Demolisyon sa lupaing para sa negosyo


Malls, parke, negosyo, sa halip na bahay para sa mahihirap: iyan ang prayoridad ni PNoy, kung kaya panay walis siya sa mga komunidad ng mga maralita.

Tangkang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa North Triangle, Quezon City noong Setyembre 2010. (Macky Macaspac/PW File Photo)
Tangkang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa North Triangle, Quezon City noong Setyembre 2010. (Macky Macaspac/PW File Photo)
Tangkang demolisyon ng kabahayan ng mga maralita sa North Triangle, Quezon City noong Setyembre 2010. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Habang pinanonood ang demolition team na ginigiba ang mga istruktura sa Diosdado Macapagal Tenement sa Vitas, Tondo, Maynila, mahigpit ang hawak ng 84-anyos na si Elena Pagayon sa lumang litrato ng kanyang bahay. Isa si Nanay Elena sa pinakaunang mga benepisyaryo ng programang pabahay noong 1937 ni Pang. Manuel L. Quezon. “Gusto mo ipakita ko ang titulo?” aniya. May kaugnayan umano ang demolisyon sa pagsasapribado ng Manila North Harbor—pauupahan ang lupa sa mga shipping company, sa halip na sa mga maralita.

Minarkahan ng mga demolisyong gaya nito ang unang taon ni Pang. Benigno Aquino III. Sino ang makakalimot sa tangkang demolisyon at depensa ng mga maralita sa North Triangle, Quezon City? Dahil napahiya sa naisapublikong karahasan sa kahabaan ng EDSA habang nasa Estados Unidos, nagdeklara noon si Aquino ng moratoryo sa demolisyon.

Pero nagpatuloy ang  mga demolisyon. Sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan noong Enero. Sa Brgy. Kadiwa, Navotas noong Marso. Sa Laperal Compound sa Guadalupe noong Mayo.

Nagtapos ang moratoryo sa demolisyon noong Abril. Pero ang problema ng maralitang lungsod sa ilalim ni Aquino, nagsisimula pa lang.

DILG: Problema ang relokasyon

Sabi ni Kal. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government (DILG), isa sa apat na pamilya o 556,526 na pamilya sa National Capital Region (NCR) ang tinataguriang informal settlers. Si Robredo ang namumuno sa Technical Working Group (TWG) para sa problema sa pabahay.

Naninirahan ang mga maralita sa mapanganib na mga lugar, pribadong lupain, o pampublikong lupain kabilang na ang nakatakdang tayuan ng mga proyektong pangkaunlaran.

Malinaw na kulang ang pabahay ng gobyerno. Sa 18 relocation sites ng National Housing Authority (NHA) para sa mga maralita sa NCR, nasa 32,762 na lamang ang natitirang mga yunit. Ibig sabihin, may mahigit sa kalahating milyong pamilya pa ang walang pabahay.

Inamin pa ni Robredo na kontra-mahirap, kaya’t hindi nagtatagumpay, ang paglilipat ng mga pamilya sa malalayong relokasyon kung saan walang trabaho: “Ito ang dahilan kung bakit hindi sila makapagbayad ng buwanang amortisasyon… Bumabalik din sila sa pinagmulang mga komunidad.”

Sa Sitio San Roque sa North Triangle, halimbawa, bumalik na ang karamihan sa mga pamilyang nag-relocate sa Montalban, Rizal. Sa pagdinig ng Kamara noong Mayo, iniulat ng Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP) ang pagbalik ng relocatees dahil hindi disente ang relokasyon—walang ospital at eskuwelahan, walang regular na tubig at kuryente, walang trabaho.

Isa sa naunang mga relocatee sa Montalban si Carlito Badion, tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Dati siyang nakatira sa gumuhong bahagi ng Payatas noong 2000. Sa 525 pamilya na inilipat noon, tinatayang 200 na lamang ang natitira sa Montalban. “Karamihan, bumalik na sa tambakan o sa probinsiya,” aniya.

Pinatitibay ng ulat ng DILG ang paniniwala ng Kadamay na hindi lamang pabahay ang kailangan, kundi serbisyong panlipunan at trabaho.

Tinalikurang pangako sa maralita

Trabaho’t serbisyo ang kabilang sa ipinangako ng pangulo noong nangangampanya pa lang siya. Saksi ang mga maralitang lungsod sa Tondo, pumirma si Aquino sa Covenant with the Urban Poor noong Marso 2010. Ipinangako niya na walang demolisyon hangga’t walang disenteng relokasyon, relokasyon sa loob ng lungsod (in-city resettlement), serbisyo at trabaho.

