Tuta ng Kano sa Asya-Pasipiko

March 4, 2012

Nagsunog ng watawat ng US ang mga miyembro ng Gabriela sa tapat ng embahada ng US kamakailan para ihayag ang pagtutol nila sa tumitinding interbensiyong militar ng US sa Asya-Pasipiko, laluna sa Pilipinas. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Nagsunog ng watawat ng US ang mga miyembro ng Gabriela sa tapat ng embahada ng US kamakailan para ihayag ang pagtutol nila sa tumitinding interbensiyong militar ng US sa Asya-Pasipiko, laluna sa Pilipinas. (Macky Macaspac/PW File Photo)

Para kay Pang. Benigno Aquino III, welcome na welcome sa Pilipinas ang mga sundalong Amerikano.“We welcome them. They  have been one of our staunchest allies,” aniya nang tanungin ng Time Magazine hinggil sa kanyang pagtingin sa pagpapalakas ng Estados Unidos ng presensiyang militar sa Asya-Pasipiko.

Tinanong ang pangulo dahil isa ang Pilipinas sa mga bansang pinaplano ng Estados Unidos na tambakan ng libu-libong tropa. Sa pagdinig ng Senate Armed Forces Committee noong Pebrero 14, inihayag ni US Defense Secretary Leon Panetta na pinag-aaralan nilang iikot sa Pilipinas at Australia ang 4,700 na tropang Kano na aalisin sa kanilang base sa Okinawa, Japan. Pumayag na umano ang Australia, at kasalukuyang nakikipagkasundo ang US at Pilipinas.

Ito marahil ang dahilan ng sunud-sunod na pag-uusap ng matataas na opisyal pandepensa ng dalawang gobyerno simula pa noong nakaraang taon. Ngayong Marso, inaasahan ang isang mayor na pulong nina Panetta, US Secretary of State Hillary Clinton, PH Defense Secretary Voltaire Gazmin at PH Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario. Pag-uusapan nila kung paano paiigtingin ang“kooperasyong militar” ng dalawang bansa.

Batay sa paunang ulat ng Washington Post, ang kooperasyon na ito ay nasa anyo ng mas maraming umiikot na tropang Kano, mas grandiyosong joint military exercises, at mas madalas na pagpapatrolya ng mga barkong US sa ating teritoryo. Diumano’y pumayag na ang gobyernong Aquino.

Susi sa plano kontra Tsina

Bakit hinahangad ng Estados Unidos na nasa Pilipinas ang marami sa kanyang mga tropang militar? Lumalabas kasi na mayor na susi ito sakanyang bagong estratehikong planong pandepensa na pinamagatang Sustaining US Global Leadership, Priorities for 21st Century Defense.

Ayon sa plano, bagaman imamantine ng US ang presensiyang militar sa ibang bahagi ng mundo (gaya ng Iraq at Afghanistan na naging pokus ng mga operasyon ng nakaraang dekada), panahon na para magpokus sa Asya-Pasipiko: “While the U.S. military will continue to contribute to security globally, we will of necessity rebalance toward the Asia-Pacific region.”

Idinahilan nito ang banta sa interes pang-ekonomiya at panseguridad ng Estados Unidos na hatid ng pag-angat ng Tsina bilang isang superpower. Ayon sa plano, dapat magpalakas ng presensiyang militar sa rehiyon para mapigilan ang anumang balak ng Tsina: “In order to credibly deter potential adversaries and to prevent them from achieving their objectives, the United States must maintain its ability to project power in areas in which our access and freedom to operate are challenged.”

Sa makatuwid, bahagi ng pagkokonsolida ng kapangyarihan at kontrol ng US ang pagpapalakas nito ng presensiya sa Asya-Pasipiko. Hindi ito para sa anupamang dahilan na makatao.

Bukambibig ng gobyernong US ang pagdadala diumano ng “kapayapaan” at “istabilidad.” Ngunit hindi makakailang nagdadala lamang ng tensiyon ang panghihimasok nito sa mga usaping internal ng mga bansa sa Asya-Pasipiko, lalo na ‘yung may kinalaman sa relasyon sa Tsina.

Nang bumisita na lamang si US Senator John McCain sa Pilipinas noong Enero at tahasang sumuporta sa pagdepensa ng pag-angkin ng bansa sa 60 porsiyento ng Spratly Islands na itinuturing ng Pilipinas na nasa West Philippine Sea, ikinabahala ito ng gobyernong Tsina na umaangkin naman sa buong Spratlys na anito’y nasa South China Sea. Isang pahayagang Tsino pa ang nagsabing dapat “parusahan” ang Pilipinas sa pagpayag na manghimasok ang US sa usapin.

