Malayang paglilibot sa Manila Cathedral
Ibinukas sa publiko ang mga bahagi ng Manila Cathedral na hindi madalas mabisita tulad ng sanctuary, crypt, choir loft at roofdeck.
Sabay sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa makasaysayang Intramuros, binuksan sa publiko ang ‘di kadalasang mabibisita na mga bahagi ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o mas kilala bilang Manila Cathedral.
Hunyo 12, 2018 unang nagkaroon ng open house ang katedral bilang bahagi ng pagdiriwang noon ng ika-60 na taong anibersaryo ng muling pagtatayo ng katedral matapos ang giyera. Maraming pinagdaanan ang katedral na muntik pang inilipat sa Mandaluyong dahil sa tindi ng pagkasira ng Intramuros matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ngayon, bilang pagdakila sa katatagan nito, ipinapaalala sa mga mananampalataya ang kasaysayan ng espasyo. Binubuksan sa publiko ang sanctuary, ang crypt kung saan nakalibing ang apat na arsobispo ng Maynila, ang roofdeck, at choir loft kung saan naroon ang pinakamalaking pipe organ sa Pilipinas at isa sa pinakamalaki sa buong Asya.

“Natigil lang noong pandemic,” sabi ni Agnes Riel, na ikatlong taon na sa pagiging tour guide tuwing open house. “Pinakamarami na ngayong taon.” Bata, matanda, mga Pilipino at mga dayuhan—daan-daan ang bumisita sa katedral.
Sa Manila Cathedral Open House ngayong taon, buong araw ang inilaan para sa alay na programa sa mga bumisita. Sa umaga at tanghali, ipinagdiwang ang banal na misa para sa Solemnity of the Most Sacred Heart of Jesus, na sinundan ng konsiyerto ng pipe organ bago nagwakas sa mga guided tour.

Simple lang ang bilin ni Msgr. Rolando dela Cruz, rektor ng Manila Cathedral: habang naglilibot at nagreretrato, tandaan na sagradong espasyo pa rin ang katedral na kailangan galangin.
Unang beses nakasama sa tour at open house ang magkakaibigang sina Emmy Toledo, Jane Ferrer, Chit Acosta at Cindy Gepte. Nagkakilala sila at ang tour guide na si Riel sa Santa Maria Goretti Parish sa Paco, Maynila. Matapos ang isang mensahe sa kanilang group chat, ikinasa na nila ang lakad.

Anila, para na rin silang pumunta sa Roma dahil sa ganda ng mga espasyo at sa dami ng natutuhan nila. Aliw na aliw ang magkakaibigan sa detalye ng mga pineapple finial na naroon na bago pa ang giyera at nanatili sa kabila ng pambobomba noon.

“‘Yong pineapple may similarity sa atin na kailangan itanim. Kami ‘pag may bagong knowledge kami kailangan i-share,” sabi ni Toledo. Panigurado raw na mag-iimbita pa sila ng ibang mga kakilala sa susunod na open house ng katedral.
“It’s a must na [the youth] know the Church they go to—’yong history, saan siya galing, ano ‘yong roots—para mas encouraging,” sabi ni Riel. Dahil ito na raw ang pangalawang bahay ng mga nanampalataya, kapag mas kinikilala ang espasyo, mas mapapalagay ang loob.