Kawani ng NHA nagprotesta vs pribatisasyon
Nag-walkout ang daan-daang kawani ng National Housing Authority kamakailan para iprotesta ang bantang pagsasapribado ng serbisyong pabahay, kasabay ng pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.

Nag-walkout ang daan-daang kawani ng National Housing Authority noong May 9 para iprotesta ang bantang pagsasapribado ng serbisyong pabahay, kasabay ng pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.
Sa gitna ng masungit na lagay ng panahon, galit na nag-walkout papalabas ng kanilang tanggapan ang mga kawani na nagmula pa iba’t ibang tanggapan ng NHA sa National Capital Region. Anila, ang panukalang pagsasabatas ng Department of Housing and Urban Development Bill ay “mas masahol pa ang delubyong idudulot sa mga kawani at maralita” kaysa sa bagyong Bebeng o iba pa na pumapasok sa bansa sa panahon ng tag-ulan.
“Masaker ng trabaho para sa mahigit 5,000 mga kawani mula sa pitong mga ahensiya ng pabahay ng gobyerno ang dala ng salot na DHUD. Para naman sa maralita, nangangahulugan ito ng mas mataas na presyo at mas mahirap na maakses na serbisyong pabahay dahil ipapasa na sa pribadong sektor ang direktang produksiyon ng mass housing. At alam natin na kailanman ay hindi para sa serbisyo publiko ang mga negosyo kundi para sa tubo,” wika ni Rose Nartates, pambansang tagapangulo ng Consolidated Union of Employees ng NHA.
Kaya naman kasama ng mga kawani ang mahigit 100 maralita mula sa iba’t ibang komunidad sa proyekto ng NHA na nagtungo sa House of Representatives sa Batasan upang tuligsain ang ginagawang pagdinig sa mga panukalang batas kaugnay ng DHUD.
May apat na panukalang batas na naisumite sa ika-15 Kongreso, kabilang na ang isang ang prinsipal na may-akda ay walang iba kundi si dating Pangulo, ngayon ay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ilang ulit na tinangka ng ng nakaraang mga administrasyon, mula ika-9 Kongreso hanggang sa kasalukuyan, na maisabatas ang panukalang lilikha ng DHUD. Layunin ng panukalang magtayo ng isang “super ahensiya” na may kapangyarihan ng pinagsama-samang mga ahensiya sa pabahay.

Ngunit tinututulan ito ng maraming sektor, kabilang na ang mga kawani ng gobyerno, na nagsabing sa halip na maging pangunahing tungkulin nito ang magtayo ng mass housing ay magsisilbi na lamang itong tagapagtiyak ng “level playing field environment” para sa dayuhan at lokal na pribadong negosyo sa pabahay.
Kabilang din sa panukala ang pagbalangkas ng “zoning and urban development projects” para sa mga lilikhaing diumanong bagong mga siyudad kasama na ang karapatang mag-“identify, reclassify at convert” ng mga lupaing agrikultural. Pinangangambahan din ng mga kawani na magdudulot ang probisyong ito ng mas malaganap at mararahas na demolisyon sa maralitang komunidad at malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka sa lupaing kanilang sinasaka.
“Kaya naman pagpapakita lamang ito na ang tunay na pinaglilingkuran ng administrasyong Aquino ay ang mga dayuhang mamumuhunan at pribadong negosyo. Ang DHUD ay PPP o Private and Public Partnership sa serbisyong pabahay. Wala talagang pinag-iba si Aquino kay Arroyo,” diin ni Nartates.
Nangako ang mga kawani at maralita na titiyakin nilang muling mabibigo ang panukala sa pamamagitan ng pinagsanib na lakas ng laban nila para sa serbisyong pabahay at trabaho at laban sa pribatisasyon. Isang pambansang kilos-protesta ang inihahanda nila sa susunod na mga araw.