‘Komersalisasyon’ sa PGH binatikos ng mga kawani
Ipinrotesta ng mga kawani ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagpataw ng bagong manedsment nito ng nga bagong singilin sa maralitang mga pasyente ng pangunahing pampublikong ospital sa bansa.

Ipinrotesta ng mga kawani ng Philippine General Hospital (PGH) ang pagpataw ng bagong manedsment nito ng nga bagong singilin sa maralitang mga pasyente ng pangunahing pampublikong ospital sa bansa.
Ayon sa tsapter ng All-UP Workers’ Union (AUPWU) sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila (UPM), sa halip na maging abot-kamay ang serbisyong medikal sa naturang ospital ay lalong pinahihirapan ng manedsment ang mga maralita.
“Sigaw namin na ibalik sa libre ang mga batayang eksaminasyon para hindi maging dagdag pahirap sa matagal nang naghihirap nating mga kababayan,” paliwanag ni Benjamin Santos Jr., tagapangulo ng AUPWU-UPM.
Kabilang sa mga dating libreng ekseminasyon na pinababayaran na ngayon sa PGH ang sa ihi, dumi at chest x-ray, na pawang libre sa mga Class D Charity na pasyente na nagpapatingin sa naturang ospital. Sinimulan ito noong Hunyo 15.
Sinabi ng ni PGH Director Jose Gonzales na pagtugon ang naturang hakbang sa malaking kakulangan ng badyet ng ospital. Ngunit sinabi naman ng naturang unyon ng mga kawani na hindi dapat ipinapasa sa mga maralitang pasyente ang mabigat na bayarin.
Sinabi rin nila na isang porma ng pagkokomersalisa sa serbisyong medikal ang hakbang na ito ng administrasyon ng PGH.
Hiniling ng AUPWU na sa halip na maningil sa mga maralitang pasyente, makiisa ang manedsment ng PGH sa pagpanawagan sa administrasyon ni Pang. Bengino “Noynoy” Aquino III ng sapat na badyet para sa mga serbisyong panlipunan tulad ng mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon.