Mga artista, umalma sa pagpapasara sa ‘Kulo’ exhibit, nanindigan para sa kalayaan sa pamamahayag


Nagkaisa ang mga alagad ng sining at manggagawang pangkultura laban sa pagpapasara sa eksibisyong “Kulo,” kung saan tampok ang kontrobersiyal na obrang “Poleteismo” ni Mideo Cruz. Isinara sa publiko ang nasabing eksibisyon nitong Martes, Agosto 9, sa gitna ng presyur sa mga opisyal ng Cultural Center of the Philippines (CCP), kung saan ito nakatanghal. Partikular […]

Press conference ng Palayain sa Sining, na pinangunahan ni National Artist for Literature Bienvenido Lumbera at iba pang mga artista sa iba't ibang larangan. Kinondena nila ang anila'y pagsensura sa mga likhang sining sa eksibit na "Kulo" sa Cultural Center of the Philippines matapos ireklamo ng mga grupong Katoliko, partikular ang likha ni Mideo Cruz na "Poleteismo." (Ina Alleco Silvero / Bulatlat.com)
Press conference ng Palayain sa Sining, na pinangunahan ni National Artist for Literature Bienvenido Lumbera at iba pang mga artista sa iba't ibang larangan. Kinondena nila ang anila'y pagsensura sa mga likhang sining sa eksibit na "Kulo" sa Cultural Center of the Philippines matapos ireklamo ng mga grupong Katoliko, partikular ang likha ni Mideo Cruz na "Poleteismo." (Ina Alleco Silvero / Bulatlat.com)

Nagkaisa ang mga alagad ng sining at manggagawang pangkultura laban sa pagpapasara sa eksibisyong “Kulo,” kung saan tampok ang kontrobersiyal na obrang “Poleteismo” ni Mideo Cruz.

Isinara sa publiko ang nasabing eksibisyon nitong Martes, Agosto 9, sa gitna ng presyur sa mga opisyal ng Cultural Center of the Philippines (CCP), kung saan ito nakatanghal. Partikular na ikinagalit ng ilang obispo at kinatawan ng Simbahang Katoliko ang obra ni Cruz, na diumano’y “nambabastos” sa relihiyon.

Umani ng batikos si Cruz at ang kanyang obra mula sa iba’t ibang relihiyosong grupo at institusyon, kabilang na ang Unibersidad ng Sto. Tomas (UST), kung saan nagtapos si Cruz ng kanyang kurso sa Sining.  Nagkaroon din ng insidente ng pagsira at tangkang panununog sa obra, bukod pa sa galit, paghahain ng asunto, at banta sa buhay ni Cruz at iba pang opisyal ng CCP.

Maging ang dating unang ginang at Rep. Imelda Marcos – at si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III mismo – ay nagpahayag na rin ng negatibong reaksiyon sa nasabing obra.

Pinangunahan ni National Artist Bienvenido Lumbera ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) ang mga artistang nakiisa sa porum na isinagawa ng grupong “Palayain ang Sining,” sa University of the Philippines (UP) College of Mass Communication Auditorium sa Diliman, Quezon City, nitong Agosto 11.

Ayon sa grupo, ang isyu ay hindi na lamang tungkol kay Cruz at sa kanyang obra.

Focusing our attention and ire on one person has made us overlook the larger underlying issue, which affects not only Mideo Cruz but all of us as creators of art and as members of the viewing public: that of censorship and repression, (Ang pagtutok ng atensiyon at galit sa iisang tao ay nagtulak sa atin para maisantabi ang mas malaking isyu sa likod nito, nakaaapekto ito hindi lang kay Mideo kundi sa ating lahat bilang mga alagad ng sining at bilang publiko na tumatangkilik sa sining : ang isyu ng pagsesensura at represyon,” pahayag ng grupo sa isang manipesto.  

Ilang detalye sa installation art ni Cruz na "Poleteismo." (Ina Alleco R. Silverio / Bulatlat.com)
Bahagi ng installation art ni Cruz na "Poleteismo." (Ina Alleco R. Silverio / Bulatlat.com)

Sa pahayag ni J. Pacena II, curator at artistang kalahok sa eksibisyong “Kulo,” sinabi niyang: “(CCP) sets a bad precedent. Our right to freely express ourselves.. curtailed. I am shocked and appalled by how our civil liberties were exploited… (A)rtistic expressions were neglected and compromised by this decision, (Nagsimula ng masamang halimbawa ang (CCP). Pinigilan nito ang aming karapatan na malayang magpahayag ng sarili… Nasa-shock at nadidismaya ako kung paano niyurakan ang aming mga kalayaang sibil …  Isinantabi at ikinompromiso ang artistikong pamamahayag sa desisyon [na ipasara ang eksibisyon.] )

Nanindigan ang “Palayain ang Sining” laban sa represyon at pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag sa iba’t ibang larangan ng sining: “Palayain ang Sining does not merely support Mideo Cruz. We support the fight against censorship, and against attacks on our basic right to freedom of expression,(Hindi lang namin basta sinusuportahan si Mideo Cruz. Ang sinusuportahan namin ay ang laban kontra sa sensura, at kontra sa mga atake sa aming batayang karapatan sa kalayaan sa pamamahayag,” ani Iggy Rodriguez, tagapagsalita ng grupo.

