Migrante

Migrasyon sa gitna ng krisis pandaigdig


Sa gitna ng tumitinding krisis ng kapitalismo, mga manggagawa, kabilang ang milyun-milyong OFWs, ang nagigipit at nagsasakripisyo. Ngunit saan ba patungo ang ekonomiyang nakaasa lamang sa remittances?

Apektado ng krisis pang-ekonomiya ang remittances na ipinapadala ng OFWs: bumababa ang kanilang sahod at ang halaga nito (Larawan mula sa Bulatlat.com)

Natatandaan ni Garry Martinez ang pagputok ng Asian Financial Crisis noong 1997 bilang isang malagim na yugto ng kanyang buhay. Dahil sa paghina ng Korean Won kontra dolyar, ang sahod niya bilang factory worker sa South Korea na dating katumbas ng 1,500 USD (US Dollar) ay naging 600 USD na lamang.

Para hindi mabawasan ang pera na ipinapadala sa kanyang pamilya, sa kanyang libreng oras ay naghahanap siya ng dagdag na mapagkakakitaan. Imbes na magpahinga mula sa 12 oras na pagtatrabaho sa pabrika, nagkakargador siya sa lipat-bahay o tumutulong sa anihan ng pechay.

Sakripisyo ang katumbas ng krisis. Ito ang reyalidad para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) noon, at lalong higit pa ngayon.

Pinaniniwalaang papasok o nasa recession na ang ekonomiya ng daigdig. Isang debt crisis o krisis sa utang ang tumampok sa Estados Unidos at mga bansang Europa. Lumobo ang utang ng mga nasabing bansa dahil sa ginastusang bailout ng malalaking korporasyon at bangko na bumagsak sa krisis pampinansiya noong 2008.

Tuluy-tuloy ang pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya. Maisisisi ito sa tinatawag na “krisis ng sobrang produksiyon” at pagkamal ng supertubo sa ilalim ng monopolyo kapitalismo. Resulta ng pinakahuling krisis sa utang at pinansiya ang ibayong kawalan ng trabaho at pagtitipid (austerity measures) sa mga bansang kapitalista.

Malaki ang epekto ng krisis para sa Pilipinas, na isa sa mga nangungunang bansa sa pag-e-eksport ng lakas-paggawa. Sa tuwing pagputok ng krisis, nakataya ang hanapbuhay ng milyun-milyong OFW, ang mga pamilyang umaasa sa kanila, at ang ekonomiya ng bansa na ang tanging kinakapitan ay ang ipinapadalang remittances ng mga migranteng manggagawa.

Pagtumal ng paglago ng remittances

Patuloy ang paglaki ng deployment ng mga manggagawang Pilipino sa iba’t ibang bansa. Noong nakaraang taon, umabot sa 1,470,826 na manggagawa ang nangibang-bansa o katumbas ng 4,000 na Pilipino araw-araw. Dahil lumalaki ang deployment, patuloy din ang paglaki ng remittances: umabot ito sa 18.76 Bilyon USD noong 2010.

Ngunit may bagong napupuna ang mga ekonomista. Tumataas man ang halaga ng remittances, lumiliit ang growth rate o antas ng paglago nito. Sa naunang mga dekada at maging sa mga taon bago ang 2008 na krisis pampinansiya, nasa double-digit ang growth rate ng remittances. Ngayon, nasa single-digit na lamang ito. (Tingnan ang graph)

Bumagsak na rin ang share o bahagi ng OFW remittances sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Mula sa pagiging 10.4 porsiyento ng GDP noong 2006, ngayon ay nasa siyam na porsiyento na lamang ng GDP ang remittances.

Ayon mismo sa Asian Development Bank sa pag-aaral na The Global Crisis and the Impact of Remittances on Developing Asia, “May pagtumal sa antas ng paglago ng remittances sa buong rehiyon, na tatagal nang ilan pang taon.” Dahil nakaasa sa remittances ang malaking bahagi ng ekonomiya, tinatayang magdudulot ito ng mas matumal na ekonomiya at paggasta.

Gayunpaman, nananatiling malaking bahagi ng GDP ang OFW remittances. Kaya naman lalong pinaiigting ng administrasyong Aquino ang pag-e-eksport ng lakas-paggawa — kahit pa nangangahulugan ito ng ibayong pagsasamantala sa mga manggagawang Pilipino.

Pagbarat sa sahod, pagtanggal sa trabaho

Matindi ang kompetisyon sa panahon ng krisis pang-ekonomiya, na nagdudulot ng tanggalan at lalong pagbarat sa sahod ng mga manggagawa. Isa ito sa mga dahilan ng matumal na paglago ng OFW remittances sa nakaraang mga taon.

