Piston, humiling sa publiko na lumahok sa protesta, welgang transportasyon Setyembre 19


Hiniling ng militanteng grupo ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan sa publiko at sa mga kapwa tsuper at operator na sumuporta sa tigil-pasada sa Setyembre 19, Lunes.

Inanunsiyo ng Piston, kasama ang mga kaalyado nitong organisasyon, ang tigil-pasada sa Lunes, Setyembre 19.  "Walang dahilan upang hindi ituloy ang welga," ayon kay George San Mateo.  Nasa larawan si Liza Lorenzo, tagapangulo ng Luzviminda National Transport Federation, San Mateo ng Piston, Rolando Mingo ng Strater at Modesto Florenda ng NCR-Piston.  (Macky Macaspac)
Inanunsiyo ng Piston, kasama ang mga kaalyado nitong organisasyon, ang tigil-pasada sa Lunes, Setyembre 19. "Walang dahilan upang hindi ituloy ang welga," ayon kay George San Mateo. Nasa larawan si Liza Lorenzo, tagapangulo ng Luzviminda National Transport Federation, San Mateo ng Piston, Rolando Mingo ng Strater at Modesto Florenda ng NCR-Piston. (Macky Macaspac)

Hiniling ng militanteng grupo ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan sa publiko at sa kapwa mga tsuper at operator na sumuporta sa tigil-pasada sa Setyembre 19, Lunes.

Ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), “makatarungang laban ng buong sambayanan” ang pagtutol sa sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng langis.

“Para sa mga mananakay kung wala naman kayong mahalagang gagawin sa Lunes, magtungo na lamang kayo sa mga protests center at suportahan ang aming protesta,” sabi ni George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston.

Kasabay nito, nanawagan din ang Piston sa mga ahensiya ng gobyerno, tulad ng Department of Education o Dep-Ed, Commission on High Education o Ched na gumawa ng mas maagang hakbang hinggil sa kanilang tigil pasada.

Walang atrasan, tuloy ang laban! Taas-kamaong isinigaw ng iba't ibang lider ng sektor transportasyon na hindi sila natatakot sa anumang banta ng gobyerno laban sa gagawin nilang welga sa Lunes.  (Macky Macaspac)
Walang atrasan, tuloy ang laban! Taas-kamaong isinigaw ng iba't ibang lider ng sektor transportasyon na hindi sila natatakot sa anumang banta ng gobyerno laban sa gagawin nilang welga sa Lunes. (Macky Macaspac)

Maliban sa Piston, lalahok sa welga ang ilang grupong transportasyon  tulad ng Luzviminda National Transport Federation, Progress & Reforms Oriented Transport Organizations Network Inc. (Proton), at iba pang mga grupo.

Sasabayan naman ng kilos-protesta ng ibang progresibong mga organisasyon tulad ng Kilusang Mayo Uno, Gabriela, League of Filipino Students at iba pang organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan ang ikinasang welga ng Piston, na nagsagawa ng metro-wide noise barrage noong Setyembre 15 bilang paghahanda sa kilos protesta sa lunes.

Ayon sa Piston, magaganap ang welga sa buong Manila at sa mga mayor na lungsod sa buong bansa tulad ng Davao, General Santos City, Butuan, Sorsogon, at ang buong rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Dismayado rin ang Piston at mga kaalyado nitong grupo sa resulta ng diyalogo nila kay Pangulong Aquino na ginanap kahapon. “Walang kongkreto at depinidong solusyon na nakamit sa numero unong kahilingan ng mga tsuper,” sabi ni San Mateo.

Pangunahing hiling ng grupo na  ibasura ang Oil Deregulation Law, alisin ang Expanded Value Added Tax (EVAT) ng mga produktong petrolyo at sa naka-ambang EVAT sa toll fee, kasama na ang pagpapaimbestiga sa  P9 overpricing ng mga kompanya ng langis sa kanilang presyo.

Pinabulaanan rin ni San Mateo na pabor siya sa pagpapaunlad ng batas, tulad ng pahayag ni Undersecretary Jay Layug ng Department of Energy o DOE, na nagpasa umano si San Mateo ng proposal upang amyendahan ang Oil Dergualation Law.

Atras-abante. Umatras sa gaganaping transport strike ang Pasang Masda, LTOP, Fejodap at PCDO-Acto matapos makausap sa isang diyalogo si Pangulong Aquino. Kuntento na raw sila sa mga ipinangako ng Pangulo. Nasa Larawan si Obet Martin ng Pasang Masda at Rolando Marquez ng LTOP. (Macky Macaspac)
Atras-abante. Umatras sa gaganaping transport strike ang Pasang Masda, LTOP, Fejodap at PCDO-Acto matapos makausap sa isang diyalogo si Pangulong Aquino. Kuntento na raw sila sa mga ipinangako ng Pangulo. Nasa Larawan si Obet Martin ng Pasang Masda at Rolando Marquez ng LTOP. (Macky Macaspac)

“Baka mahina lang ang pandinig ni Sek. Layug,” sabi pa ni San Mateo. Ang panukalang ibinigay umano ni San Mateo ay isang pag-aaral ng isang Mr. Marcelo Tecson na dating empleyado rin ng gobyerno na naglalayong ibasura ang Oil Deregulation Law at ibalik ang  regulasyon ng industriya ng langis kahit walang subsidyo ang gobyerno.

Samantala, umatras naman sa welga ang grupong Pasang Masda, Fejodap, PCDO-ACTO at LTOP.  Ayon kay Obet Martin ng Pasang Masda, hindi raw sila umaatras sa laban ngunit tila nakuntento na sila sa mga pangakong aaralin umano ni Pangulong Aquino ang ilang panukalang makakatulong sa tsuper at operator, tulad ng single ticketing system, repowering o pagpapalit ng makinang diesel tungong Liquefied Petroleum Gas (LPG), at ang nagaganap na kotong ng mga law enforcers.

“Batay sa napag-usapan sa dialogue, halos kalahati ng aming kahilingan ang naibigay ng Pangulo,” pahayag  ni Martin sa midya.  Idinagdag pa ni Martin na ang repowering at modernization ng pampublikong mga  sasakyan ang tutugon sa problema ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at sa pamasahe.

Ngunit para naman sa Piston, ililipat lamang ng dambuhalang mga kompanya ng langis ang overpricing sa LPG kung sakaling tumaas ang pangangailangan nito.

“Nariyan pa rin ang Oil Deregulation Law, at  kontrolado ng ‘Big 3’ ang produksiyon ng LPG,” ani San Mateo. Kung kaya sinabi niyang kailangang ipagpatuloy ng mga tsuper, operator at ng publiko ang welga laban sa operpricing sa langis, EVAT at Oil Deregulation Law.