Una Bofetada del Kulo


Rebyu ng eksibit na “Kulo” at ilang punto hinggil sa kontrobersiyang pumapalibot sa likhang sining na “Poleteismo” ni Mideo Cruz.

"Poleteismo" ni Mideo Cruz, isa lamang sa mga likhang sining sa eksibit na "Kulo," bago ito ipinasara ng Cultural Center of the Philippines matapos ang presyur ng iba't ibang pulitiko at konserbatibong indibidwal. (Ina Silverio/Bulatlat)
“Poleteismo” ni Mideo Cruz, isa lamang sa mga likhang sining sa eksibit na “Kulo,” bago ito ipinasara ng Cultural Center of the Philippines matapos ang presyur ng iba’t ibang pulitiko at konserbatibong indibidwal. (Ina Silverio/Bulatlat)

Mapanglaw ang mga pasilyo hanggang sa makarating ako sa ikatlong palapag. Erkon pero maalinsangan. Ang pamagat ng eksibisyon ay “Kulo,” at sinalubong ako ng maiinit na tumbong at pumuputok na butse.

Dakdakan!

I

Ang “Kulo” ay eksibisyon ng 32 artista na pawang mga gradweyt ng University of Santo Tomas (UST) College of Fine Arts and Architecture. Nagbukas ito sa main gallery ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Hunyo 17, at nakatakda sanang magtapos sa darating na Agosto 21.

Tema ng eksibisyon ang okasyon ng ika-150 taong kaarawan ni Jose Rizal, at ang ika-400 taon ng UST bilang isang institusyon. Sanay na tayo sa kabi-kabilang pagdiriwang na isinagawa sa mga paaralan, monumento at ahensya ng pamahalaan. Sa gitna ng lahat ng ito, ang inihain ng “Kulo” ay isang alternatibong pagsipat mula sa personal hanggang sa kolektibong lapit ng mga likha at artistang kalahok sa eksibisyon.

Mainam pansinin na sa lokal na eksena ng sining biswal ay kinakatawan ng mga kalahok ang reputasyong “pasaway” – sila’y mga “di pangkaraniwang” produkto ng UST. Sabihin nang dapat asahan na “labas sa kahon” o kumakawala sa molde ang mga ideyang ipinahayag nila, sa kabila, o maaaring dahil na rin, sa natanggap nilang pundasyon mula sa tinaguriang pontifical university.

Sa konsepto pa lang ay mapangahas – at may potensyal nang maging “mapanganib” – ang isang proyekto na gaya ng “Kulo.” Sa pag-uudyok nito ng biswal na dayalogo kaugnay kay Rizal – kay Rizal bilang estudyante ng UST o sa UST bilang institusyong pang-edukasyon – hindi nito maiiwasang mapasadahan ang maseselang isyu. Nariyan lagi ang panlipunang dimensyon ng sining kaugnay ng pulitika, kultura at relihiyon. Hindi ba’t si Rizal mismo ay namartir nang dahil sa kanyang mga ideya na hindi nagustuhan ng mga awtoridad at makapangyarihan – mga ideyang sumalungat sa dominanteng agos?

Pagpasok sa gallery ay agad tatambad ang pyesang pinamagatang  “CSI—Chimoy si Imbisibol” na kolaborasyon ni Jose Tence Ruiz kasama sina Nar Cabico, Jun at Kat Villalon. Pitong panel ito ng mga dambuhalang larawan (electrostatic print / acrylic) ng mga kasambahay na nakabihis at animo’y nasa gawain ng imbestigasyon sa mga lugar na pinangyarihan ng krimen. Sa mas matamang pagsipat ay abala lang pala ang mga pigura sa karaniwang gawaing-bahay gaya ng pagtitimpla ng kape, pagwawalis o paglilinis ng banyo.

