Relokasyon ng mga maralitang itinaboy mula sa Kamaynilaan, di makatao
Pinalayas sila sa kanilang mga tahanan sa Kamaynilaan. Ngayon naman, sa mga relocation site, pinababayaan sila. Dausdos ang kabuhayan, bulok ang pabahay, walang serbisyo, at nanganganib pa ang mga residenteng maralita.
Naalarma ang mga kalahok sa isang fact-finding mission sa kalagayan ng mga mamamayang nakatira sa relocation sites sa Brgy. Kasiglahan at San Isidro sa Rodriguez, Rizal.
Sa pangmatagala’y di maaaring tirhan ng tao. Lumilikha rin ang kalagayan nila ng iba pang panlipunang problema.
Sabi ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus, sa daming kakulangan sa serbisyo at istandard ng pabahay sa mga relokasyong ito, tinitiyak umano niyang hindi papasa ang mga ito sa mga istandard ng United Nations sa makataong pabahay.
Kabilang sa mga nasa relocation site sa Rodriguez, Rizal ang mga pamilyang pinalikas mula sa sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan, San Roque, North Triangle sa Quezon City, gayundin sa Brgy. Tatalon sa Quezon City at sa Navotas.
Sa naturang misyon na pinangunahan ng Gabiela, Gabriela Women’s Party at Akap-Bata Party-list at sinamahan ng Pinoy Weekly noong Pebrero 2, napag-alamang substandard ang pagkakagawa ng mga bahay na pinagawa ng gobyerno para sa mga dinemolis na mga mamamayan.
Ilan lamang sa mga napansin ng lumahok sa misyon: Madaling bumitak ang mga pader; mahina ang pundasyon ng mga bahay; matinding problema sa drainage system; at hanggang leeg ang baha kapag umuulad nang malakas, kaya hindi panatag ang mga naninirahan.
“Hindi ito yung pabahay na inaasahan mong magbibigay ng isang malusog na atmosphere sa mga mamamayan,” dagdag ni De Jesus.
Ayon sa mga residente, dating palayan ang relocation site at tinambakan lamang ito.
“Nung una, pagdating namin dito wala kaming dinatnang tubig at kuryente tulad ng pangako nila. Inabot pa halos ng isang taon bago kami nagkaroon tapos mahina pa,” ayon sa isang residente.
Nagiging problema rin ng mga residente ang “sobrang taas ng singil ng kuryente” sa kanila at ang suplay nito. Anila, wala silang sariling mga kuntador, kaya ang “Home Owners’ Association” ang kumukontrol ng ilaw. Hiling nila na ibalik sa block leader.
Problema rin umano ang metro sa kanila dahil sa sobrang laki ng binabayaran na umaabot sa P30,000 ang pinakamataas.
Lokasyon ng kahirapan
Isa sa pangunahing daing ng mga mamamayan dito ang kawalan ng kabuhayan sa kanilang nilipitang lugar. Tuloy, marami sa kanila ang nagsisibalikan sa Maynila. Anila, hindi sapat na may bahay ka lamang, kinakailangang mayroon ka ring ikabubuhay para makakain ang pamilya.
“Hindi naman puwedeng magtayo ng sari-sari store ang lahat ng pamilya rito para mabuhay,” ayon kay Corazon Giducos, residente mula sa Navotas. Maraming residente na kasi ang nagtayo ng mga tindahan, sa akalang kahit papaano’y kikita sila. Pero sa dami nilang nagtitinda, halos wala nang namimili.
Ayon pa sa mga residente, dulot ng kahirapa’y nagbabahay-bahay ang iba para makikain. Sa maraming pagkakataon, anila, prostitusyon ang nagiging kapalit.
Sa bahagi ng National Housing Authority, nagpasimula sila ng programang livelihood. Ang problema, hindi naging maganda ang kalidad (ng paggawa ng sabon) kaya naitigil, ayon sa mga residente.
Ang kalayuan din ng relocation site ang isa sa mayor na problema ng mga residente. Napakalayo nito sa kanilang mga trabaho, eskuwelahan at ospital.