Tila tinalikuran na ng pangulo ang mga pangakong ito. Inatrasan na niya maging ang in-city resettlement, sa kabila ng paborableng rekomendasyon dito ng TWG. Ayon kay Robredo, mas matipid ang pagpapatayo ng mga medium-rise building (MRB) sa lungsod kaysa malalayong relokasyon kung ikukuwenta ang mga ospital at eskuwelahan na kailangang ipatayo sa relokasyon, at ang masamang epekto ng inilalayo ang mga pamilya sa trabaho.

Subalit sa halip na kilalanin ito, inilunsad ni Aquino ang programang “Balik-Probinsya.” Nangako siyang bibigyan ang 500,000 maralitang pamilya ng tig-isa at kalahating ektaryang lupain sa kanayunan.

Panlilinlang ito, ayon sa Kadamay. “Halos lahat ng lupa sa kanayunan, kontrolado ng mga panginoong maylupa at malalaking negosyante. Sino ang magbibigay ng lupa? Maniniwala pa ako kung mauna niyang ipamigay ‘yung lupain ng pamilya niya sa Hacienda Luisita,” ani Badion.

PPP at demolisyon

Bakit pinaaalis ang mga maralita sa puso ng lungsod?

Paalisin, halimbawa, sa North Triangle, na pinauupa ng NHA sa Ayala Land Corp. bilang bahagi ng itatayong sentro ng komersiyo o QC Central Business District? Sa naunang mga negosasyon, nangako ang NHA at Ayala na halos kalahati ng 10,000 pamilya doon ang bibigyan ng kapirasong lupain na patatayuan ng MRB, at magiging prayoridad sa lilikhaing mga trabaho. Pero inamin ni Froilan Kampitan, asst. general manager ng NHA, na hindi ito natupad dahil “masyadong mataas” ang halaga ng lupa sa North Triangle, nasa P21,000 kada metro kuwadrado.

“Kung tutuusin, puwede naman talagang idebelop ‘yung komunidad. Ang problema lang, mas pumapabor ang gobyerno sa mga negosyante,” ani Badion.

Sa ganitong balangkas ng paggamit sa pampublikong lupain, lumalabas na sangkap ang demolisyon sa Public-Private Partnerships (PPPs). Ito’y mga proyekto ng gobyerno na katambal ang pribadong sektor, ang sentro ng programang pangkaunlaran ni Aquino. Kabilang dito ang pagtayo ng mga imprastruktura at sentro ng komersiyo.

Sa NCR, tinataya ng DILG na may 35,602 na maralitang pamilya ang nakatira sa mga lugar na may proyektong imprastruktura at “Areas for Priority Development.” Tinataya naman ng mga grupong maralita na mas malaki pa ang aktuwal na bilang ng mga pamilyang apektado sa mga proyekto gaya ng QC-CBD, pribatisasyon ng Manila North Harbor at Navotas Fishport, konstruksiyon ng MRT 7 at C-5 Extension, at R-1 Expressway Extension.

Kaunlaran sa lugar ng panirahan

Hinamon ng Kadamay si Aquino na magdeklara ng moratoryo sa demolisyon nang walang taning, hangga’t walang maayos na plano ang gobyerno sa pabahay at sa pag-ahon ng mga maralitang lungsod.

Sa paglikha ng trabaho, di umano maaasahan ang PPPs. “Ang lilikhaing trabaho, sa konstruksiyon na tatagal lamang ng anim na buwan hanggang dalawang taon. Mabuti sana kung mga pabrika at batayang industriya ang itatayo. Pero mga shopping mall at call center ang itatayo,” ani Badion.

Sinalubong ng Kadamay ang rekomendasyon ng DILG na on-site development at in-city resettlement. Pero nagbabala sila na baka magkaproblema sa implementasyon dahil sa probisyon ng Urban Development and Housing Act na nililimita ang kwalipikadong benepisyaryo ng pabahay sa mga naninirahan sa isang lugar simula noong 1992 lamang. Dahil patuloy ang migrasyon sa lungsod bunga ng kahirapan sa kanayunan, maraming pamilya pa rin ang madedemolis.

Sa huli, lumalabas na pansamantala at pampalubag-loob lamang ang mga programa ni Pangulong Aquino para sa maralitang lungsod: Conditional Cash Transfer sa halip na trabaho at serbisyong panlipunan, relokasyon sa halip na gawing bahagi ng tunay na kaunlaran sa lugar ng panirahan.

Kaya’t kahit pa may hawak na titulo at tinuring na benepisyaryo ng pabahay, may dahilang mangamba ang mga gaya ni Nanay Elena. Walang puwang ang maralita sa mga lungsod na pinauupahan ng gobyerno sa malalaking negosyo.