Isa rin sa unang matutunghayan ay painting sa estilong “mother and child” na likha ni Alfred Esquillo Jr. Ang imahe na pangkaraniwan nating nakikita bilang ang Birheng Maria na kalong-kalong ang sanggol na si Hesus ay ipininta sa imahe ng dating Pangulong William McKinley ng Estados Unidos, kalong-kalong ang isang bata sa imahe ni Hen. Emilio Aguinaldo: si “Mama Kinley,” na siyang pamagat ng obra, ay may kalong ding baril, at kamay na mayroong mga kuko ng agila.

Pagpipinta rin ng mga di-kumbensyunal na paksa ang ginamit sa marami pang ibang pyesa gaya ng “Master’s Apprentice 2011” ni Ivan Roxas, ang “Hubad na Katotohanan Nahan si Basilio” ni Joey Ibay, “Compo” ni Con Cabrera, at iba pa.  Ang pintor mismo ang imahe sa likha ni Roxas, literal na hubad at may nakatayong ari ang lalaki sa pyesa ni Ibay, at isang armadong anghel naman ang tampok sa obra ni Cabrera.

Itinanghal sa makukulay na padron ang imahe ni Rizal sa malalaking digital prints ng Team Manila (“Rizal Artwork,”) – Rizal na naka-shades, Rizal na di karaniwan. Makukulay din ang mga elementong nakasabit sa pyesang “Flying on Neon Wings” ni Clint Catalan. Nasa kaloob-looban ng gallery ang “Vandalism Graffiti” ni Costantino Zicarelli.

Sa isang sulok na animo’y kumpisalan, nakababahalang mga imahe ukol sa relihiyon, kapangyarihan at pananalig ang makikita mula sa mga telebisyon sa instalasyong “Dogmatik Automatik” ni Leobensant Marquez. Gumamit din ng bidyo at tunog ang trabaho ng curator na si J. Pacena II, sa isang kolaborasyon kasama ang tanyag na rap artist na si Aristotle Pollisco (a.k.a. Gloc 9). Sa pamamagitan ng tatlong telebisyon, sabay-sabay na ipinapakita ang mas malawak na kolaborasyon ng mga artista sa 50 pang pangkaraniwang tao na umaawit at bumibigkas ng mga titik ng “Akin Lamang Naman,” ni Gloc 9 – isang tula na komentaryo sa korupsyon at kapangyarihan.

Ilan lang ang mga ito sa halimbawa ng mga pyesa sa matutunghayan sa “Kulo.” Sa punto de bistang akademiko o pansining, hindi naman mahirap unawain ang artistikong merito ng eksibisyon na ipinagpapalagay nating batay sa intelehenteng pagpapasya ng mga artista, curator, at mga opisyal ng yunit sa sining biswal ng CCP.

Ang inihain nila’y panibagong pagsasalarawan ng mga luma o nagpapatuloy na naratibo: isang alternatibo at napapanahong pagsipat sa matitingkad na aspeto ng ating kultura batay sa ugat ng mga ito sa ating kasaysayan. Sa mga selebrasyon, maaaring nagtapos na ang iba sa pag-aalay ng mga bulaklak at papuri kay Rizal. Ngunit sa diwa ni Rizal, ang pagpuna sa kultura at lipunan, at pagsisiwalat ng mga bago at kritikal na ideya na gaya ng tangka ng mga artista sa “Kulo,” ay maaaring mas makabuluhan pa kaysa sa naunang magagarbo ngunit hungkag na pagpupugay.

Para sa akin, dapat kilalanin ang kapangahasan ng mga artistang ito sa hubog na maaaring utang din naman nila sa edukasyong UST. Ito’y mga punto de bistang mapaglaro ngunit mapaglimi, kung di man tahasang matalas at kritikal sa mga pamana ng kolonisasyon sa ating kultura. Sa pamamagitan ng mga biswal na imahe ay sinasampal ng “Kulo” ang impluwensya at awtoridad ng ilang relihiyosong institusyon magmula pa sa panahon ni Rizal. Kapangyarihan ito ng eksibisyon na hindi dapat ipagkaila o itago.