“’Yung kikitain mo, maiuuwi mo na lang P100 dahil sa layo at mahal ng pamasahe. Sa puhunan, sa pagod, kung P100, lugi ka. Hindi katulad nung nasa Maynila kami, maliit lang ang gastos kumpara rito,” sabi ni Margie Catibo, isa sa mga residente.
Dagdag pa ni Margie, kailangan pang maglakad nang halos kalahating oras ang kanyang anak na may bitbit pang upuan para makapasok sa pinakamalapit na elementary school. Dito, nagsisiksikan ang humigit-kumulang isang daang estudyante sa isang klasrum.
“’Yung anak ko nga, nung magka-dengue, ang pinakamalapit na ospital dito ay pribado pa. Kaya check-up lang, P350 na. Wala pa doon ang gamot. ’Yung pinakamalapit na publikong ospital dito, tatlong oras ang bibilangin bago ka makarating,” kuwento ni Margie.
Negosyong pabahay
Bagamat inilipat at binigyan ng matitirhan, hindi rin libre ang pagkakaroon ng mga bahay sa relocation sites. Ayon sa mga residente, wala silang hinahawakang titulo kundi “entry pass” lamang.
“Sabi sa amin, may isang taon kami na palugit para bayaran ang mga bahay. Kapag nakaisang taon na kami dito, magbabayad din kami ng P200 kada buwan sa unang limang taon hanggang sa umabot ito ng P700 kada buwan,” ayon sa isang residente.
Dagdag pa ng mga residente, may kaakibat pa itong buwanang interes at paalisin ang hindi makakabayad. Ito ang kanilang kailangang bayaran sa loob ng 25 hanggang 30 taon. Mas mahirap ito, anila, kung wala namang kabuhayan at pagkukunan ng pambayad.
May nakapagkuwento pang residente na kung walang pambayad ang iba, isinasangla o ibinebenta mismo nila ang kanilang yunit sa mga tauhan ng NHA.
Winasak na katauhan
Ayon kay De Jesus, pumunta ang iba dahil walang pagpipilian at bumababa ang kalidad na kanilang pagkatao sa mentalidad na tanggapin na lang kaysa wala.
“Nakakabahala ito, dahil ganito ang pinatatanggap sa kanila ng gobyerno na ’yan lang ang sapat sa inyo at iyon ang nagiging mentalidad ng mga mamamayan sa relocation site – na ’yan lamang sila. Bumababa ang kanilang pagkatao sa ganitong mentalidad at kalagayan,” paliwanag niya.
Ayon kay Arlene Brosas ng Akap-Bata, hindi maganda ang ganiton senaryo na naglalagay sa mga bata sa mas mapanganib na sitwasyon. Binigyang-diin ng grupo ang importansiya ng tirahan na kaaya-aya para sa mga bata para sa kanilang paglaki.
Sinabi rin ng mga residente ang iba’t ibang mga krimen sa kanilang lugar tulad ng nakawan. May ilang babaing residente nagsabing muntik na silang magahasa sa isang pagkakataong umuwi sila nang gabi. Malaking problema ang seguridad: Sa lawak ng lugar at dami ng kabahayan, halos walang seguridad gaya ng pulisya o opisyal ng barangay.
Paliwanag ng Akap-Bata, ang demolisyon mismo ay isang nakaka-trauma na pangyayari sa mga bata. Habang nananatili sa relocation site ang mga bata, tumatagal ang kanilang paghihirap na makakaapekto sa kanilang paglaki. Nakasalalay dito, anila, ang kinabukasan ng mga kabataan na mas mahalaga kaysa sa multi-milyong pisong city hall – tulad ng itatayo sa lugar ng dati nilang mga bahay sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan.
“Sa agaran, kailangang magkaroon ng moratoryo sa demolisyon hangga’t walang malinaw na housing plan. Subalit kailangang organisado rin ang mga mamamayan, dahil kaming mga kongresista, ano man ang aming talas at galing sa loob ng Kongreso, kung wala ang presyur ng mga mamamayan mula sa labas, hindi namin ito magagawa na kami lang. Kaya kailangang tuluy-tuloy ang pag-oorganisa sa mga mamamayan,” sabi ni De Jesus.
Panoorin ang bidyo: Paghihirap ng kababaihan sa Montalban