Mga lider-simbahan sa Jerusalem, tinuligsa ang ‘Christian Zionism’


Binatikos ng konseho ng mga patriyarka at mga lider-simbahan sa Jerusalem ang presensiya at panganib na hatid ng “Christian Zionism” sa mga komunidad ng mga Palestinong Kristiyano.

Binatikos ng mga patriyarka at mga lider ng mga Kristiyanong simbahan sa Jerusalem, Palestine ang presensiya at panganib na hatid ng “Christian Zionism” sa mga komunidad ng mga Palestinong Kristiyano sa isang nagkakaisang pahayag nitong Ene. 17.

Isang teolohikal at pampolitikang kilusan ang “Christian Zionism” na naniniwalang nararapat suportahan ng mga Kristiyano ang pagbabalik ng mga Hudyo sa Palestine sa pamamagitan ng pagtatatag ng modernong bansa ng Israel.

Nagsimula ito sa United Kingdom sa maagang bahagi ng ika-19 na siglo at kumalat sa mga Evangelical at mga Pentecostal sa United States na patuloy na nagbibigay ng pampolitika at pinansiyal na suporta sa Zionistang Israel na ginagamit laban sa mga komunidad ng mga Palestino at sakupin ang kanilang mga lupain.

Ipinahayag ng Council of Patriarchs and Heads of the Churches in Jerusalem sa wikang Ingles na may mga indibidwal na nagsusulong ng mga mapanirang ideolohiya, partikular ang “Christian Zionism,” para “linlangin ang publiko, maghasik ng kalituhan at sirain ang pagkakaisa ng mga Kristiyanong komunidad sa Holy Land at Gitnang Silangan.”

“Ang mga gawaing ito’y may basbas ng mga pampolitikang aktor sa loob at labas ng Israel na nagsusulong ng pampolitikang adyenda na maaaring banta sa presensiyang Kristiyano [sa Holy Land],” ayon sa pahayag.

Tinutukoy nito ang mga atake ng mga settler at puwersang Israeli sa mga pamayanan ng mga Palestinong Kristiyano sa Gaza at West Bank na naging mas mabagsik sa nakalipas na tatlong taon, bukod pa sa pagpuntirya sa mga Palestinong Muslim.

Binubuo ang konseho ng mga patriyarka at mga lider ng mga Kristiyanong simbahan sa Holy Land tulad ng mga Katoliko (Latin o Romano, Greek Melkite, Maronite, Syrian at Armenian), Orthodox (Greek, Armenian, Coptic, Syrian at Ethiopian), Anglican at Lutheran na kalakhan ay may sinaunang presensiya sa Palestine.

Sinabi rin ng konseho na opisyal na tinanggap ang mga indibidwal sa parehong antas lokal at internasyonal at itinuring ang mga gawain ng mga ito bilang panghihimasok at pagsasawalang bahala sa responsibilidad nila bilang mga pastol ng kani-kanilang mga kawan sa Palestine.

Nauna nang naglabas ang konseho ng pahayag na kumokondena sa karahasan ng mga puwersang Israeli laban sa mamamayang Palestino sa gitna tumitinding atake, pagbomba at pagharang sa tulong sa Gaza.

Patuloy na iginigiit ang mga lider-simbahan sa Jerusalem na itigil na ng Israel ang pandarahas sa mga Palestino at hayaang makapasok sa Gaza ang pagkain, tubig, gamot at iba pang materyal na tulong.

Hindi ito ang unang beses na nagkaisa ang mga lider-simbahan ng Jerusalem laban sa “Christian Zionism.”

Halos dalawang dekada na ang nakalilipas, inilabas noong Ago. 22, 2006 ng mga noo’y patriyarka ng Latin (Roman Catholic) Patriarchate of Jerusalem, Syriac Orthodox Archdiocese of Jerusalem, Episcopal Church in Jerusalem and the Middle East at Evangelical Lutheran Church in Jordan and the Holy Land ang Jerusalem Declaration on Christian Zionism.

Sinabi ng deklarasyon na ang “Christian Zionism” ay isang “maling aral na nakasisira sa mga mensaheng biblikal na pag-ibig, katarungan at pagkakasundo.”

Nakasaad din sa Jerusalem Declaration na ang programa ng “Christian Zionism” ay ang paggamit sa Ebanghelyo para bigyang katuwiran ang imperyalismo, kolonyalismo at militarismo.

Sa sukdulang porma nito, nagbibigay ito ng diin sa apokalipsis at katapusan ng kasaysayan, imbis na mabuhay sa kasalukuyan ayon sa pag-ibig at katarungan ni Kristo.