“Hindi katulad noong early 80s na dominante tayo sa overseas employment, ngayon sumisikip na talaga ang labor market. Ang ginagawa ng mga kompanya, tatanggalin ka sa trabaho para i-rehire ka, pero sa mas mababang sahod. Wala namang magawa ang mga Pilipino dahil yung ibang lahi, willing tumanggap pa ng mas mababa,” ayon kay Martinez, ngayo’y tagapangulo ng Migrante International.

Sa mga pabrika gaya ng kanyang dating pinagtatrabahuan sa South Korea, halimbawa, nasa 300 USD na lamang ang karaniwang buwanang sahod. Samantalang may mga domestic helper (DH) sa Gitnang Silangan na nakakatanggap ng 150 USD lamang, kahit pa 400 USD ang minimum na sahod ng DH na itinakda ng gobyerno ng Pilipinas.

Lalo pang lumiliit ang halaga ng kanilang sahod sa paghina ng dolyar kontra piso, na inaasahang magpapatuloy sa gitna ng krisis sa US.

Lalong ramdam ng mga migranteng Pilipino sa US ang krisis sa nasabing bansa. Isang Certified Nursing Assistant (CNA) si Justine Pahati, 26, ngunit nagtatrabaho sa airport ng Los Angeles dahil sa umano’y mababang sahod ng mga CNA. Aniya, dahil sa mga budget cut ng administrasyong Obama, wala siyang tulong na natatanggap para sa pangangalaga ng anak (child care). “Kahit may trabaho ka, mahirap ang buhay dito. Paano pa kaya ang mga walang trabaho?” sabi ni Justine.

Apektado rin ng mas mababang exchange rate ang mga OFW sa US. “Kung dati 400 (USD) ang ipinapadala ko, ngayon 500 na. Umaasa kasi sa akin ang pamilya ko sa Pilipinas,” ayon naman kay Julie McGuire, tubong Oriental Mindoro at nag-migrate sa US noong 1996. Tumataas din umano ang lahat ng gastusin, gaya ng bayad sa kuryente at presyo ng mga bilihin, sa panahon ng krisis.

Samantala, mapapansin din sa datos ng Philippine Overseas Employment Agency na simula 2006, bumababa na ang bilang ng new hires (o bagong empleyong manggagawa), at ang tumataas na lamang ay ang bilang ng re-hires (o manggagawang muling inempleyo). Tila pinapatotohanan nito na dumaraming manggagawa ang nag-aagawan sa mas kakaunting trabaho.

Sa Saudi Arabia, nanganganib masisante ang marami sa 1.2 milyong Pilipinong nagtatrabaho roon dahil sa Saudization o Nitaqat. Nagaganap ang Nitaqat tuwing may matinding krisis sa Saudi. Gayundin sa ibang host countries, “proteksiyunismo” at paghihigpit sa mga polisiya sa migrante ang kasalukuyang tendensiya. Binibigyang-prayoridad ng host countries ang kanilang mga mamamayan na nakararanas ng kawalan ng trabaho at akses sa batayang mga serbisyo.

Ayon sa ulat ng Migrante-Middle East, sinimulan na ng gobyernong Saudi ang color-coding ng mga kompanya. Oobligahin ang mga kompanyang nasa kategoryang red at yellow, simula Enero 2012, na tanggalin ang mga migranteng nagtatrabaho roon ng mahigit anim na taon.

“Binabaha na kami ng tawag mula sa mga OFW na nais malaman ang kategorya ng kanilang kompanya. Ngunit walang binibigay na datos ang gobyerno at mga HR (human resources) manager nila,” sabi ni John Leonard Monterona, coordinator ng Migrante-ME.

Lokal na ekonomiya, dapat palakasin

Pinapatotohanan ng krisis pandaigdig na hindi dapat iasa ang kabuhayan ng mga Pilipino sa pangingibang-bansa, at ang ekonomiya ng Pilipinas sa dolyar na kanilang ipinapadala.

Ayon sa Migrante, pagpapalakas ng lokal na ekonomiya ang tanging pangmatagalang solusyon sa krisis. “Kahit kalahati pa ng populasyon ang mag-abroad, hindi lalakas ang ekonomiya hangga’t walang pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa na lilikha ng trabaho,” sabi ni Martinez.

Inaasahang titindi pa ang krisis ng kapitalismo. Magpapatuloy ang pagtumal ng ekonomiyang lokal at pandaigdig. Nasusukat at naipapakita ito ng mga estadistika. Ang hindi kailanman masusukat ay ang mga sakripisyo ng milyun-milyong migranteng Pilipino na lalong walang seguridad, at lalong pinagsasamantalahan, sa gitna ng krisis.

Karagdagang ulat ni Hiyasmin Quijano mula sa Los Angeles, California