Simbahan, militanteng grupo, nagkaisa sa White Ribbon March


Isa ang protesta sa pinakamalawak ngayong taon. Patuloy din ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa katotohanan, pananagutan, katarungan at katuwiran.

Sa White Ribbon March nitong Hunyo 28, nagmartsa mula EDSA Shrine tungo sa People Power Monument ang mga taong simbahan, militanteng grupo at iba pang progresibong grupo laban sa malawakang korupsiyon sa bansa.

Batid ng mga grupo na ginagamit ng mga nasa katungkulan, partikular nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte, ang kanilang poder upang harap-harapang nakawan ang taumbayan.

Isa na ito sa pinakamalawak na pagkilos ngayong taon na nagsimula sa isang misa sa EDSA Shrine. Patuloy din ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa katotohanan, pananagutan, katarungan at katuwiran.

Para kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ng Inter-religious Leaders’ Council for National Transformation, hindi nararapat na hayaan na lang na  nakawin ang pondo at kaban ng bayang nakalaan para sa mahihirap para gawing personal na kayamanan, at tuluyang sirain ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ng Inter-religious Leaders’ Council for National Transformation. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Hindi tayo mananahimik habang ninanakaw ang pondo para sa mahihirap, hindi tayo maaaring manahimik habang ang kaban ng bayan ay ginagawang personal na kayamanan,” ani Bagaforo sa programa ng protesta.

Sabi naman ni Zoe Caballero ng Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra), “Ilang taon na tayong may isyu ng korupsiyon. Ang taong-bayan, hirap na hirap sa pagkayod para lang makaipon, ‘yung mga nakaupo sa puwesto, nagpapakasasa sa kanilang mga nakukuhang yaman mula sa kaban ng bayan.”

Dagdag ni Caballero, walang napapala ang mamamayan sa mga umano’y imbestigasyon at wala naman raw nakukulong.

Para naman kay Mimi Doringo, secretary general ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), “ Nawalan ng pondo para sa batayang serbisyo, pero walang nakalaang pondo para sa pabahay para sa mga maralita. Bagkus, nagiging negosyo ang pabahay sa ating bansa.”

Iginiit din ng Kadamay na dapat managot ang mga kurakot na ninanakaw ang pondong para sana sa serbisyong panlipunan para sa maralita at mamamayan.

“Ang nangyayari ngayon, nagkakampi-kampihan ang mga paksyon ni Marcos at Duterte, pinoprotektahan ‘yung kakampi, samantalang dinidiinan ‘yung kalaban at pinalulusot ‘yung mga pinaka-responsable [sa korapsyon],” ani ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio

Para sa mga nakiisa, tuloy-tuloy ang pagkilos hanggang hindi napapanagot ang lahat ng mga sangkot sa korupsiyon, katiwalian at paglabag sa mga karapatan ng taumbayan.