Bungkalan muli sa Hacienda Luisita
Patuloy ang paggiit ng mga manggagawang bukid sa kanilang karapatan sa lupain ng asyenda. Ang pinakahuling hakbang: pagbubungkal at pagtanim sa lupang binakuran ng isang bangko na di-makatarungang pinagbentahan ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na di pabor sa pamamahagi ng Luisita sa kanilang nagpapayaman sa lupa, tuloy ang bungkalan sa asyenda.
Mula sa iba’t ibang barangay, nagtipon kamakailan ang 200 manggagawang bukid ng asyenda para magbungkal sa 500-ektaryang binakuran ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) sa Brgy. Balita, Tarlac City. Nagkaisa sila para tutulan ang pag-aangkin diumano ng bangko at ng pamilyang Cojuangco-Aquino sa kanilang lupain – ang lupaing dati nang idineklara ng gobyerno na kanila, at ngayo’y sinasabi pa mismo ng Punong Mahistrado na matagal na dapat na ibinigay sa kanila.
“Lehitimong may-ari ng 500-ektaryang lupain na inaangkin ng RCBC ang mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita,” paliwanag ni Lito Bais, tumatayong pangulo ng United Luisita Workers’ Union (ULWU). “Binenta ito (sa bangko) ng mga Cojuangco, hindi namin.”

Kabilang sa mga lumahok sa bungkalan ang mga manggagawang bukid at magsasaka mula sa Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at ULWU, at sinuportahan ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), Alyansa ng Magbubukid sa Tarlak (AMT), at Karapatan-Tarlac. Nagbigay-suporta din si Fr. Greg Obejas of Luisitia Peasant and People’s Alliance (Luppa) at ang konseho ng baranga ng Balite.
“Nandito kami para suportahan ang mga manggagawang bukid dahil pakikibaka namin ang pakikibaka nila; itinutulak nila ang tunay na reporma sa lupa dito sa Hacienda Luisita,” paliwanag ni Fidel Castro, pangalawang tagapangulo ng AMGL.
Ipinaliwanag ni Bais na matagal nang walang pakinabang ang mga lupaing ito. Sa kabila nito, walang kabuhayan ang mga manggagawang bukid ng Balite, kung kaya sila ang pangunahing makikinabang sa bungkalan.
“Gumagamit kami ngayon ng dalawang traktor at naghihintay sa traktor na pabilisin ang pagbunot ng mga damo. Dito sa kampuhan, may mga binhi na kami ng mga gulay tulad ng okra, patola, kalabasa at sitaw. Nagdala ri ng mga puno ang ibang manggagawang bukid para itanim,” kuwento ni Bais.
Paggiit sa karapatan
Matapos okupahin ang lupa, nilapitan ng walong guwardiyang empleyado ng RCBC ang mga manggagawang bukid para ipatigil ang bungkalan. Pero iginiit ng nila ang kanilang karapatan sa lupa.
Ipinaliwanag ni Rowena Galang, lider ng Ambala at asawa ng presidente ng ULWU na si Rene Galang, na matagal nang hinihiling ng mga residente ng Brgy. Balite na bungkalin nila ang lupa rito dahil wala silang kabuhayan. Dumarami na umano ang mga manggagawang bukid na nagpapahayag na gusto nilang magbungkal. Tinataya ni Galang na aabot sa 400 ang lalahok sa bungkalan ng lupa na inaangkin ng RCBC.
“Nagtatayo tayo ng mga tolda para magsilbing cultivation center para maging kolektibo ang pagtatanim. Sinarbey na natin ang aabot sa 10 ektarya, hinati sa isang ektarya bawat manggagawang bukid na gustong bungkalin ito,” paliwanag pa ni Galang.
Magsisilbi ring sentro ang cultivation center ng pagbantay kontra sa dislokasyon, at pagtanggap ng mga tagasuporta mula sa iba’t ibang sektor, at maging benyu rin para sa mga diskusyon, solidarity program at iba pang aktibidad.
Ipinaliwanag ni Galang sa mga manggagawang bukid na kailangan nilang tupdin ang mga polisiyang pinagkaisahan ng mga miyembro ng Ambala at ULWU. Mahalaga sa mga polisiyang ito ang polisiyang dapat sila ang magtatrabaho sa lupa, at hindi puwedeng parentahan ang lupaing ito. Hinikayat niya ang mga magsasaka na depensahan ang lupang ito mula sa mga tauhan ng bangko at ng pamilyang Cojuangco-Aquino.
Sinabi ng mga manggagawang bukid ng Balita na matagal na nilang hinihintay ang araw na ito. Marami sa kanila’y mga orihinal na manggagawang bukid sa asyenda. Kuwento nila, matagal na silang target ng panghaharas at pananakot, tulad ng pagdeploy ng militar sa kanilang barangay hall.
Suporta sa kapwa-magsasaka
Sinusuportahan ng AMGL ang Ambala mula nang matatag ito, laluna nang maganap ang welga ng mga manggagawang bukid noong Nobyembre 2004. Dumating sa asyenda ang mga magsaska mula sa iba’t ibang bayan ng Tarlac, gayundin mula sa ibang probinsiya tulad ng Pangasinan, Zambales, Aurora, Pampanga, Nueva Ecija at Bulacan.
“Mananatili kami rito hangga’t kailangan nila kami. Dapat mahiya si Aquino sa kanyang sarili, dahil ngayon, nagdesisyon na ang mga manggagawang bukid na bungkalin ang lupa, at gusto nila ng tunay na reporma sa lupa tulad ng bawat magsasaka sa Gitnang Luzon at iba pagn rehiyon na matagal nang nag-aasam nito,” paliwanag ni Castro.
Nanawagan ang Ambala at AMGL sa iba’t ibang sektor na bisitahin ang kanialng kampuhan sa Balita para suportahan ang kanilang bungkalan at pakikibaka laban sa Stock Distribution Option (SDO) at sa referendum na ipinatawag ng Korte Suprema.
Samantala, sinuportahan din sila ng mga pambansang organisasyon tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, Pambansang Lakas ng Mamamalakaya o Pamalakaya, at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA.