Migrante

Florida 15, biktima ng human trafficking, hinarap ng konsulado matapos ang 1 taon


Umabot ng isang taon bago tuluyang hinarap ng mga opisyal ng konsulado ng Pilipinas ang Florida 15, mga biktima ng human trafficking. Sa isang pulong sa New York, nangako sina Consul General Mario De Leon at Deputy Consul General Theresa de Vega ng tulong pinansiyal at legal, na matagal nang hinihintay ng mga biktima. “A […]

Florida 15, nagpiket sa harap ng konsulado ng Pilipinas sa New York bago makipagpulong sa mga opisyal noong Abril 26 (Contributed Photo/Nafcon)

Umabot ng isang taon bago tuluyang hinarap ng mga opisyal ng konsulado ng Pilipinas ang Florida 15, mga biktima ng human trafficking.

Sa isang pulong sa New York, nangako sina Consul General Mario De Leon at Deputy Consul General Theresa de Vega ng tulong pinansiyal at legal, na matagal nang hinihintay ng mga biktima.

“A year after the Florida 15 came out, getting the Philippine government’s word that they will finally help the Florida 15 is partly a victory for the trafficked workers and the community. This only proves that with collective action and by speaking out, we will be heard,” ayon kay Yves Nibungco, tagapangulo ng Anakbayan New York/New Jersey.

Ngunit sinabi ng grupo na kailangang manatiling mapagpmatiyag dahil wala pa ring kasiguruhan na matutupad ang pangako ng gobyerno.

Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang isa sa Florida 15 na nais lamang kilalanin bilang Andrew. Kabilang si Andrew sa Florida 15, na lumapit sa mga grupo ng Overseas Filipinos para humingi ng tulong laban sa employer nito na San Villa Ship Management Company, isang kumpanya ng shipping at hospitality na naka-base sa Miami, Florida.

Ayon kay Andrew, pinagtrabaho siya bilang area manager kahit pa waiter ang trabahong nakasaad sa kanyang visa. Dumating siya sa US noong Pebrero 2008, at aniya’y pinagtrabaho sa ilalim ng masasahol na kondisyon. Kabilang dito ang mas mababang pasahod kaysa sa nakasaad sa kontrata ($6 kada oras lamang kumpara sa $17 kada oras na dapat natatanggap), kawalan ng overtime pay, siksikan at maruming tirahan, at pagbabayad ng yutilidad gaya ng tubig at kuryente na ipinangakong libre.

“We entered a nightmare here in the US. We already come from the Philippines where life is hard and this is what we end up in.. We were treated like animals,” sabi ni Andrew. Noong Marso 2011, umalis siya at iba pa niyang kasamahan sa kompanya at nagsampa ng reklamo. “I want to be heard and to have our employer investigated,” aniya.

Samantala, gitna ng lumalalang problema sa human trafficking, nagpapatuloy ang kampanya kontra-human trafficking ng mga grupo ng Overseas Filipinos sa Estados Unidos.

Itinutulak ng National Alliance for Filipino Concerns (Nafcon) at Bayan USA ang Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at mga ahensiya ng rekrutment na sangkot sa labor trafficking upang ipasara ang mga ahensiyang ito. Tinulungan ng Nafcon at Bayan USA ang mga Pilipinong biktima ng trafficking gaya ng Adman 11 sa Los Angeles, Arizona 34, at Florida 15.

Mula 2001 hanggang ngayon, nananatili ang Pilipinas sa Tier 2, na nangangahulugang hindi tumutupad ang gobyerno ng Pilipinas sa mga pamantayan ng Trafficking Victims Protection Act (TVPA).

Sa ilalim ng TVPA ng US, nakasalalay ang pagsugpo ng human trafficking sa pakikipagtulungan sa gobyernong US at sa mga biktima ng iba pang mga gobyerno para sa imbestigasyon at prosekusyon.

Noong nakaraang taon, inihayag ni Bise-Presidente Jejomar Binay na tiwala siyang makakamit ng Pilipinas ang Tier 1 na rating sa pandaigdigang kampanya kontra-trafficking. Aniya sa kanyang talumpati sa 5th Social Watch Global Assembly, “We are committed to upgrade our efficiencies in investigating, prosecuting both labor and sex trafficking offenders, including government officials involved.”

Ngunit ayon kay Bernadette Ellorin ng Bayan USA, malabong mangyari ito dahil nakikipagkutsabahan ang gobyerno ng Pilipinas sa mga ilegal na rekruter. “The government makes a lot of money off these agencies. It is not in their interest financially to shut these agencies down, even if the government knows these agencies are violating labor laws and trafficking Filipino workers,” aniya.