’t ibang tribu ng sa Kordilyera. Mula 1984, taun-taong ipinagdiriwang ang Araw ng Kordilyera – sa araw ng pamamaslang sa lider-katutubo na si Ama Macliing Dulag sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga noong Abril 24, 1980.

Pero may espesyal na halaga ang pagdiriwang sa taong ito, sa Lacub, Abra. Ayon naman sa isang lider ng Tulbek, o Tignayan dagiti Umili iti Lacub Bantayan Ekolohiya ken Kinabaknang, na si Ferdinand Magalis, may hinahrap na paglaban ang mga mamamayan ng Lacub ngayong panahon. Tulad ng banta ng mapanira at mapanghimasok na proyektong “pangkaunlaran” tulad ng Chico Dam noong panahon ni Dulag, may pagtatangkang pasukin ang Lacub ng malawakang pagmimina.

Pumasok noong nakaraang taon ang Golden Lake Resources, isang kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Miguel Pena, na diumano’y anak ng maimpluwensiyang pamilya sa Visayas. Kasalukuya’y nagsasagawa ng mining exploration ang kompanyang ito sa ilang kabundukang saklaw ng Lacub kasama na ang baryo ng Buneg.

“Nagdesisyon kami na dito gawin ang Cordillera Day dahil sa hinaharap naming laban hinggil sa pagpasok ng mina. Kailangan namin ng maraming suporta sa labang ito,” ani Magalis.

Sagana sa likas-yaman ang bayan ng Lacub. Tulad din ng maraming bayan sa Kordilyera, hindi kata-katakang naglalaway ang mga higanteng korporasyon na putulin ang mga naglalakihang puno, halukayin ang lupang sagana sa ginto at hadlangan ang daloy ng tubig upang mapagkuhanan ng enerhiya na hindi naman mapapakinabangan ng mga katutubong Igorot.

Malaking bahagi ng mayamang kultura ng Kordilyera ang musika nito. (Macky Macaspac)
Malaking bahagi ng mayamang kultura ng Kordilyera ang musika nito. (Macky Macaspac)

May mahabang tradisyon ng paglaban ang mga katutubo rito. Sentro ang Lacub sa bantog na pakikibaka laban sa Cellophil Resources Corporation, isang kompanya ng pagtrotroso noong dekada ’80. Magiting na itinaboy ng mga mamamayan ng Lacub ang Cellophil at kahit ang sumunod na pagtatangka ng gobyernong Marcos na itayo ang Bayongan Dam sa naturang lugar. Marami sa mga mamamayan ng Lacub ang nagbuwis ng kanilang buhay upang ipagtanggol ang kanilang lupain.

May mahabang tradisyon ng paglaban ang mga katutubo, pero may mahabang tradisyon din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng pagpoprotekta sa malalaking mga negosyante at kompanya na nagdarambong sa kalikasan ng Kordilyera.

Dahil dito, hindi nakapagtataka ang matinding presensiya ng militar sa Lacub. Mismong ang Pinoy Weekly ay saksi sa nagkalat na checkpoint ng mga militar papasok at palabas ng bayan ng Lacub. At kahit sa mismong pinagdausan ng pagdiriwang, ginawang kampo ang 41st Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang bahay sa gitna ng komunidad.

Tumangging magbigay ng pahayag sa Pinoy Weekly ang mga sundalo kung ano ang kanilang ginagawa sa Buneg.

Konsultasyon ng GPH-NDF peace panel at pagtutol sa malawakang pagmimina

Sa kabila ng panggigipit at pagpigil ng militar at lokal na pamahalaan, inilunsad ang pagdiriwang. Kinatampukan ito ng pagpapamalas ng mayamang kultura ng Kordilyera, mula sa mga awit, sayaw (pangunahin, ng tradisyunal na pattong), pananamit at pagluto, hanggang sa kultura ng militansiya at paglaban sa kanilang karapatan para sa sariling pagpapasya.

Sa unang pagkakataon, ayon kay Windel Bolinget, tagapangulo ng Cordillera People’s Alliance (CPA), na siyang isa sa mga tagapanguna ng Araw ng Kordilyera, inimbitahan ng mga katutubo ang mga negosyador sa nagaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Aquino (GPH) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na naglulunsad ng armadong rebolusyon sa bansa kabilang na sa Kordilyera.

Diin ng konsultasyon ang pinakalaman ng usapang pangkapayaapaan na muling nabuksan nitong Pebrero: ang pag-uusap para sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms o Caser.