Ang kaso para sa komprehensibong reproductive health
Gabriela kay Pangulong Aquino: Pangibabawan ang “makitid” na pakikipagdebate sa Simbahang Katoliko hinggil sa kontraseptibo, at sa halip ay komprehensibong itaguyod ang kalusugan ng mahihirap na kababaihan.

Isinampa ng grupong Gabriela Women’s Partylist kamakailan ang isang komprehensibong batas hinggil sa reproductive health ng kababaihan. Kaiba sa Reproductive Health Bill na isinusulong ng ibang mambabatas at suportado ni Pangulong Aquino, hindi ito limitado sa pagkontrol ng populasyon, kundi itinataguyod ang reproductive health bilang batayang karapatang pantao at bahagi ng komprehensibong pagharap sa suliranin sa kalusugan ng mamamayan, lalo na ng kababaihan.
“Ang mg debate, dayalog, at konsultasyon sa Reproductive Health Bill ay dapat nakapokus sa pangangailangan ng naghihirap na mayorya,” sabi ni Gabriela Rep. Luz Ilagan, isa sa mga awtor ng House Bill 3387 o Comprehensive Reproductive Health Bill.
Kabilang sa mga probisyon ng nasabing panukalang batas ang sumusunod: libreng serbisyo para sa reproductive health ng mahihirap na kababaihang pasyente, at pagpapaunlad ng mga pasilidad para sa reproductive health sa mga barangay health center at pampublikong ospital.
Itinatakda rin ng panukalang batas ang pagbibigay ng regular na pag-aaral hinggil sa reproduksiyon sa kababaihang estudyante, at pag-oobliga sa mga employer na pangalagaan ang mga manggagawang buntis.
“Susuhay ang HB 3387 sa Magna Carta of Women na ipinasa noong nakaraang taon at nagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga kababaihan sa loob ng bahay, eskuwelahan at pagawaan. Sasaklawin nito ang buong siglo ng buhay ng kababaihan, mula sa kapanganakan hanggang sa yugto ng post-menopause,” sabi naman ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus.
Antas ng mortalidad sa kababaihan
Sa datos ng Family Planning Survey noong 2006, nasa 162 kada 100,000 ang mortality rate ng kababaihang buntis at nanganak. Samantala, sa datos ng Center for Women’s Research (CWR), isang babae ang namamatay kada dalawang oras–o kada araw, 11 buntis ang namamatay dahil sa hemorrhage, hypertensive disorder, sepsis at iba pang kumplikasyong may kaugnayan sa panganganak.

Ayon pa sa CWR, 25 porsiyento lamang ng kababaihang buntis ang nakakatanggap ng atensiyon ng doktor at iba pang propesyunal na tulong sa kanilang panganganak. Lumalabas din kanilang sa pag-aaral na ang Pilipinas ay kabilang sa 68 na bansa na bumubuo sa 97 porsiyento ng maternal, neo-natal at child health deaths sa buong mundo.
Sa kabila nito, nananatiling walang komprehensibong batas hinggil sa reproductive health ang Pilipinas.
Matapos bumalik ni Pangulong Aquino mula sa Estados Unidos kamakailan, idineklara niya ang kanyang pagsuporta sa Reproductive Health Bill na nakasalang sa Kongreso. Isa kasi sa mga adyenda ng pakikipagpulong ng pangulo sa United Nations (UN) General Assembly ang ay ang pagbawas sa mortalidad ng kababaihang buntis, sang-ayon sa pagkamit ng Millennium Development Goals na itinakda ng UN para sa taong 2015.
Agad na tumutol ang Simbahang Katoliko sa deklarasyong ‘pro-choice’ ng pangulo, o ang suporta nito sa artipisyal na kontraseptibo.