Migrante

Badyet ng gobyerno, P261 lang kada OFW


Kung totoong isa sa mga prayoridad ng gobyerno ang kapakanan ng Overseas Filipino Workers, bakit nasa 0.17 porsiyento lamang ng P1.8 Trilyong badyet ang nakalaan sa direktang serbisyo para sa kanila?

Kabilang sa libu-libong mga OFW na na-repatriate mula sa Libya. Sa patuloy na krisis sa Middle East-North Africa, tinatayang kukulangin ang P51.8-M na badyet ng gobyerno para sa emergency repatriation sa 2012. (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

“The protection of the rights and promotion of the welfare of our migrant workers and their families…is also our prime concern. They are, after all, a venerable force that drives our economy.” Ito ang sinabi ni Pang. Benigno Aquino III hinggil sa Overseas Filipino Workers, sa kanyang mensahe para sa 2012 pambansang badyet.

Pero kung totoong isa sa mga prayoridad ng gobyerno ang kapakanan ng OFWs, bakit nasa 0.17 porsiyento lamang ng P1.8 Trilyong badyet ang nakalaan sa direktang serbisyo para sa kanila?

Sa pagsusuri ng Migrante International, P3.1 Bilyon lamang ang ilalaan ng gobyerno para sa OFWs sa 2012, kinaltasan ng humigit-kumulang P792 Milyon mula sa P3.8-B na inilaan ngayong 2011. Ang pondong ito ang gagamitin sa direktang serbisyo para sa OFWs ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DoLE), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Department of Justice (DOJ), Commission for Filipinos Overseas (CFO), at Office of the President.

“Kung paghahati-hatiin ang pondo sa tinatayang 12 milyong OFW sa buong mundo, lumalabas na nasa P261 lang kada OFW ang badyet ng gobyerno,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Legal Assistance Fund, magkano?

Nasa P90.5-M pa ang utang ng DFA sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa ginastos ng ahensiya sa repatriation ng OFWs na tinamaan ng gulo sa Middle East-North Africa (MENA) at nuclear crisis sa Japan noong unang bahagi ng taong ito. Ibabawas ito sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng DFA para sa 2012. Kaya’t P3.1-B na lamang ang matitirang pondo ng DFA para sa direktang serbisyo sa OFWs sa 2012, mas mababa ng P792-M kumpara ngayong taon.

Marahil dahil napuna ang halos 50 porsiyentong kaltas sa Legal Assistance Fund (LAF) noong nakaraang taon, siniguro ni Aquino na mananatili sa P100-M ang nasabing pondo para sa 2012, alinsunod sa  Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 (Republic Act 10022). Ang LAF ang pondong ginagamit para tulungan ang OFWs na nakakulong o nahaharap sa mga kaso sa ibang bansa.

Pero hindi malinaw kung paano mapupunuan ang LAF, dahil ang P30-M para dito sa ilalim ng DFA lamang ang nakasaad sa badyet. Ayon sa RA 10022, dapat manggaling ang P50-M mula Presidential Contingency Fund at P30-M naman mula sa Presidential Social Fund—ngunit hindi ito nakasaad.

Hindi rin mapuna kung nasaan sa badyet ng DFA ang Assistance to Nationals (ATN), ang pondong dapat na gamitin para repatriation at medical assistance ng OFWs.

Binatikos ng Migrante ang hindi pagiging bukas ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa LAF at ATN. “Dahil hindi nakasaad kung magkano talaga ang nakalaan para sa LAF at ATN, nangangamba ang OFWs na makakaligtaan na naman ito, o mas malala pa, na magiging bulnerable ito sa korupsiyon,” ani Martinez.

Noong nakaraang taon, inamin ni Sek. Florencio Abad ng DBM na nagkamali ito sa pagkaltas ng LAF, na magsusumite ito ng erratum sa Kongreso, at na kukunin na lamang sa “cash balances” o natirang pondo ng 2009 at 2010 ang kulang. Pero walang naiulat na realignment sa pondo ng DFA, at hindi matiyak kung mayroon ngang natirang “cash balances” ang ahensiya, kung kinailangan pa nitong umutang sa OWWA.

Pondo para sa emergency repatriation, kapos

Samantala, tumaas ang badyet ng DoLE para sa emergency repatriation (naging P73.3-M mula P50-M)at welfare and protection (naging P406.8-M mula P402.6-M), at reintegration (naging P51.8-M mula P50-M) ng mga migranteng manggagawa. Pero mapapansing napakaliit pa rin ng mga pagtaas na ito. Tinatayang kapos na kapos pa rin ang pondong ito para tugunan ang pangangailangan ng OFWs, lalo sa gitna ng tuluy-tuloy na krisis sa rehiyong MENA at tinatayang displacement sa kanila dahil sa pandaigdigang krisis pampinansya.

Sa reintegration pa lamang, halimbawa, triple ng mahigit P50-M badyet para sa 2012 ang tinatayang P140-M na ginastos ng gobyerno para sa tig-P10,000 na emergency financial assistance sa 14,000 na umuwi mula Libya noong Pebrero.

Lumalabas na kalakhan ng P2 Bilyong reintegration program ng OWWA ang magmumula pa rin sa sariling bulsa o mandatory contribution ng OFWs.

Sumasalamin sa labor export policy

Bahagyang tumaas ang badyet kontra-illegal recruitment ng POEA, programa sa welfare at impormasyon ng CFO (para sa mga immigrant), at kontra-human trafficking ng DOJ at Inter-Agency Council Against Trafficking. Sinalubong ito ng Migrante, pero dapat umano maging ispesiko sa paggagastusan ng mga pondong ito at hindi naka-lump sum sa badyet.

Tumaas din ang pondo para sa overseas employment promotion services, ang tinataguriang marketing department ng POEA na nagrerekluta sa mga Pilipinong mangibang-bansa. Ani Martinez, “Taliwas ito sa sinabi ni Aquino na prayoridad ng kanyang administrasyon na maglaan ng trabaho sa sariling bayan para masagot ang suliranin ng pwersahang migrasyon.”

Sa kabilang banda, bumaba naman ang pondo ng POEA para sa MOOE ng welfare and assistance para sa mga OFW.

Samantala, itinayo sa ilalim ng Office of the President and Overseas Preparedness and Response team. Ayon sa pangulo, mangagasiwa ito sa pagbubuo ng estratehiya at polisiya tuwing may kinakaharap na krisis ang OFWs, at pinaglaanan ng P6-M na badyet.

Sa kabuuan, sinabi ng Migrante na patunay ang badyet na patuloy ang labor export policy o polisiya ng gobyernong nagtutulak sa mga Pilipino na mangibang-bansa, kasabay naman ng pagpapabaya sa mga migranteng manggagawa.

Ang badyet para sa serbsiyo para sa OFWs ay 0.43 porsiyento lamang ng pondo sa pambayad-utang, tatlong porsiyento ng pondo ng militar, 14 porsiyento ng pondo sa Private-Public Partnerships, at 1.9 porsiyento ng unprogrammed funds o tinaguriang pork barrel ni Aquino.