10,000 nagmartsa kontra budget cut sa edukasyon

September 23, 2011

Martsa ng mga estudyante, kawani, guro at administrador sa SUCs mula Quezon City patungong Mendiola, Manila, sa kulminasyon ng "student strikes." (KR Guda)

Martsa ng mga estudyante, kawani, guro at administrador sa SUCs mula Quezon City patungong Mendiola, Manila, sa kulminasyon ng "student strikes." (KR Guda)

Aabot sa 10,000 estudyante, guro, kawani at administrador sa state colleges and universities sa buong bansa ang nagmartsa mula sa kani-kanilang mga kampus para ihayag sa administrasyon ni Benigno Aquino III ang pagtutol nila sa pagkaltas sa pondo sa edukasyon sa pambansang badyet sa taong 2012.

Sinabi ni Vencer Crisostomo, pangkalahtang kalihim ng Kabataan Party-list at isa sa mga lider-kabataang namuno sa tinaguriang “student strike,” ang mga martsa ay malakas na pagpapahayag ng pampublikong mga pamantasan ng pagkondena sa tila’y “state abandonment” o pagtalikod ng gobyerno sa pagsuporta sa edukasyon.

Aabot sa P24-Bilyon ang tinatayang pagkukulang sa badyet sa sektor ng edukasyon sa panukalang badyet ng administrasyong Aquino sa 2012, ayon sa Kabataan Party-list. Nagsumite sa Committee on Appropriations sa Kamara si Kabataan Rep. Raymond Palatino ng petisyon ng mga estudyante para ibigay ang P45.8-M na kailangang pondo para matustusan ang edukasyon ng kabataan.

“Hinihimok natin ang administrasyong Aquino na ibigay ang mga amyendang ito. Kung hindi, wala kaming ibang opsiyon kundi ipagpatuloy ang mga kilos-protesta hanggang tupdin ni Pangulong Aquino ang mga hiling ng ating SUCs,” paliwanag ni Palatino.

Mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City at sa Padre Faura, Manila, nagmartsa ang mahigit 5,000 estudyante at nakianib sa mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines, Eulogio Amang Rodriguez Institute of Technology, Philippine Normal University, Bulacan State University, Makati Polytechnic College, at iba pang SUCs sa Moryata, Manila patungong Mendiola, sa paanan ng Malakanyang.

Tinaguriang pinakamaraming bilang ng mass planking sa bansa ang isinagawa ng mga estudyante sa paanan ng Mendiola, Manila. (KR Guda)

Tinaguriang pinakamaraming bilang ng mass planking sa bansa ang isinagawa ng mga estudyante sa paanan ng Mendiola, Manila. (KR Guda)

Isa sa mga highlight ng protesta ang pagsunog ng effigy ni Pangulong Aquino. Nagsagawa rin ng mass planking ang halos lahat ng mga estudyanteng nagprotesta.

Tumagal hanggang alas-7:15 ng gabi ang programa sa Mendiola. Sa huli, hawak ang mga sulo sa gabi, nanumpa ang mga kabataan na ipagpapatuloy nila ang paglaban para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Mapayapang pagtatapos ng programa, at pag-iwan ng hamon sa mga kabataan na ipagpatuloy ang laban. (KR Guda)

Mapayapang pagtatapos ng programa, at pag-iwan ng hamon sa mga kabataan na ipagpatuloy ang laban. (KR Guda)

Para sa bidyo ng naturang martsa, panoorin dito.

Tunghayan ang ilang larawan ng martsa ng SUCs patungong Mendiola sa susunod na pahina (Next page)