FEATURED

Elehiya para kay Daniel Imperial, Jr. (1982-2011)


Hindi ka na inabot ng trenta, ang edad ng pamamaalam sa kabataan at pag-ako ng responsibilidad para sa sariling pamilya. Pamandali kang natanaw at nakilala sa unibersidad, at kagyat ang iyong desisyon magsilbi sa paglaya ng sambayanan.

Hindi ka na inabot ng trenta, ang edad ng pamamaalam sa kabataan at pag-ako ng responsibilidad para sa sariling pamilya.  Pamandali kang natanaw at nakilala sa unibersidad, at kagyat ang iyong desisyon magsilbi sa paglaya ng sambayanan.

Hindi nga ba ang mga puno sa bansa ay nangangalagas din?  Ang mga pamumunga’y nagdudulot ng masaganang ani?  Ang mga bulaklak ay nangangatuyo?  At ang tuyong kapatagan ay nagiging munting dagat ng lunti?

Nandito ako sa Bluroze Farms sa Lipa City, Batangas, mala-theme park na may mga seksyon ng nakakulong na hayop, bahay ng kalapati, pakain ng ostrich, tore’t mga santo.  Walang palya ang pagwawalis ng mga tuyong dahon.  Manicured ang bawat tubo ng puno’t halaman, ang galaw ng bawat hayop na naglalayag sa damuhan at nakakulong sa hawla’t eskaparate.

Balita ng nakapunta na rito, ito ay ang karaniwang lugar para sa retreat ng mga estudyante.  Ngayong araw, may CAT bivouac dito.  Mamayang gabi ang iyong pinakahuli’t pinakamalaking parangal.  Bukas ng umaga, ang iyong cremation.  Mayroon akong gustong ikwento sa iyo, tawagin na lamang nating itong “Panahon at Kasaysayan”:

Sabi sa kanta ng Buklod, “Pana-panahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon?”  Paano babalikan ang kahapon kung ang kahapon ay isang pahina lamang sa panahon, kung ang panahon ay isang kabanata lamang sa kasaysayan, kung ang kasaysayan ay patuloy pa ring inaakda natin?

Mabilis ang mga langaw at itim na langgam.  Sa bibig ng tasa’t baso, sa bitaw ng pilas na plastik ng kendi o ang sachet ng asukal, nandiyan na rin ang mga ito.  Kalahati ng oras ay nauuwi sa pagtaboy ng kamay, sa pagprotekta sa pribadong preokupasyon.

Maantot ang dala ng hangin.  Sa labas ay karipas ng mga sasakyan, ang walis-tingting na naglilinis sa paglagas ng dahon, ang tilaok ng tandang, ang ululong at kahol ng aso.  Malalaki ang lamok, at higit na malalim ang kirot ng kanilang mga kagat.  Maraming maliliit na insekto ang dumadapo sa mga mata, pinupuwing, dito pa man sa seksyon ng outdoor santo.

Nandiyan ka sa kapilya, nakahimlay sa isang nakatakip na kabaon.  Hindi na panahong muli kang matunghayan.  Pero nasilip kita, may scarf sa iyong leeg para takpan ang malamang ay mabangis na pinagdaanan ng inasintang bala.  Nandiyan sa ibabaw ng iyong putting kabaon ang kaha ng sigarilyo’t posporo, at isang pares ng iyong paboritong tsitserya.

Naalaala ko ang komersyal ng McDonald’s, at kung paano nito ginamit bilang kwento ang awit ng Buklod; matapos ang “Huling El Bimbo” ng Eraserheads.  Sa flyover ng Quezon Avenue at EDSA, nakita ko ang billboard ni Eli Buendia para sa Bench.  Naalaala ko ang pagtagpo rin sa kanyang cameo sa pelikulang Rokenrol.

Naalaala ko ang ilang henerasyon ninyo sa grupong kultural sa unibersidad.  Ikaw pala ang Dani Miscelucha, isang diva ng iyong panahon.  Pawang nagluluksa at nagpaparangal sa iyo at sa mataas na antas ng pakikibaka na iyong itinakda para sa sarili.  Ang pagluksa ay isang uri ng parangal sa isang takdang panahon.  Ang transformasyon ng luksa sa tapang ay ang pinakamataas na parangal para sa tulad mo.

Ang panahon, natural na nagbabago:  tag-araw sa tag-ulan sa tag-araw sa tag-ulan.  Pabago-bago ang panahon:  tag-init pero umuulan, Oktubre na pero mainit pa rin, Pebrero pa lang at mainit na.  Nagbabago ang panahon:  sa global warming, mas malalakas na ang bagyo, mas madalas na ang mahabang panahon ng tagtuyot o pagbuhos ng ulan.  Binabago ang panahon:  gustong gawin Agosto ang pasukan, ang mga pambansang okasyon ay isinisiksik sa three-day holiday.

Pero ang kasaysayan hindi nagbabago.  Babagsak ang lumang sistema at isisilang ang bago.  Ang makauring pagtutuos ang magpapabilis ng transformasyon ng kasaysayan.   At ikaw ay nakapag-ambag ng butil ng langis para ang makina ng kasaysayan ay higit pang umusad sa natural nitong destinasyon.  Bahagi ka na ng kasaysayan.  At ito ang pinakamalaking saysay ng buhay na maaring pangarapin.