Plantang pag-aari ng Norwegian na gumagawa ng kawit pangisda ilegal na magsasara?


Kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang nakaambang pagsasara ng isang kompanyang Norwegian na gumagawa ng kawit-pangisda na kadalasang ginagamit sa fishing sport sa Novaliches, Quezon City. Mahigit 200 manggagawa umano ang apektado ng naturang pagsasara. Ayon sa KMU, kinausap umano ng paisa-isa  ang mga manggagawa ng manedsment upang ibalita ang nakaambang pagsasara ng pagawaan […]

Si Ellen ALejandro, tagapangulo ng Mustad Terminal Tackle Philippines Workers and Employee's Association, habang tinatalakakay ang kanilang kalagayan sa loob ng planta ng Mustad sa isang asembleya ng mga manggagawa sa parokya ng Novaliches, Quezon City noong Abril.  (Macky Macaspac)
Si Ellen ALejandro, tagapangulo ng Mustad Terminal Tackle Philippines Workers and Employee's Association, habang tinatalakakay ang kanilang kalagayan sa loob ng planta ng Mustad sa isang asembleya ng mga manggagawa sa parokya ng Novaliches, Quezon City noong Abril. (Macky Macaspac)

Kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang nakaambang pagsasara ng isang kompanyang Norwegian na gumagawa ng kawit-pangisda na kadalasang ginagamit sa fishing sport sa Novaliches, Quezon City. Mahigit 200 manggagawa umano ang apektado ng naturang pagsasara.

Ayon sa KMU, kinausap umano ng paisa-isa  ang mga manggagawa ng manedsment upang ibalita ang nakaambang pagsasara ng pagawaan at ang posibilidad na pagbibigay ng kompensasyon sa mga manggagawa. Ngunit ayon sa KMU, ilegal umano ang nakaambang pagsasara ng Mustad Terminal Tackle Philippines.

Inilinaw ng KMU na sa ilalim ng batas, anumang kompanyang may planong magsara ay kailangang magsampa ng notice of closure sa loob ng 30 araw bago ang aktuwal na pagsasara nito.   Sa kaso umano ng Mustad, sinabi ng manedsment sa pakikipagpulong nito sa mga indibidwal na manggagawa na nagsampa sila ng notice sa Department of Labor and Employment  (Dole) labas sa kaalaman ng unyon.

“Ang nangyayari sa Mustad ay klasikal na halimbawa ng ilegal na pagsasara. Klasikal  na kaso din ito ng marahas na hakbang ng mga kapitalista at anti-manggagawang hakbangin, dahil tiwala sila na hindi sila gagalawin ng gobyernong Aquino,” ani Leandro Gerodias, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMU at pangulo ng Alliance of Democratic Labor Organizations (ADLO).

Sa huling panayam ng Pinoy Weekly noong isang buwan kay Ellen Alejandro, pangulo ng Mustad Terminal Tackle Philippines Workers’ and Employees’ Association, sinabi niyang matagal na silang nangangamba na hahantong sa ilegal na pagsasara ang gagawing hakbang ng manedsment. Matapos kasing magwelga ang unyon noong taong 2000, muling nagkaroon ng negosasyon para sa kanilang collective bargaining agreement o CBA noong ng Hulyo 2010.

Nakapaloob umano sa kanilang CBA ang wage distortion batay sa Wage Order No. 15 na ipinalabas ng DOLE, ngunit hindi pumayag ang manedsment na ipatupad ang naturang kautusan. Ayon pa kay Alejandro, dahil sa deadlock ang negosasyon, nagsampa ang unyon ng notice of strike bunsod ng paglabag sa memorandum of agreement at non-implementation of wage distortion umano ng kompanya.

Idinagdag pa ni Alejandro na matagal na nilang naririnig na magsasara ang Mustad dahil nalulugi daw ito, ngunit ang paniwala ni Alejandro, nais ng kompanyang gawing kontraktuwal ang mga manggagawa nito.

“Alam ng mga manggagawa  na taliwas ang sinasabi ng Mustad, nananatiling kumikita ang kompanya sa kabila ng krisis. Alam ng mga manggagawa na ang tunay na intensiyon ng kompanya sa pagsasara  at muling pagbubukas nito ay  magkakaroon na bago, at kontraktuwal na lakas-paggawa,” sabi ni Gerodias.

Ipinapakita umano ng Mustad ang “pagiging ganid nito” na sa kabila ng malaking tubo hindi nito gusto ang pagkakaroon ng regular at unyonisadong manggagawa.