Badyet sa DOH: Kalusugan ng bayan o ng negosyo?
Malumanay na ipinaliwanag ni DOH Sec. Enrique Ona sa budget hearing sa Kamara ang hinihinging badyet ng kanyang kagawaran. Ngunit halos naikubli ng presentasyon ang katotohanang kinakaltasan na naman ng administrasyong Aquino ang badyet sa batayang serbisyong pangkalusugan ng mga mamamayan.

Hindi mahulugang-karayom ang Andaya Hall sa Kamara noong Agosto 9 nang punuin ito ng iba’t ibang sektor na gustong marinig ang mga panukala ng kinatawan ng Department of Health (DOH).
Sa pagdinig na ito, inilatag ni Sek. Enrique T. Ona ng DOH ang kanyang plano para sa kagarawan, at kung bakit dapat paglaanan ng sapat na pondo ang kanyang kagawaran. Madagundong ang paghingi ng sekretaryo sa harapan ng mga kawani ng Department of Budget and Management: ang pagtaas ng badyet para sa kalusugan sa susunod na piskal na taon 2012.
Ang panawagan ni Ona: 31.7% na pagtataas ng badyet sa sektor pangkalusugan.
Mataas na badyet, pero para saan?
Bilang bahagi ng sponsored program ng DOH na “Kalusugan Pangkalahatan,” malaki ang itinaas na paglalaan ng badyet para sa PhilHealth. Mula P3.7-Bilyon noong isang taon, inaasahang tatanggap ang programa ng P12-B sa susunod na taon.
Bahagi ng pagtatasa ni Ona ang ilang kritikal na bahagi ng mga programang pangkalusugan sa bansa. Binanggit niya ang bisa ng Cheaper Medicines Act, habang ipinapanukala ang pagsuri kung naging matagumpay ang programang “Botika ng Barangay” sa pagbigay ng akses ng gamot sa mga mahihirap. Ayon sa inisyal na pagsasaliksik, inihayag niya na 40% ng lahat ng naitatag na botika ng barangay ang hindi nagtagumpay.
Sa bahagi ng pagkakahati ng pondo per capita ng bansa, pinakamalaki pa rin ang nakalaan sa Luzon. Bibigyan ito ng 53% ng alokasyon ng badyet, habang tig-20% at 23% ang Kabisayaan at Mindanaw.
Ngunit halos naikubli sa paliwanag ni Ona ang paglobo ng pondo para sa flagship project ng kasalukuyang administrasyon: Ang paglaan ng P3.3-B sa equity ng DOH upang tukuyin ang regional hospitals na anila’y “imomodernisa” ayon sa mga probisyon para sa Public-Private Partnerships ng administrasyong Aquino.
Pagtabas, at kawalan pa rin rin ng badyet
Ngunit habang nagsisipaglakihan ang mga planong paglalaan ng badyet, hindi pa rin magkakaaroon ng pagtataas ng maintenance and other operating expenses o MOOE ng lokal at espesyal na mga ospital sa bansa, tulad ng East Avenue Medical Center, Jose Reyes Memorial Hospital, at National Children’s Hospital.
Sa pagtatasa ng Alliance of Health Workers (AHW), tataas ang bayarin sa mga serbisyo tulad ng X-ray at iba pang eksaminasyong medikal. Ganito na nga ang ginawa sa Philippine Orthopedic Hospital. Mistulang makikipagkumpetensiya pa ang senior citizens at kawani ng gobyerno sa diskuwento dahil sa pagkaltas ng badyet sa MOOE.
Hindi pa rin nababawi, ayon sa AHW, ang mga nawalang badyet ng government owned and operated hospitals mula pa noong 2010. Habang may pagbawas sa personal services ayon sa pahayag ni Aquino na “paglalaan ng pondo para sa badyet ng ahensiya hanggang sa extent of filled position” lamang.
Tinapyasan din ang badyet para sa programang Health Facilities Enhacement: Mas mababa nang mahigit P2-B ang panukalang badyet nito kumpara noong isang taon, habang wala namang inilaan na subsidiyo para sa mga indigent o maralitang pasyente upang makagamit ng mga espesyalisadong kagamitan sa mga ospital.
Mga maling prayoridad at paglalaan
Sa pagtatasa ni Ona, inihayag niya ang tatlong mahahalagang proyekto ng kanyang departamento: ang paglunsad ng mga programang PPP; ang paglahok umano ng tinaguriang “informal settlers” o mga maralitang lungsod sa PPP; at magpasa ng ilang amyenda sa PhilHealth Law, kabilang ang panukala ng sekretaryo na gawing rekisito sa mga transaksiyon ang pagkakaroon ng Philhealth, maging sa enrolment sa mga paaralan.
Ngunit sinabi ng Coalition for Health Budget Increase na natagpuan nila ang anila’y ilang nakakalinlang na paglalaan ng badyet ng DOH.
Una, ang sinasabi ni Ona na paglaki ng subsidiyo para sa programang pangkalusugan na aabot sa 243%. Sa karanasan, hindi natutuunan ng PhilHealth ang batayang mga pangangailangan ng mga pasyenteng nais makakuha ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Ayon sa naturang koalisyon, kinakailangan pa ring gumastos ang mga benepisyaryo ng programang ito.
Sinabi pa nila na dahil sa kakulangan ng pasilidad sa mga pampublikong pagamutan, maging sa budget ceiling na inilalaan ng PhilHealth para sa ilang karamdaman, napipilitan ang mga pasyente na tumungo ang mga pribadong pagamutan para matugunan lamang ang de-kalidad na serbisyo.
Ikalawa ang mahigit P3-B paglalaan ng pondo sa equity upang imodernisa ang 25 rehiyunal na mga opisyal, sang-ayon sa programang PPP. Sinabi ng naturang koalisyon na habang walang inilaan para sa MOOE at pagpipinansiya sa pasilidad, kagamitan at karagdagang gamot, maglalaan ang gobyerno ng badyet na dudulo sa mas mahal pang serbisyong pangkalusugan.
Ikatlo ang pagtaas ng 242% para sa family health and responsible parenting. Napansin ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan na hindi naglaan ng badyet para sa programang “ligtas buntis”. Sagot ni Ona, ipapasok na lamang daw ito sa P247-M badyet para sa maternal health.
Mahaba na nga ang litanya ng pagkaltas sa iba’t ibang programang pangkalusugan; hindi pa kasama rito ang usapin ng kasiguraduhan ng trabaho ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa.
Sa hinaba-haba ng litanya ni Ona, hindi pa rin ipagkakaila na papalayo sa mga mamamayan ang paglaki ng badyet sa kalusugan, at papalapit pa lalo sa mga negosyante.