Katutubo, nagrali vs pagpapabaya ng gobyerno, pang-aabuso
Sinalubong ng protesta nang iba’t bang tribung katutubo ang Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo sa Mendiola, kanilang binatikos ang “kapabayaan” sa kanila ng gobyerno at ang lumalalang kaso ng pag-abuso sa karapatang pantao ng mga ito.

Sinalubong ng protesta nang iba’t bang tribung katutubo ang Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo sa Mendiola, kanilang binatikos ang “kapabayaan” sa kanila ng gobyerno at ang lumalalang kaso ng pag-abuso sa karapatang pantao ng mga ito.
Ipinahayag ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), na wala umanong dapat ipagdiwang ang mga katutubo dahil mabangis na atake ang kasalukuyang nagaganap sa hanay ng mga katutubo sa mga kabundukan at liblib na lugar sa kanayunan.

“Isang mabangis ang okasyon ang nangyayari ngayon dahil sa malawakang paglabag sa karapatang pantao at malawakan rin ang pang-aagaw sa aming mga lupang ninuno,” ani Piya Macliing Malayao, pangkalahatang kalihim ng Kamp.
Ayon sa grupo, aabot sa mahigit 500,000 ektarya ng lupaing ninuno ang may aprubadong aplikasyon sa pagmimina. Sa rehiyong Kordilyera, 60 porsiyento umano ng kabuuang land area nito ang sasaklawin ng mga aplikasyon ng pagmimina.

Samantala, sa probinsiya ng Surigao del Sur at Agusan del Norte sa Mindanao; 93, 740.08 na ektaryang saklaw ng mga lupang ninuno ng mga Lumad ang inaprubahan upang minahin. Diumano, apektado ang mga lupaing ninuno sa 50 porsyentong aplikasyon ng mina sa buong bansa.
Idinagdag pa ni Malayao na sa kabila ng moratoryo sa pagmimina noong Enero, sa pamamagitan ng Memorandum Order 2011-01 nang Department of Environment and Natural Resources (DENR), hindi nito napigilan ang pagdami ng mga aplikasyon, bagkus pinabilis umano nito ang pag-apruba sa mga nahuhuling aplikasyon at permit.
“Pinagdusahan ng mga mamamayan ang unti-unting pagpasok ng mga proyektong mina noong panahon ni Arroyo. Nakakatiyak kami na ito rin ang patakaran ni (Pang. Noynoy) Aquino. Ang panawagang pagbabago ni Aquino ay kabalintunaan para sa aming mga katutubo. Ang tanging pagbabago para sa amin ay ang paglala at pagyurak sa aming mga karapatan,” ani Malayao.
Binatikos rin ng grupo ang lumalalang paglabag sa kanilang karapatang pantao kasabay sa paghugos ng mapaminsalang mga proyekto. “Walong katutubo ang pinaslang ng mga pwersa ng estado sa loob lamang ng isang taong panunungkulan ni Aquino. Libu-libong Lumad ang lumikas sa kanilang mga komunidad dahil sa pang-aabuso ng mga militar,” sabi pa ni Malayao.
Maliban umano sa naitalang 139 kaso ng pamamaslang (walo sa panahon ni Aquino) sa hanay ng mga katutubo, biktima pa ang mga ito nang pananakot ng mga grupong paramilitar na binuo ng Armed Forces of the Philippines. Ibinigay na halimbawa ng grupo ang pamamaslang sa dalawang katutubong sina Arpe Belayong at Solte San-Ogan noong Hunyo 30 sa Esperanza, Agusan del Sur.
Pinaghihinalaang mga miyembro ng Bungkatol Liberation Front (Bulif) at Salawakan na mas kilalang “Wild Dogs” ang pumaslang sa dalawang katutubo at pagkakasugat ng dalawang bata.
Bukod pa sa dalawang grupong paramilitar, patuloy pa rin umanong naghahasik ng takot ang grupong Alamara at Bagani Force sa Paquibato, Davao City; at ang Lumadnong Pakigbisog sa Caraga o Lupaca na pinamumunuan ni Ondo Perez, na napabalita kamakailan dahil sa pagdukot sa 16 na estudyante at guro sa Prosperidad, Agusan del Sur noong Abril.
“Nagmula ang mga grupong ito sa pagrerekluta sa mga Lumad para sa mga grupong paramilitar at upang madagdagan ang puwersa ng militar kontra insurhensiya o kaya para sa seguridad ng mga malalaking negosyo,” ayon sa Katribu Party-list.
“Hindi maipagkakaila ni Aquino ang patong-patong na kaso nang paglabag sa karapatang pantao. Walang batayan ang sinasabi niyang pagbabago,” ani Malayao.
