Tigil-pasada, protestang bayan matagumpay sa iba’t ibang lugar sa bansa

September 19, 2011

Sa harap ng gasolinahan ng Caltex sa Cubao, Quezon City. (Macky Macaspac)

Sa harap ng gasolinahan ng Caltex sa kanto ng Kamias Road at Kalayaan Avenue sa Quezon City. (Macky Macaspac)

Alas-siyete ng umaga, nagsimulang magtipon ang mga tsuper at mga miyembro ng militanteng mga grupo sa iba’t ibang protest center sa Kamaynilaan para sa welgang transportasyon o tigil-pasada. Anila, isang malakas na pagpapahayag ito ng pagtutol sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng diumano’y overpricing, Value Added Tax sa langis at Oil Deregulation Law.

Tinataya ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Kilusang Mayo Uno (KMU) na aabot sa 60 hanggang 100 porsiyento ng ilang mga biyahe sa Kamaynilaan ang paralisado, kabilang ang 85% sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela City).

Sa Monumento, Caloocan City, mahigit 100 drayber ng dyip ang tumigil sa pamamasada at lumahok sa protesta. Kasama rin sa mga nagprotesta ang mga miyembro ng Anakpawis Party-list, Gabriela, Anakbayan, Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage) at KMU.

Isa sa mga nagprotesta na si Louie Quizo, miyembro ng Courage, ang nabalitaang hinuli ng pulis dahil sa panghaharang umano ng namamasadang dyip. Agad din siyang pinakawalan at muling sumama sa protesta.

Alas-dos ng hapon: Humiling ng suporta ang mga welgista sa mga motorista na bumusina bilang suporta sa welgang transportasyon. (Darius Galang)

Alas-dos ng hapon: Humiling ng suporta ang mga welgista sa mga motorista na bumusina bilang suporta sa welgang transportasyon. (Darius Galang)

Sa Philcoa, Quezon City, marahas na itinaboy ng mga pulis ang grupo ng mga kabataan na nagprotesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue bilang bahagi ng welgang transportasyon. Nagsagawa sila ng planking, o pagdapa, sa kalsada.

Samantala, ulat ng Pinoy Weekly Mindanao, matagumpay rin ang isinagawang tigil-pasada. Sa Davao City, aabot 92% ang paralisado, samantalang 98% sa Cagayan de Oro City, 80% sa Iligan City, 90% sa Valencia, 95% sa Butuan, 60% sa Surigao City, 95% sa Digos, 90% sa General Santos City, 60% sa Marbel at 60% sa Malaybalay City.

Sa Pagadian City, nagsagawa ng porum ang mga drayber ng traysikel. Sa Valencia, inulat ng mga nagwelga na hinaharas sila ng mga pulis. Sa Davao City, sampung eskuwelahan ang nagsuspinde ng klase, kabilang ang Ateneo de Davao.

Walang dyip naman na pumasada sa kahabaan ng National Highway mula Calamba, Sta. Rosa, at San Pedro, Laguna. May protest centers at mga dyip ng Piston na rumonda para ipaliwanag sa publiko ang transport strike.

Umabot naman sa 70% ng pampublikong mga pasada ang nabalitang paralisado sa Imus, Cavite.

Sa Masbate, Bicol, halos 100% umanong paralisado ang pampublikong transportasyon, ayon sa Condor-Piston. Kasama sa mga lumahok sa tigil-pasada ang mga tsuper ng mga dyip, bus, van at maging iyung nagmamaneho ng mga bangkang-de-motor. Sinabi pa nila na 50% ng mga drayber ng traysikel sa Masbate City ang sumama sa tigil-pasada.

Samantala, idineklara ng KMU at Piston na matagumpay ang welgang transportasyon at protestang bayan. Sinabi ng KMU na sa kabila ng mga tangka ng Malakanyang na idiskaril ang tigil-pasada, malakas na nairehistro ng sektor ng transportasyon, gayundin ng iba’t ibang sektor ng bansa, ang pagtutol sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi pa ng KMU na matagumpay ang welga dahil:”(1) Naipaliwanag sa malawak na publiko ang mga batayan at panawagan ng protesta, at nakabig ang marami sa kanila; (2) Napalahok ang mahigit 5,000 mamamayan, bukod pa sa mga tsuper, sa Kamaynilaan at sampu-sampung libo naman sa buong bansa; at (3) Naparalisa ang transportasyon sa buong Mindanao at ang signipikanteng bahagi ng Timog Katagalugan at Kamaynilaan.”

(Para sa mga larawan ng tigil-pasada at protestang bayan, iklik ang Next page.)