Debateng RH: Sa likod ng postura ni PNoy


Gusto ni Aquino ang RH Bill dahil paniwala siyang dulot ng paglobo ng populasyon ang kahirapan, hindi para bigyang-akses sa serbisyong pangkalusugan ang mga maralitang kababaihan.

Si Jonalyn Zamora, 20, na nanganak ng kanyang pangatlong anak sa Jose Fabella Hospital. Kapos na kapos ang badyet ng gobyerno para sa reproduktibong kalusugan ng kababaihan. (Buck Pago)
Si Jonalyn Zamora, 20, na nanganak ng kanyang pangatlong anak sa Jose Fabella Hospital. Kapos na kapos ang badyet ng gobyerno para sa reproduktibong kalusugan ng kababaihan. (Buck Pago)

Inaasahang ibibida ni Pang. Benigno Aquino III sa darating na State of the Nation Address ang kanyang patuloy na pagsuporta sa Reproductive Health (RH) Bill, hindi pa man naipapasa ng Kongreso ang kontrobersiyal na panukalang batas.

Paborable sa kababaihan ang pagkakaroon ng batas para sa kanilang reproduktibong kalusugan. Pero ang nagtutulak sa pangulo sa RH Bill ay hindi para pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng kababaihan, kundi para kontrolin ang kanilang matris.

Kasaysayan ng pagkontrol sa populasyon

Simula’t sapul, ang mga hakbang ng gobyerno para kontrolin ang paglaki ng populasyon ay nakapaloob sa mga programa nito ng pagpaplano ng  pamilya (family planning). Maaga pa, itinatakda na nito ang dahilan at pamamaraan sa pagplano ng pamilya.

Subalit ang pagplano ng pamilya ay dapat nakabatay sa malayang pagdesisyon ng mag-asawa laluna ng babae kung kailan at ilan ang kanilang magiging anak. Karapatan, partikular ng kababaihan, na tinatawag ding reproductive right, na desisyunan ang  kanyang pagbubuntis batay sa tamang impormasyon. Pero binabaluktot ng gobyerno ang karapatang ito para itulak ang pagkontrol sa populasyon, na sinasabi nitong sagot sa kahirapan.

Noong 1970, binuo ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang Commission on Population (Popcom) matapos pumirma sa Declaration on Population na inihain sa United Nations. Ipinasa ni Marcos ang Population Act na ipinaloob ang pagkontrol sa populasyon sa mga estratehiya para makamit ang “kaunlaran.” Ibig sabihin, kokontrolin ang paglobo ng populasyon para raw malutas ang kahirapan.

Panahong ito inilabas din ng US ang National Security Study Memorandum 200. Nakasaad sa dokumentong ito na dapat kontrolin ang populasyon sa mga bansang may mataas na potensiyal ng civil unrest o pag-alsa ng mga mamamayan. Kabilang sa 13 prayoridad na bansang tinukoy ang Pilipinas.

Noong panahon ni dating Pang. Corazon Aquino, inilagay ang Popcom sa ilalim ng Department of Health (DoH) at isinabay ang family planning sa mga programa sa pangangalaga sa kalusugan ng bata at kababaihan. Ngunit nagpatuloy pa rin ang Popcom sa balangkas ng kontra-kahirapan. Bago umalis sa puwesto, ipinailalim ito ni Aquino sa National Economic and Development Authority. Naging tagapagpatupad ang Popcom ng Philippine Population Management Program ni dating Pang. Fidel Ramos.

Ginamit ng sumunod na mga administrasyon ang mga terminong “responsible parenthood” at “reproductive health,” na sa esensiya ay programa na pagkontrol sa populasyon. Nauwi ang Popcom sa paglalako ng artipisyal na mga kontraseptibo mula sa dayuhang mga institusyon gaya ng USAID, World Bank, Asian Development Bank, at Ford Foundation.

Kasabay nito, hindi naman pinangalagaan ng gobyerno ang kalusugan ng bata at kababaihan, na pinatunayan ng kalunus-lunos nilang kalagayan.

Sa badyet ng lokal na gobyerno na ipinaaako ang serbisyong RH sa halip na magmula sa pambansang badyet.  Katunayan, binawasan ni Aquino ng P318-M ang badyet ngayong taon ng 12 mayor na pampublikong ospital, kabilang ang Jose Fabella Memorial Hospital na nag-iisang maternity hospital sa  bansa. Binawasan din niya ng P503-M ang badyet ng DoH para sa kalusugan at pagpaplano ng pamilya.

RH Bill labas sa population control

Para sa militanteng kababaihan ng Gabriela, hindi dapat pagkontrol sa populasyon ang RH Bill o House Bill 4244 sa Kamara. Sa pamamagitan ng party-list nito, inilalaban ng Gabiela na alisin ang RH Bill sa balangkas ng pagkontrol sa populasyon at tanggalin ang mga panukala hinggil dito.

Pinakamatindi ang Sek.12 na lantarang nagsabi na ipapaloob ang family planning sa lahat ng programang kontra-kahirapan ng gobyerno.  Gayundin ang Sek.25 na nag-aatas sa PopCom na tumayo pa ring pangunahing ahensiya sa pagpapatupad ng RH Bill kapag naisabatas na ito.

Gayundin, bagaman tanggal na sa panukalang batas ang pagtakda ng gobyerno na dalawang anak lamang ang ideal family size (hanggang dalawang anak lamang ang mabibigyan ng suporta ng gobyerno), sinasabi pa ring “hihimukin” ang mga mag-asawa na ilimita ang anak sa dalawa.

