Pagsasara ng konsulada ng DFA panganib sa Overseas Absentee Voters
Panganib sa karapatan ng mga Pilipino na nasa ibang bansa pag nakatakdang pagsara ng hanggang 12 sangay ng embahada ng Department of Foreign Affairs (DFA).


Panganib sa karapatan ng mga Pilipino na nasa ibang bansa pag nakatakdang pagsara ng hanggang 12 sangay ng embahada ng Department of Foreign Affairs (DFA).
“May limitasyon kami sa badyet,” saad ni Raul Hernandez, tagapagsalita ng DFA ukol sa napipintong pagsasara ng mga opsina. “Plano naming imaksimisa ang kakaunting rekursong mayroon para makakamit ng mas malakas na impact.”
Binatikos ito ng Migrante Sectoral Party, isang partidong nakatakdang lumahok sa eleksiyong party-list sa 2013. Ayon sa tagapangulo nitong si Connie Bragas-Regalado, di ito makatarungan sa mga Pilipino sa ibayong dagat na umaasa sa serbisyon ng naturang mga sangay ng DFA at nakatakda pang bumoto sa susunod na mga halalan.
“Nagsisilbing Comelec (Commission on Elections) posts ang ating mga PH post sa ibang bansa, at in-charge sa pangangaiswa ng registration at pagboto para sa overseas absentee voters (OAV),” sabi ni Bragas-Regalado.
Sinabi pa niya na sa ngayon pa lamang, di na sapat ang PH posts sa ibang bansa para paglingkuran ang dumaraming bilang ng mga migranteng Pilipino. “Mayroon tayo ngayong 66 embahada, 23 konsulado at apat na diplomatikong misyon sa buong mundo, samantalang nakakalat sa di-bababa sa 239 bansa sa buong mundo ang mga Pilipino,” ani Bragas-Regalado.
Unang napaulat na ang sampung opisina na nakabase sa Dublin, Barcelona, Caracas, Stockholm, Frankfurt, Havana, Saipan, Helsinki, Palau at Bucharest ay nakatakdang isasara hanggang sa pagdating ng Hulyo ngayong taon.
Sinabi ni Hernandez na nakatakdang gamitin ang matitipid na pondo para palakasin ang mga post sa Gitnang Silangan kung saan dumarami umano ang mga Pilipinong nangangailangan.
Binatikos din ni Bragas-Regalado ang mga hakbang na aniya’y bahagi ng “austerity measures” ng administrasyong Aquino, sa kapinsalaan ng mga serbisyong panlipunan.
“Krusyal ang taong 2012 para sa OAV Registration sa nalalapit na eleksiyong 2013. Paano makakamit ng gobyerno ang target nitong isang milyong (OAV registrants) sa kakarampot na badyet,” sabi pa ni Bragas-Regalado.
Nakahanda ang Migrante Sectoral Party na maglunsad ng voter-education programs at registration campaigns sa mga komunidad ng mga Pilipino sa buong daigdig.