Digmaang Pilipino-Amerikano
Higit sa 200,000 sibilyang Pilipino ang namatay dahil sa karahasan, matinding gutom at pagkakasakit dahil sa pananakop ng Amerika.

Kung kilala ang Pebrero bilang buwan ng pag-ibig, lalo na ng romantikong tipo, baka maigi ring iugnay ito sa pag-ibig sa bayan. May 126 taon na ang nakalipas mula nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Pilipinas at United States (US) noong Peb. 4, 1899 nang barilin ng sundalong Amerikano ang isang sundalong Pinoy.
Sa mga opisyal na tala, naganap ang digmaan mula 1899 hanggang 1902. May hindi bababa sa 20,000 mandirigmang Pilipino ang namatay sa sagupaan. Higit sa 200,000 pang sibilyang Pilipino ang namatay dahil sa karahasan, matinding gutom at pagkakasakit. Nakatala sa kasaysayan ang paggamit ng US ng mga taktika tulad ng pagsusunog ng mga komunidad at sakahan upang walang mapagkukunan ng suporta ang itinuring nilang mga Pilipinong rebelde.
Ayon sa National Historical Commission of the Philippines, naunang kinilala ng US ang sagupaan bilang pag-aalsa, at hindi digmaan, dahil sa paniniwala nilang dahil nabili ng US ang Pilipinas mula sa Espanya noong 1898, pagmamay-ari na nila ang mga isla at mga Pilipino.
Dekada ang inabot ng maraming talakayan at inilaban ang pagkilala sa sagupaan bilang digmaan o Philippine-American war, imbis na Philippine Insurrection. Sabi nga noong 1988 ng historyador na si Renato Constantino, mahalagang kilalanin ang digmaan bilang “pagdepensa [ng mga Pilipino] sa nakamtan nang kalayaan.”
Kinikilala rin sa kasaysayan ang nagpatuloy na mga pag-aalsa at protesta kahit pa nakapagtatag ng gobyernong sibil ng US sa ibang mga lalawigan noong 1901. Pansin rin ang pagkakapareho ng mga panawagan higit isang siglo ang makalipas—kalayaan mula sa pang-aabuso (pisikal at pinansiyal) ng makapangyarihan at karapatan sa sariling pagpapasya.