Kahit saan pa tingnan, hindi kailanman naging matagumpay ang pagkontrol sa populasyon bilang sagot sa kahirapan. Simula pa nang ipatupad ang programa sa population control noong dekada ’70, bumaba na ang fertility rate, mula anim na anak kada babae, sa 3.2 anak kada babae na lamang noong 2006. Sa kabila nito lalo pang lumala ang kahirapan sa Pilipinas.

“Matris ng babae ang sinisisi sa paglobo ng populasyon,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.  “At matris din nila ang pinupuntirya sa paglutas diumano ng kahirapan.”

Sa gayo’y hindi umano napapanagot ang may tunay na kasalanan sa kahirapan ng bayan. “Nakakapagtago sa likod ng pagkontrol sa populasyon ang malalaking asendero-komprador sa bansa, kasama ang mga kasabwat nitong mga dayuhang monopolyo kapitalista, sa deka-dekadang pagsasamantala sa bayan,” ani Linaban.

Kalusugan ng anakpawis

Isang komprehensibong reproductive health bill na papabor laluna sa kababaihang anakpawis ang nais ng Gabriela na mangibabaw sa Kamara.  Sa nakasalang na RH Bill, naipasok ng Gabriela Women’s Party ang positibong mga panukala kaugnay nito.

Ilan sa mga ito ang: (a) libreng serbisyo ng mga doktor at iba pang manggagawang pangkalusugan, lalo na para sa mahihirap at walang trabahong kababaihan, at mga buntis na dalagita; (b) pagtatayo ng mobile health clinics; (k) sex education sa eskuwelahan para sa kabataan; (d) proteksiyon ng kababaihan laban sa nakalalason na mga kemikal; (e)  kalahating araw na bayad na pre-natal leave sa kababaihang manggagawa; at (g) pangangalaga sa mental na kalusugan, HIV-AIDS, at mga kanser sa suso at sistemang reproduktibo.

Kaya hindi limitado sa family planning ang RH Bill. Kaugnay naman ng family planning, nililinaw ng Gabriela na dapat naaayon ito sa matalinong pagpaplano sa pagpapamilya ayon sa kahandaan ng babae, mag-asawa, at pamayanan. Ibig sabihin, dapat mayroong akses ang mga pamilya sa tamang impormasyon at sapat na pasilidad at serbisyong pangkalusugan, kapwa sa natural at sa artipisyal na mga kontraseptibo. Dapat ding ligtas at walang panganib ang mga kontraseptibo bago ipalaganap sa publiko.

Ani Linaban,  “Dapat maging mapagbantay ang kababaihan. Magiging katanggap-tanggap lamang ang mga kontraseptibo kapag nagsusulong ng kalusugan at kagalingan ng kababaihan at hindi para sila takdaan, kontrolin ang kanilang katawan, magdulot ng panganib, pag-eksperimentuhan sila o pagkitaan ng malalaking dayuhang kompanya ng gamot.”

Gayunman, mahaba pa ang laban. Matindi ang pagtutulak ng US funding agencies at pharmaceutical companies na maipasa ang RH Bill sa balangkas ng pagkontrol sa populasyon. Kaya naman di rin tumitigil ang Gabriela sa paglalantad ng tunay na layon nila at ng administrasyong Aquino sa pagsuporta sa RH Bill.

Samantala, magkapareho ang pananaw ng Gabriela at ng Simbahang Katoliko sa pagtutol sa population control.  Subalit inaayawan ng simbahan ang RH Bill dahil sa artipisyal na kontraseptibo, at itinuturing na ang mga pabor dito ay mga kriminal o mamamatay-tao. Hindi naman ito sinasang-ayunan ng Gabriela, sa paniwalang may reproduktibong karapatan ang kababaihan para magpasya sa sarili.

Pero sa debateng ito sa RH Bill, kinakailangang mangibabaw ang tinig ng kababaihan.  Kalusugan at katawan nila ang nakasalang, subalit hindi nila mapairal ang malayang paggamit ng kanilang reproduktibong karapatan. Panahon na para kilalanin ito ng gobyerno, bigyan ng karampatang badyet at palawakin ang serbisyo laluna sa kababaihang anakpawis, na ngayo’y ginagamit lamang na sangkalan laban sa kababaihan at sa buong mamamayan.

* * *

Sidebar: Kapabayaan ng gobyerno sa kalusugan ng kababaihan

• Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na mortality rate sa Asya. Sa bawat 100,000 kababaihang nanganganak, 230 ang namamatay; kumpara sa 110 sa Thailand, 62 sa Malaysia at 14 sa Singapore. Pangunahing mga dahilan nito ang labis na pagdudugo; impeksiyon; hypertensive disorder; at kakulangan ng wastong pangangalaga sa panahon ng pagbubuntis.

• High-risk o delikado ang mahigit 60% ng panganganak sa Pilipinas, subalit kapos ang pasilidad para rito. Wala pa sa kalahati o mahigit 40% ang nanganganak sa mga pasilidad pangkalusugan; ang iba’y nangangak lamang sa bahay, lalo na sa kanayunan.

• Nasa 75% ng buntis, na galing sa pinakamahihirap na saray, ang walang akses sa skilled birth attendant, kumpara sa 20% ng buntis na mayayaman.

• Mababa ang responsableng impormasyon hinggil sa sex ng mga kabataan. Mula 1994 hanggang 2002, tumaas ang seksuwal na aktibidad ng kabataang nasa edad 15-19. Nagreresulta ito sa pagbubuntis ng 10% ng  kababaihan, na kalakhan ay mahihirap.

• Dahil sa kawalan ng edukasyon at serbisyo hinggil sa karahasan sa kababaihan, nasa halos 25% ng kababaihang nasa edad na 15-19 ang nakaranas ng pisikal o seksuwal na karahasan.