Detalye mula sa Poleteismo. (Ina Silverio)
Detalye mula sa “Poleteismo.” (Ina Silverio)

Siyempre, maaaring hindi popular o kaiga-igaya para sa lahat ang mga ideyang ito. Laging posible na hindi lahat ng makakita ng mga imahe ay sasang-ayon,  o kahit maitulak man lang na mag-isip o magmuni tungkol sa repleksyon ng mga ideyang ito sa araw-araw na dinaranas natin sa lipunang Pilipino.

Anu’t anuman, isa lang ito sa maraming pananaw. Pagtatangka ko lang ito na maghapag ng maayos na opinyon tungkol sa kabuuang eksibisyon, kahit kulang din ako sa sapat na bakgrawnd o kahit isang beses ko lang ito aktwal na nakita – at sa kalagayan pa ng magulo at masikip na espasyo nitong para bang naging palengke dahil sa porum na “Dakdakan” noong Agosto 5.

At gaya ng alam na ng karamihan, ang kontrobersyal lang naman sa lahat ng mga pyesang tampok sa “Kulo” ay isang instalasyong pinamagatang “Poleteismo” na likha ni Mideo Cruz.

Instalasyon ito na mula pa noong 2002 ay nai-eksibit na sa University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University at Kulay Diwa Gallery. Makikita rin ito sa isang popular na music video ng bandang Stonefree, na anumang oras ay maaaring tunghayan ng sinuman sa YouTube.

II.

Nasabi na ang lahat, binato na pati lababo: batikos, kondenasyon, harasment, paninira at tangkang panununog, pagtatakwil, kaliwa’t kanang asunto, imbestigasyon sa Senado – may Imelda at Noynoy pa. Saan ka pa?

Sa puntong ito, magiging produktibo ang dagdag pang pagbusisi at pagtalakay sa artistikong merito ng obra ni Cruz, kung ang layunin nito ay hindi na ang bulag na pambubuyo at pangunguyog, kundi ang nararapat na pagpapalawak ng pananaw hinggil sa sining, kultura, kasaysayan at mga panlipunang implikasyon ng paniniil sa malikhaing ekspresyon.

Ang paghuhusga kung “nakakabastos” (offensive) nga ba ito sa relihiyon – kung hindi naman mabigat na pasanin sa mga papakiusapan – ay maaari pa rin nating hingin na pag-isipan muli at isakonteksto, sa kabila at dahil na rin sa nagawang negatibong epekto nito sa kanila, at dahil na rin sa halos irasyunal na bayolenteng reaksyon ng iba pa. Ang “Poleteismo” ay isang likhang-sining na bahagi lamang ng isang buong eksibisyon. Hindi natin hihilingin na sumang-ayon ang madla kay Cruz o sa obra. Si Cruz mismo nitong huli ay humingi na ng paumanhin sa publiko para sa lahat ng nasaktan. Hihilingin lang muna natin ang malusog na dayalogo at bukas na kaisipan.

Ito ang ipinagkait ng CCP sa madla nang ipasara ang eksibisyon. Ito naman ang nasisimulan nang ipundar sa mga pahayag at palitang-kuro ng mga artista, kabilang na ang grupong “Palayain ang Sining,” na naglunsad ng sunud-sunod na mga alternatibong porum sa UP Diliman nitong nakaraang ilang araw.

Sa kabila ng mga kondom at titi sa obra na ikinagagalit ng tinaguriang mga “konserbatibo,” naniniwala na ako na kumbaga’y “supot” o wala namang sapat na kapangyarihan ang mismong “Poleteismo” para hatakin ang ganoon kabagsik na atensyon ng publiko LALUNA, kung ihihiwalay ito sa kasalukuyang panahon, konteksto o mga salik na nakaapekto sa pagsambulat ng matinding galit mula sa panig ng diumano’y “nabastos” nito. Paulit-ulit nang naitampok ang instalasyon sa mga pampublikong espasyo sa nakaraang dekada. Bakit ngayon lang nagkaroon ng kontrobersya?