Kabilang din sa mga nagpahayag sa porum si Karen Flores, CCP Head for Visual Arts, na nagbitiw sa kanyang tungkulin dala ng pagkadismaya sa desisyon ng CCP na ipasara ang eksibisyon.

Tinawag naman ng grupong Artists Arrest na “iporkrito” ang pagsasalita ni Pangulong Aquino laban sa obra:  “(it is) deeply alarming to hear the most powerful man in the country make a statement not only defining according to his own terms what it is good or bad to say, but also sanctions the silencing of an idea… (Nakababahalang marinig ang pinakamakapangyarihang tao sa bansa na magbigay ng isang pahayag na di lang nagtatakda ayon sa sarili niyang pamantayan kung ano ang mabuti o masamang sabihin, kundi nagbabasbas pa sa pagpapatahimik ng isang ideya…”

“Nakakalungkot lang isipin na ang ‘daang matuwid’ ni Pangulong Aquino, ay hindi lang po pala baku-bako. Dahil sa nangyayari dito — makitid din po pala ang ‘daang matuwid’,” pahayag ni Eric Cabrera, bokalista ng bandang Datu’s Tribe.

Kabilang si Aquino sa marami na nagpahayag ng negatibong reaksiyon sa kontrobersiyal na obra, nang hindi pa aktuwal na nakikita ang mismong likhang-sining. Nauna nang nanawagan sa publiko ang mga artista at manggagawang pagkultura para sa respeto, malusog na dayalogo, at pag-iwas sa mga banta at bayolenteng reaksiyon sa isyu.

Ang “Kulo” ay eksibisyon ng mahigit 30 artista mula sa UST, sa okasyon ng 150 taong kaarawan ni Jose Rizal, at 400 taon ng UST bilang isang institusyon. Nagbukas ito noong Hunyo 17, at nakatakda sanang magtapos sa darating na Agosto 21.

Ang “Poleteismo” ni Cruz ay instalasyong nagtatampok sa mga imahe ni Hesu Kristo at iba pang Katolikong simbolo kahanay ng iba’t ibang pangkaraniwang larawan at ikonograpiya. Mula pa noong 2002 ay nai-eksibit na ito sa UP Vargas Museum, Ateneo de Manila University Theology House, at itinampok sa isang music video ng bandang Stonefree. Ngayon lang naging kontrobersiyal ang obra.

Nagsimula ang pampublikong batikos nang ireklamo ang obra bilang “bastos” at “maka-RH bill,” sa programang Ekslusibong, Eksplosibong, Expose o XXX ng ABS-CBN. Ipinakita sa telebisyon ang mga detalye at bahagi ng obra na may mga kondom at kahoy na representasyon ng ari ng lalaki sa krusipihiyo at imahe ni Kristo.

Bilang tugon sa katanungan ng aktor na si Pen Medina, sinabi ni Lumbera na: “May malaking kinalaman ang midya sa naging pagtingin sa kabuuuang “Kulo.” Ang midya ay nagpadala sa argumento ng mga tutol, na blasphemous iyan, malaswa iyan.”

Sinabi ng mga artista na umalagwa na ang isyu, at ang pagbatikos ay nawala sa konteksto ng obra bilang likhang-sining at bahagi ng isang buong eksibisyon.

“Ngayon lang nangyari ito sa sining biswal…kahit pagharap sa midya ay naging  traumatic na sa kanila (Cruz, Flores, Pacena). Pero ngayong isinara na ang eksibit, kailangang magpokus ang mga artista laban sa represyon, at sa pag-uphold sa freedom of expression,” dagdag ni Rodriguez.

“I never go out of my way to offend; but I do like to provoke debates and critical thinking. Art is a way of expressing one’s views about the world, culture and history, and this is what I do in my work. (Hindi ko gawain ang sadyang mambastos; pero gusto ko na nakakapagpapasimula ng debate at kritikal na pag-iisip. Ang sining ay paraan para ipahayag ang mga pananaw sa mundo, kultura at kasaysayan, at ito ang ginagawa ko sa mga likha ko,” naunang sinabi ni Cruz sa isang interbyu.

Kasabay ng porum sa UP kanina ang isang piket-protesta ng Pro-Life Philippines laban sa CCP.