Protesta vs budget cut sa serbisyong panlipunan, dinahas sa Batasan Pambansa


Karahasan ang sumalubong sa ilang daang militante na tumungo sa tarangkahan ng Batasan Pambansa Building, tahanan ng Kamara. Layon ng mga grupo, na karamihan ay nagmula sa sektor ng pangkalusugan at mga kabataan at estudyante, na irehistro ang kanilang paggtutol sa mga nakahain na pagbawas ng badyet sa serbisyong pangkalusugan sa loob ng pambansang badyet […]

Marahas na tangkang pagdispers ng Philippine National Police sa mga nagrali kontra sa budget cut sa mga serbisyong panlipunan. (Contributed Photo/Kilos Na Laban Sa Budget Cut)
Marahas na tangkang pagdispers ng Philippine National Police sa mga nagrali kontra sa budget cut sa mga serbisyong panlipunan. (Contributed Photo/Kilos Na Laban Sa Budget Cut)
Tumungo muli ang mga mag-aaral sa harapan ng Kongreso upang irehistro ang kanilang laban sa patuloy na pagbawas sa badyet ng edukasyon. (Darius Galang)

Karahasan ang sumalubong sa ilang daang militante na tumungo sa tarangkahan ng Batasan Pambansa Building, tahanan ng Kamara.

Layon ng mga grupo, na karamihan ay nagmula sa sektor ng pangkalusugan at mga kabataan at estudyante, na irehistro ang kanilang paggtutol sa mga nakahain na pagbawas ng badyet sa serbisyong pangkalusugan sa loob ng pambansang badyet ng 2012.

Dalawang trak ng bumbero ang inihanda ng rumespondeng pulis sa harapan ng tarangkahan ng Kongreso.. Kinalaunan, ginamit rin ito sa tangkang pagpapaalis sa mga militante. (Darius Galang)

Nagawang maitulak at mabuksan ng mga kabataan ang dalawang tarangkahan ng Kamara pagdating nila mula sa martsa na nanggaling sa kanto ng Commonwealth at IBP Road. Ngunit hindi sila nagtangkang lumusob sa loob ng bisinidad. Sa halip, itinuloy ang programa ng pagsasalita sa harapan ng tarangkahan.

May ilan pang magsasalita ang nakahanay sa programang nagtagal na ng halos isang oras nang magsimulang gumamit ng dahas ang rumespondeng pulis mula sa QC Station 10 at security units ng Batasan. Lima ang napaulat na nasaktan sa insidente, at dinala agad sa UP Health Service sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.

Bagaman basa at may nasaktan, tinapos ng grupo ang programa at mapayapang nilisan ang Batasan.

Planong maghain ng kaso ang mga grupo sa kapulisan at sa puno ng security ng Batasan.

Bitbit ng mga tumungo sa Batasan ang kanilang mga hinaing ukol sa mga panukalang badyet sa serbisyong panlipunan sa susunod na taon. Sa pagtatasa ng League of Filipino Students, nananatiling mababa ang ilalaang badyet para sa edukasyon at pangkalusugan.

Sa loob ng P1.8 Trilyong badyet na ikakasa sa susunod na taon, tatanggap lamang ng 2.4% rito ang edukasyon kumpara sa rekomendasyon ng United Nations na 6%, habang 0.5% naman ang ilalaan ng pamahalaan para sa pangkalusugan, malayo sa rekomendasyon ng UN na 5%.

Nilahukan ng mga grupo ng kabataan ang isinagawang pagkilos, kasama ang LFS, College Editors Guild of the Philippines, Anakbayan, maging ng ilang mag-aaral ng hayskul. Sumama rin ang ilang miyembro ng Gabriela, Migrante, ACT Teachers Party-list, Alliance of Health Workers, at All-UP Workers’ Union.

“Ang laban ay mismong laban sa pagbabawas ng badyet sa serbisyong panlipunan. Umasa kayo ng malalaking protesta, boykot at strikes sa mga darating na linggo,” saad ni Aki Merced, tagapagsalita ng LFS. “Sa ginawang karahasan na ito ng Kamara, wala kaming ibang pagpipilian kundi dalhin ang aming mga ipinaglalaban sa kalye.”