FEATURED

Impeachment bilang teleserye


Rebyu ng unang pitong episodes ng televised na Chief Justice Corona Impeachment Trial

Rebyu ng unang pitong episodes ng televised na Chief Justice Corona Impeachment Trial

Natatangi ang pagkakataon.  Sa ordinaryo, walang nanonood ng politika a la CSPAN o televised na mga proceeding sa Kongreso, Senado, Cabinet meeting, press conference at iba pa.  Sa katunayan, marami ang nanonood kundi man interesado sa nagaganap kahit pa legalistiko at ingles ang kalakaran ng trial.  At kung gayon ay exklusibo lamang sa faksyon ng nahaharing politikal na kapangyarihan ang pagkakahon ng diskurso ng imbestigasyon.

Pero perfect ang timing ng impeachment trial, hapon na ibig sabihin ay ito kaagad ang laman ng balita sa gabi sa telebisyon at radyo, pati ng dyaryo kinabukasan.  Ito rin ang laman ng usapan ng mga ka-opisina’t sa klasrum, pati na rin sa gimik at small talk sa malalaking pagtitipon.

Bilang isang teleserye, mayroon lamang objective narrative na dapat tukuyin, ang iniimbestigahang mga kaso kay Chief Justice Renato Corona ng Korte Suprema.  At para maikwento ito, kakailanganin ng cast:  bida at kontrabida (na maari pang magkabaligtad sa hinaharap), supporting cast, mga hukom, comic relief, maldita, masungit na tiyahin, tiyahing may ginintuang puso, tiyuhing altabida, tiyuhing magiging boses ng katwiran, at iba pa.

Ang nangyari sa unang dalawang linggo ng impeachment trial via sa telebisyon ay gawin na itong serialisado:  may quest kada airing, may kaunting resolusyon at marami pang nabibinbin na detalye, hindi pa kumpleto ang cast of characters, at parating may “aabangan ang susunod na kabanata” para muling subaybayan.

Kung ang politika ng bansa ay pumaloob na sa format sa telebisyon, ang nais nitong isaad ay ang supremacy ng media na para maipalaganap sa malakihang audience (hindi “market” dahil hindi naman kumikita ang airing nito).  Na media-tized ang politika para umangkop sa kalakaran ng diseminasyon ng balita sa impeachment.

Ang impeachment kung gayon ay isang abstraksyon ng politika, at sa pamamagitan ng pagiging media event nito, magkakaroon ng konkretisasyon ang politika.  Kaya lamang may coverage ng media ay dahil makasaysayan ang event:  ang unang chief justice na na-impeach ng Kongreso, at dumadaan naman sa imbestigasyon ng Senado.

At dahil ito ay naging media event, naging national spectacle na ito.  Lahat ay nagiging kabahagi (kahit pa hindi ang mga ofisyal na titulo ng tatlong networks) ng event.  May inaasahang matunghayan, mabigyan-linaw at maresolba ang audience, na siya ring mamamayan ng bayan.

Kakatwa, dahil tulad ng naganap na unang impeachment kay Joseph Estrada, ang kaganapan (serialidad ng detalyeng bubuo ng naratibo) ay dapat makumpleto, at maresolba para sa pagbibigay-husga (kontra dapat sa nasasakdal).  Hindi kaya ng manonood-mamamayan na hindi mapatunayang nagkasala ang nasasakdal, o sa moral na uniberso, ang pagtatagumpay ng kabutihan sa kasamaan.

Kung hindi lang din, bakit pa tinelevized ito?  Bakit pa tinunghayan at naging paboritong teleserye sa hapon?  Bakit pa pinaglaanan ng napakaraming panahon at pagpupursigi?  Ang isinasaad ng impeachment bilang teleserye ay ang pangangailangang isirealisado ang pambansang politika para matunghayan at nawa’y maunawaan sa pang-araw-araw.

Dahil politika ang tampok, may entitlement na mag-grandstanding ang sinumang may nais sa trial, pero kailangang may politikal na posisyon at designasyon:  pagalingan ng abugado, ng pagkaunawa sa batas, sumagot, magtanong, at mamolitika.  Kaya sa huli, ang pinapanood natin ay hindi naman talaga ang impeachment pero kung paano ang mga politiko—mga beteranong senador, amateur na mambabatas sa Kongreso, luminaryo sa batas, pati ang invisible presence ng Malacanang—ay namomolitika.

At kung gayon, ang pinapanood natin, bukal ng ating araw-araw na hinagpis at interes, ay kung paano ang manonood-mamamayan ay nanonood lamang, hindi lubos na kabahagi, sa exklusibong talakayan ng pambansang politika ng iilan.