Presyong pangmasa mula sa Baguio Market


Kahit umatras ang SM Prime Holdings, nanganganib pa ring isapribado ang palengke. Nananatili ang pangamba na mawalan ng kabuhayan ang mga manininda at tumaas pa ang presyo ng mga bilihin.

Noong Ene. 5, ipinagdiwang ng mga manininda ang pag-atras ng SM Prime Holdings sa planong takeover ng Baguio City Public Market sa anyo Public-Private Partnership (PPP). Ito’y pagkatapos umani ng matinding batikos ang korporasyon mula sa mamamayan ng lungsod.

Pero kahit umatras ang SM, nanganganib pa ring isapribado ang palengke. Nananatili ang pangamba na mawalan ng kabuhayan ang mga manininda at tumaas pa ang presyo ng mga bilihin—mula gulay, prutas, karne, isda, souvenir, damit at iba pang karaniwang bilihin.

Residenteng namimili ng karne sa palengke. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Sa likod ng mga pangako ng mas malaking espasyo at kaunlarang pang-ekonomiya, nag-aalala ang mga nagtitinda. Nangangamba silang ang pagkuha ng mga korporasyon ay hahantong sa pagbibigay ng prayoridad sa pagpasok ng malalaking negosyo, kaysa sa pampublikong serbisyo.

Mga taong namimili ng gulay sa Hangar Market, isang bahagi ng Baguio City Public Market. Marty Apuhin/Pinoy Weekly
Iba-iba ang porma ng poster at bandera para sa panawagang Save Baguio Market. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Kung matuloy ang pribatisasyon, matataboy ang maraming vendor. Sa karanasan ng ibang palengke na naging biktima ng SM takeover, maraming nawalan ng kabuhayan. Ang mga nakapanatili na manininda, nabawasan ng 90% ang arawang kita.

“Gusto naming makita ang pag-unlad ng pampublikong pamilihan ngunit mas makabubuti kung ang gobyerno ang magpopondo nito, hindi ang SM. Kung ang SM ang may-ari ng pamilihan, tataas ang upa,” pahayag ni Nanay Rosa, hindi niya tunay na pangalan.

Si Nanay Rosa at ang kanyang mga ibinebentang gulay. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Maraming manininda ang nagreklamo na walang nangyaring konsultasyon sa kanila sa proseso ng redevelopment. Umatras man ang SM, nakabalangkas pa rin ang Baguio City Hall na ituloy ang pagpasok ng mga korporasyon sa anyo ng PPP.

Mga manininda at ang kanilang mga suki sa Baguio City Public Market. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

“Sa ngayon, hindi pa natin alam kung magpapatuloy ang ‘mallification’ pero sana hindi maraming vendor ang mawawalan ng kabuhayan, kasama na ako,” sabi ni Nanay Rosa.

Mga maninindang nakaupo at nagpapahinga sa palengke. Marty Apuhin/Pinoy Weekly

Pinapaalala ng pag-atras ng SM na may patutunguhan ang pagpoprotesta at paggigiit ng karapatan. Kaya tuloy ang pagtutol ng mga residente sa PPP at panawagan para magkaroon ng konsultasyon para sa makabuluhan at makamamamayang hakbang para sa ikabubuti ng mga mamimili at maliliit na negosyo ng Baguio City Public Market.