Makasaysayang paglaban ng mga Pinoy sa tropang Kano, ginunita sa protesta


Ginunita ng militanteng mga organisasyon sa pamamagitan ng protesta ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at mananakop na armadong puwersa ng US.

At ginanap ito sa mismong harap ng embahada ng US sa Roxas Boulevard sa Manila, sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon.

Matapos ang 113 taon, tumitindi ang presensiyang militar ng US sa Pilipinas, giit ng militanteng mga grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). (KR Guda)
Matapos ang 113 taon, tumitindi ang presensiyang militar ng US sa Pilipinas, giit ng militanteng mga grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). (KR Guda)
Matapos ang 113 taon, tumitindi ang presensiyang militar ng US sa Pilipinas, giit ng militanteng mga grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). (KR Guda)

Ginunita ng militanteng mga organisasyon sa pamamagitan ng protesta ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at mananakop na armadong puwersa ng US noong Pebrero 4.

At ginanap ito sa mismong harap ng embahada ng US sa Roxas Boulevard sa Manila, sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon.

Mula sa Plaza Salamanca sa Taft Avenue, nagmartsa ang mga militante patungong embahada ng US. Nang tangkaing harangin ng mga pulis, bahagyang tumakbo sila patungo sa harap ng embahada at doon nagsagawa ng programa.

Para sa mga lider-militante sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), makabuluhan ang pagprotesta kontra sa gobyerno ng US ngayon dahil sa balak ng huli na paigtingin pa ang presensiyang militar sa Asya-Pasipiko, laluna sa Pilipinas, para tapatan ang lumalakas na impluwensiyang pang-ekonomiya ng bansang Tsina.

“Hindi natin nakalilimutan ang Fil-Am War (digmaang Pilipino-Amerikano) na nagmarka ng pagsisimula ng relasyong kolonyal ng US sa Pilipinas at naglatag ng batayan para sa sumunod na relasyong neokolonyal. Noon at ngayon, nais ng US na iabante ang sariling imperyalistang interes sa ikapapamahak ng ating pambansang interes,” pahayag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Ipinaaalala ng Bayan at iba pang grupo ang kalupitan ng tropang US noong Pihlippine-American War. (KR Guda)
Ipinaaalala ng Bayan at iba pang grupo ang kalupitan ng tropang US noong Pihlippine-American War. (KR Guda)

Sa bagong estratehiyang pandepensa na inilatag ng administrasyon ni US Pres. Barack Obama, binigyang-diin ang Asya-Pasipiko bilang rehiyong kailangang paigtingin ang presensiya ng US. Sa kasalukuyan, anito, lumalakas ang pang-ekonomiyang impluwensiya ng Tsina sa pamamagitan ng pakikipagnegosyo sa iba’t ibang bansa rito, tulad ng Pilipinas, Vietnam, Burma, at iba pa.

Lumabas sa Amerikanong mga pahayagan ang ulat hinggil sa nakaambang kasunduan diumano ng mga gobyerno ng US at Pilipinas hinggil sa pagpapaigting ng mga ehersisyong militar sa Pilipinas. Una nang ipinaplano ng dalawa ang paglulunsad ng ehersisyong militar na Balikatan sa Palawan, malapit sa kontrobersiyal na mga isla ng Spratly, na pinag-aagawan ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia at Tsina.

Paliwanag ni Reyes, tila hindi pa rin natututunan ng gobyernong Pilipino ang mga leksiyon ng digmaang 113 taon na naganap. Noon, tulad ngayon, pangunahing layunin ng US na palawakin ang mga merkado para sa mga produkto ito, paigtingin ang negosyo nito sa Pilipinas, at lalong buksan ang bansa sa eksploytasyon ng likas-na-yaman nito. Mahalaga ito sa US lalupa’t tumitindi ang krisis sa ekonomiya nito.

At magagawa lamang ito ng US kung paiigtingin nito ang presensiyang militar sa Asya-Pasipiko.

“Kahit hindi na kolonya (ng US ang Pilipinas), tila gusto ng administrasyong Aquino na gawing colonial outpost ang bansa para sa mga tropa at barkong US,” sabi pa ni Reyes.

Ayon sa Bayan, malinaw na dehado ang Pilipinas sa mga kasunduang militar at pang-ekonomiya nito sa US. Lalong sasalaulain ng nakaambang kasunduang militar ang pambansang soberanya ng Pilipinas.

Samantala, sinabi naman ni Liza Maza, dating kinatawan ng Gabriela Women’s Party sa Kamara at ngayo’y tagapangulo ng International Women’s Alliance (IWA), na tiyak na titindi ang pang-aabuso ng mga tropang US sa mga Pilipino kung paiigtingin ang presensiya nito sa bansa.

“Ang pag-igting ng presensiyang militar ng US ay iigting din sa prostitusyon at sex trafficking ng mga Pilipina sa loob at labas ng hangganan ng Pilipinas,” paliwanag niya.

Sa kasalukuyan, ani Maza, mga Pilipina na, kasama ang kababaihang Russian, ang kumakatawan sa mayorya ng dayuhang “entertainers” na nagtatrabaho sa mga bar malapit sa mga baseng militar ng US sa South Korea at Japan.

Sinabi pa ni Maza na tila ginagawang dahilan lamang ng US ang sigalot sa Spratlys para sa lalong militarisasyon ng rehiyon. Tinukoy niya ang pahayag ni Hillary Clinton, secretary of state ng US, na nagsabi noong Nobyembre 2011 na kailangan ng US na paigtingin ang negosyo nito sa Asya-Pasipiko para makatulong sa papabagsak na lokal na ekonomiya ng US.

“Bibigyan ang US ng pagbubukas ng mga merkado sa Asya ng bagong mga oportunidad para sa investment, kalakaran at akses sa makabagong teknolohiya. Nakadepende ang pagrekober ng ekonomiya natin sa mga eksport at sa abilidad ng mga kompanyang Amerikano na makapasok sa malaki at lumalaking base ng mga konsiyumer sa Asya,” sabi ni Clinton, sa wikang Ingles, sa APEC Leader’s Week sa Hawaii noong panahong iyon.