Warrant of arrest inilabas vs. 23 lider-magsasaka ng Hacienda Luisita
Isang warrant of arrest laban sa mga lider-magsasaka ng Hacienda Luisita ang inilabas ngayong araw ng Tarlac Municipal Trial Court, ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU). Sa panayam ng Pinoy Weekly, ikinuwento ni Bais na bandang ala-una ng hapon, tinangkang arestuhin ng mga miyembro ng Philippine National Police si Paul […]

Isang warrant of arrest laban sa mga lider-magsasaka ng Hacienda Luisita ang inilabas ngayong araw ng Tarlac Municipal Trial Court, ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU).
Sa panayam ng Pinoy Weekly, ikinuwento ni Bais na bandang ala-una ng hapon, tinangkang arestuhin ng mga miyembro ng Philippine National Police si Paul Mallari, isang kagawad ng Brgy. Balete sa Hacienda Luisita. Si Mallari ay nagkataon lamang na nasa Tarlac City Hall, nang doon matiyempuhan ng pulisya at pinakitaan ng nasabing warrant para sa kasong grave coercion at occupation of real property. Umano’y pinakawalan lamang ng pulisya ang kagawad matapos sabihin na nasa mediation pa ang kaso.
Kasalukuyang nasa Maynila si Bais at karamihan sa 23 na lider-magsasakang sinampahan ng nasabing mga kaso ng Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC), matapos okupahin at bungkalin noong Hulyo 15, 2011 ang bahagi ng 184-ektaryang lupain sa Brgy. Balete na binenta ng Hacienda Luisita Inc. sa RCBC.
Nagsagawa ng piket ngayong umaga sa harapan ng Korte Suprema ang mga lider-magsasaka para ipresyur ang mga mahistrado na ilabas na ang pinal na desisyon na ipamahagi sa mga magsasaka ang asyendang pagmamay-ari ng pamilya ni Pangulong Aquino. Nagbigay din sila ng letter of urgent appeal kay Kal. Leila de Lima ng Department of Justice para imbestigahan ang militarisasyon ng 10 barangay sa asyenda.
Ayon kay Bais, handa silang magpaaresto “kung kinakailangan,” at kung handa rin umano ang gobyernong Aquino sa malawakang protesta na sasalubungin ng kanilang pag-aresto. “Mass arrest, mass protest. Makikita ng taumbayan kung paano nagsasabwatan ang gobyerno at ang pamilya Cojuangco para gipitin at ipagkait ang lupa sa mga magsasaka. Si Noynoy Aquino ang mababanatan dito,” aniya.
Idinagdag niya na hindi nagtagumpay ang mediation sa sala ni Judge Marvin Mangino dahil pinipilit umano sila ng RCBC na lisanin ang lupain, at sinubukan pa silang suhulan ng mga proyektong pangkabuhayan.
“Hindi namin matatanggap na iwanan ang lupa. Kitang-kita na ayaw kaming bigyan ng lupa na matatamnan namin para may makain ang aming mga pamilya,” sabi pa ni Bais.
Iginiit ni Bais na walang basehan ang paglalabas ng warrant dahil nakabimbin pa sa Korte Suprema ang kanilang apela na isama ang lupain ng RCBC sa ipamamahaging lupain ng asyenda. Gayundin, may petisyon sila sa Department of Agrarian Reform (DAR) na i-revoke ang land conversion order na naging batayan ng pagbebenta ng mga Cojuangco ng lupain sa RCBC.
“Katunayan, nakatakda ang ocular inspection ng DAR (sa lupain ng RCBC) ngayong Marso 26 hanggang 28,” ani Bais.
Iginigiit ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na nararapat lamang ibalik sa kanila ang buong asyendang kinamkam lamang ng mga Cojuangco, kabilang na ang lupain ng RCBC.