Ang US ang pinakamakapangyarihang puwersang militar sa buong daigdig. Mayroon itong 700 baseng militar sa 60 na bansa, at mga tropang militar sa 156 na bansa kabilang na ang Pilipinas. Hindi biro ang lakas ng US sa rehiyon ng Asya-Pasipiko. Mayroong 330,000 na kabuuang puwersa ang US Pacific Command.

Sa kanilang plano, inamin ng US na mahalaga ang puwersang militar na ito para mamantine ang malayang daloy ng komersiyo (“free flow of commerce”) at impluwensiya ng US (“US influence”) sa rehiyon. Narito kasi ang marami sa pinakamalalaking merkado ng US. Tinatayang $1.2 Trilyong halaga ng kalakal nito ang dumadaan sa South China Sea pa lamang. Kaya naman lima sa pitong mutual defense treaties ng Estados Unidos ay kasunduan sa mga bansa sa Asya- Pasipiko, kabilang na ang Pilipinas.

Pakinabang ng US sa VFA, MLSA

Ang Mutual Defense Treaty ng 1951 ang tinutuntungan ng kontrobersiyal na Visiting Forces Agreement (VFA), na dahilan ng labas-masok na mga sundalong Kano sa nakaraang 10 taon. Nilusutan ng VFA ang pagbabawal ng 1987 Konstitusyon sa permanenteng mga baseng dayuhan, na nilansag noong 1991 dahil sa mga protesta. Di tinatakdaan ng VFA ang bilang ng mga sundalong maaaring pumasok at kung gaano katagal. Kaya naman halos permanente na rin ang pamamalagi nila, ayon sa mga kritiko ng VFA.

Sa planong pagdeploy sa Pilipinas ng libu-libong rotational troops mula sa Japan, inaasahang magtatayo ng mga estasyon na halos katulad ng dating baseng militar ng US sa Subic Bay, kung saan maaaring dumaong ang kanilang mga sasakyang pandagat.

Inaasahan ang mas madalas at malalaking joint military exercises. Abril ngayong taon gaganapin ang Balikatan Exercises sa mga probinsya ng Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Metro Manila, Palawan, Zamboanga, Jolo, Sulu, at Basilan, at sa Luzon Sea at West Philippine Sea. Sasaklawin nito ang air, land, at sea operations.

Inaaasahan din ang pagdeploy ng karagdagang spy planes o eroplanong pang-espiya sa Pilipinas. Pinag-aaralan na ng Department of National Defense ang rekwes na ito ng US, ayon kay Gazmin.

Para sa makabayan at progresibong mga grupo, nakakaalarma ang ganitong mga plano. Tila plantsado na at walang konsultasyon sa mga mamamayan ang mga hakbang na lalong niyuyurakan ang soberanya ng bansa. “Higit na kapahamakan kaysa kapakinabangan ang hatid ng karagdagang presensiya ng mga sundalong Kano,” ayon kay Gabriela Rep. Luz Ilagan.

Hinamon ni Ilagan si Pangulong Aquino na isapubliko muna ang resulta ng pag-aaral ng Presidential Commission on the VFA. Bali-balitang tapos na ang pag-aaral hinggil sa kontrobersiyal na kasunduan. Iniutos ito matapos ang panggagahasa ni Lance Cpl. Daniel Smith sa Pilipinang si Nicole, ngunit ayaw ilahad ng gobyerno.

Samantala, ipinunto ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na may isa pang kasunduan sa US na makaisang-panig at labag sa soberanya ng Pilipinas: ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA), isang executive order na pinirmahan noong 2002.

Sa ilalim ng MLSA, obligado ang gobyerno na subsidyuhan ang lahat ng pangangailangan ng mga tropang Kano, mula sa pagkain at kagamitan hanggang sa serbisyo at operasyon. “Binibigay nito sa US ang lahat ng mga benepisyo ng pagkakaroon ng permanenteng base,” ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Katunayan, dahil sa krisis pampinansiya na nagdulot ng budget cuts o pagtitipid ng gobyernong US, sa halip na ilagay ang mga tropang militar sa regular na base sa Guam, mas gugustuhin pa nilang iikot ang mga ito sa Pilipinas at makinabang sa rekurso ng kaalyado—o tuta—na gobyernong Aquino.

Mawawalan ng bisa at nakatakdang palawigin ang MLSA ngayong Nobyembre. Ayon sa Bayan,dapat bantayan ang posibleng pag-amyenda ng kasunduan para sa higit pang kapakinabangan ng US. Nanawagan ang grupo sa mga mamamayan na huwag pumayag sa anumang plano na higit pang yurakan ang soberanya ng bansa.