Pagpigil sa pagputol ng mga puno sa Baguio, ikinatuwa ng makakalikasan
Nagpahayag ng kasiyahan ang Kalikasan Partylist sa paglabas ng isang Temporary Environmental Protection Order (TEPO) ng Baguio Regional Trial Court laban sa pagputol ng SM Baguio sa halos 200 puno sa Luneta Hill. Inilabas ng korte ang kautusan noong umaga ng Abril 10 na nagpahinto sa walang habas na pagputol ng puno na nagsimula noong […]

Nagpahayag ng kasiyahan ang Kalikasan Partylist sa paglabas ng isang Temporary Environmental Protection Order (TEPO) ng Baguio Regional Trial Court laban sa pagputol ng SM Baguio sa halos 200 puno sa Luneta Hill. Inilabas ng korte ang kautusan noong umaga ng Abril 10 na nagpahinto sa walang habas na pagputol ng puno na nagsimula noong gabi ng Abril 9.
Sinabi ni Clemente Bautista Jr., presidente ng Kalikasan Partylist, na dahil sa kautusan mabibigyan pa ng mahabang panahon ang mga residente para ipagpatuloy ang laban.
“Isa itong magandang hakbang sa pagsulong ng kampanya para sagipin ang mga puno sa Luneta Hill sa planong pagpapalawak ng SM Mall. Ang mga punong ito na lamang ang natitira matapos palitan ng mga development project at economic zone ang natitirang kagubatan ng Baguio sa nakaraang dalawang dekada. Napakakrusyal na sagipin silang lahat. Makatutulong ang mga korte sa pamamagitan ng pagbibigay ng mensahe na hindi dapat wasakin ang kalikasan dahil lamang sa tubo,” ani Bautista.
Libu-libong mamamayan ng Baguio at iba pang parte ng bansa ang tumututol sa pagputol ng 182 puno sa Luneta Hill, at nagsagawa na ng mga pagkilos at nagpapirma ng petisyon noong nakaraang taon laban sa pagputol ng mga puno para pagtayuan ng parking lot at entertainment center ng SM Mall.
Sinabi pa ni Bautista na dapat palawigin ang TEPO sa mas mahabang panahon.
“Napakaikli ng tatlong araw para protektahan ang mga puno ito. Yamasaki kami na palalawigin ng korte ang kautusan nito at gagawin nang permanente. Umaasa din kami na bawiin na ng Department of Environment and Natural Resources ang permit na ibinigay nito sa SM bilang pagkilala sa malawakang panawagan na sagipin ang natitirang mga puno,” sabi pa ni Bautista.