Maaaring noon kasi ay hindi naman ito naging paksa ng isang pasabog na expose sa telebisyon. Hindi ito naging paksa ng text poll sa primetime na balita. Hindi ito sinalampak ng editoryal ng isang tanyag na pahayagan. Hindi naman kinondena at minura ang artista ng mga komentarista at kolumnista ng iba’t ibang istasyon ng radyo at dyaryo. Noon ay hindi pa uso ang malawakang insultuhan sa mga social network sa internet. Noon kasi ay walang ring maiinit na isyung kinasasangkutan ang Simbahan, gaya ng pinagtatalunang mga panukalang batas tungkol sa reproductive health at diborsyo. Walang mainit na kontrobersya sa korupsyon sa pamahalaan na kinasasangkutan ang mga Obispo.

Masasabi na may disbalanseng nilikha ng sensational na depiksyon ng obra, na unang ipinakita sa telebisyon sa kanyang mga detalye at bahagi na sinasabing “nambababoy” sa imahe at mga simbolong kaugnay ni Kristo. Sa isang balita, tahasan itong ipinakete bilang obra na diumano’y opinyon ng mga alagad ng sining hinggil sa RH bill. Sa loob lamang ng ilang araw ay walang puknat ang panggagatong ng mga indibidwal na komentarista at kolumnista. Lalu pa’t maselang isyu ang relihiyon, sinunggaban at sinakyan nang suhetibo at emosyonal ang dominanteng opinyon ng mga konserbatibo –mula sa simpleng pagkadismaya sa obra, hanggang sa personal na pag-atake sa katauhan at motibo ng artista, at ng iba pang sangkot sa pagtatanghal ng eksibisyon.

Ang “Poleteismo” ay nasa isang sulok lang ng CCP, isang pampublikong espasyo na sa totoo lang ay hindi naman talaga dinarayo ng publiko. Sa kabila ng “nakasisindak” na mga imahe ay posible naman kasi na nilangaw lang ang “Kulo” – pwedeng nagbukas at lumipas ang eksibisyon na wala man lang ni isang nagrebyu, o ni hindi man lang napansin, kahit ng mga kapwa-artista ni Cruz na labas-masok sa CCP. Nilangaw, gaya ng malungkot na katotohanan ng maraming iba pang artistikong inisyatiba sa bansa na hindi nakatatanggap ng sapat na suporta at paglinang mula sa kinauukulang mga ahensya.

Sa mga teksto at imahe sa telebisyon, dyaryo, radyo at internet ay paulit-ulit itong pinag-usapan – pinulutan at pinagpyestahan. Naging iresponsable nga ba si Cruz sa pagsasapraktika ng kanyang sining? O naging iresponsable lang ang ilan sa midya sa obhetibong paglalahad ng impormasyon sa madla? Naisakripisyo nga ba ang “Poleteismo” upang makapagpabango sa midya ang sinumang may alingasaw na kailangang pagtakpan?

Kahina-hinala ang ipokritong pagsawsaw sa isyu ng mga personaheng kilala ng madla bilang kurapto. Pagkat namayani na ang negatibong reaksyon, may gana ang mga ito na magbanta ng pagsiil sa badyet na inilalaan ng gubyerno para sa CCP, gayong wala naman sa kanilang mga prayoridad – o  hinagap – ang pagbabalangkas ng isang tunay na makabuluhang programang pangkultura bilang pagtataguyod sa mga artista at sa kalinangang Pilipino. Maaaring wala man lang kahit na malasakit para sa mga isyung pangkultura na direktang nakaaapekto sa marami, gaya ng patuloy na pagkaltas na subsidyo ng gubyerno para sa pampublikong edukasyon.

Walang bait sa sarili ang sumabay sa agos ng galit mula sa madla na sinasabing nainsulto ni Cruz, habang hindi sinusuri kung paano humantong ang lahat sa ganitong umaalagwang bayolenteng reaksyon. Naging “malaya” nga ba ang bawat isa sa atin sa paghubog ng ating sariling palagay tungkol sa obra? Naging iresponsable ba ang ilan sa pagwawasiwas ng kapangyarihan sa pag-impluwensya ng opinyong publiko? Si Cruz nga ba ang pinakahuling biktima ng sensasyonalismo tulak ng marahas at walang habas na habulan para sa dominasyon sa ratings sa telebisyon?