Kabataan

Dumaraming dropouts sa panahon ng ‘Noynoying’


Nakakaalarma na ang lalong pagdami ng mga hindi nakakapag-aral dahil sa nagmamahalang mga gastusin sa pag-aaral. Pero ‘Noynoying’ pa rin, kumbaga, ang administrasyong Aquino

"Karapatan ang edukasyon." (Pher Pasion/PW File Photo)
"Karapatan ang edukasyon." (Pher Pasion/PW File Photo)

Darami lamang ang kabataang di makakapag-aral sa susunod na pasukan, kung magpapatuloy ang “Noynoying” ng administrasyong Aquino sa mga panawagang makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa at pagtigil sa taas-matrikula at presyo ng langis.

Ito ang babala ni Kabataan Rep. Raymond Palatino, matapos mabalitang mahigit 300 pribadong kolehiyo at unibersidad ang magtataas ng matrikula sa pagpasok ng taong akademiko, ayon sa Commission on Higher Education.

“Sa kasalukuyan, milyong kabataan ang hindi nabibigyan ng kanilang karapatan sa edukasyon dahil sa paglubog sa kahirapan at pagtaas ng gastos sa edukasyon. Sa patuloy na hambalos ng taas-presyo na lalong magpapahirap sa kasalukuyan ng hirap na badyet ng pamilya, ang edukasyon ng kabataan ay mapag-iiwanan,” ayon kay Palatino.

Malinaw umano ang mga datos hinggil dito. Ayon sa Department of Education noong nakaraang budget deliberations sa Kongreso, tinatayang 7.93 milyong elementarya at hayskul na kabataan (edad 6-15) ay pawang mga out of school o hindi nakakapag-aral.

Sa pag-aaral naman ng Philippine Institute for Development Studied (PIDS), nagpapakita na 79 sa 100 kabataan na pumapasok sa Grade 1 ay hindi nakakapagtapos ng kolehiyo kahit na teknikal at bokasyonal na mga kurso.

Narito ang datos ng DepEd hinggil dito:

Population, Enrolment and Out-of-School
 

ELEMENTARY

SECONDARY

SY Population

(6-11)

Enrolm’t

(6-11)

OSY

(6-11)

Population

(12-15)

Enrolm’t

(12-15)

OSY

(12-15)

07-08 13,470,672 10,173,516 3,297,156 8,191,327 3,708,670 4,482,657
08-09 13,785,800 10,415,797 3,370,003 8,382,982 3,821,938 4,561,044 (54.4%)
09-10 Waiting for DepEd          

Source: DepEd Basic Education Information System, 2010

 Mamahaling edukasyon

Batay sa kasalukuyang average ng matrikula, ang isang magulang ay nangangailangan ng hindi bababa sa PhP20,000 upang pantustos sa matrikula pa lamang upang makapag-enrol ang kanyang isang anak sa isang semestre. Maliban sa matrikula, ang mga magulang at mag-aaral ay dapat maging handa sa mga dagdag na bayarin sa miscellaneous at gastusin para sa libro, gamit sa eskuwela, uniporme, proyekto sa paaralan at iba pa.

Sa kasalukuyan, ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region ay nasa P426 kada araw. Hindi sapat kumpara sa P1,088 na kailangan ng isang pamilya upang mabuhay sa isang araw.

“Sa ganitong kasalukuyang kalagayan ng minimum na sahod, ang isang pamilyang Pilipino ay hindi dapat gumastos sa loob ng 46 na araw para lamang bayaran ang matrikula ng isang anak sa isang semestre,” ani Palatino.

Ang patuloy na kawalang aksiyon ng gobyerno ang nagbigay-daan sa hindi makatarungang matrikula at ibang bayarin taun-taon. Ngayong taon, daan-daang pribadong pamantasan ang inaasahang magtataas ng matrikula na may average na 10-15% . Mula sa average na PhP257.41 kada unit sa Academic Year 2001-2002, ang average na matrikula ay halos dumoble sa PhP536.31 para sa AY 2011-2012. Sa kabilang banda naman, sa National Capital Region, kung saan matatagpuan ang mayorya ng mga pamantasan, ang average na matrikula ay tumaas nang 145.93%, o mula P439.59 patungong P1,078.60 sa taong 2011, ayon sa Kabataan.

Dagdag pa ng grupo, maliban sa bayarin sa matrikula, iba’t ibang kakatwang bayarin at maanomalyang bayarin sa miscellaneous ang ipinapataw ng mga administrador ng pamantasan na walang limitasyon at regulasyon sa gobyerno.

“Maliban sa bayarin sa matrikula, malaki rin ang ginagastos ng mga mag-aaral sa mga gastusing may kinalaman sa eskuwelahan tulad ng pagkain, dormitoryo, transportasyon at iba pa. Kada semestre, tinatayang P4,000 ang kailangan para sa libro at uniporme. Samantala, kada buwan, ang isang estudyante ay gumagastos ng P5,000 para sa pagkain, transportasyon, at gamit sa eskwela sa minimum,” dagdag ni Palatino.

 

  Monthly basic expenses
Food/ 3 Meals [P150/day] P4500
School Supplies P294
Ballpen [P6 each, 3 pcs] 18
Notebook [P20 each, 3 pcs] 60
Yellow pad 40
Folder, envelope [P15/set, 4x/mo.] 60
Bond paper [P20/pack, 4x/mo.] 80
Transportation[at least 17/ day, 20 x/month P340
TOTAL 5134
Item Amount
Books At least 2,000
Uniform At least 2,000
Total P4,000

“Ang presyo ng mga batayang bilihin na ito ay maaari pang magtaas sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Maliban sa mataas na bayarin sa matrikula, ang mataas na halaga ng iba pang gastusin sa paaralan ay nagpapahirap sa mga mag-aaral at magulang,” dagdag ni Palatino.

Tatlong perwisyo

“Ang walang tigil na pagtaas ng matrikula ay higit na masakit sa ganitong panahon na mataas ang pangunahing mga bilihin at hindi tumataas na sahod. Ang mas masakit pa rito, ang administrasyong Aquino ay tumatangging aksyunan ang mga ganitong problema,” paliwanag pa ni Palatino.

Dagdag niya, kayang apprubahan ng administrasyong Aquino ang kahilingang sa pagtaas ng presyo ng langis mula mga kompanya ng langis at pagtaas ng matrikula mula sa may-ari ng mga paaralan. Pero pagdating sa kahilingan na dagdag-sahod ng mga manggagawa, tila katapusan na ng mundo ang nais ipakita ng gobyerno upang balewalain ang lehitimong panawagan ng mga mamamayan.

“Dapat itigil na ng presidente ang ‘Noynoying’ at dapat seryosong tugunan ang panawagan ng mga mamamayan. Dapat agarang ipatupad ng gobyerno ang moratoryo sa pagtaas ng matrikula at presyo ng langis at itulak ang nakabubuhay na pagtaas sa sahod ng mga manggawa upang makakita man lamang tayo ng kaunting liwanag para sa kinabukasan ng mga kabataan,” pagtatapos ni Palatino.