Palengke, ‘di mall: Laban para sa puso ng Baguio
Kasalukuyang nasa pagsusuri ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio ang proposal ng SM. Nagsimula noong Set. 12 ang 120 araw na review period ng konseho, na nakatakdang magtapos sa Ene. 10, 2026.
Mula sa mga pahina ng isang bagong lathalang zine hanggang sa mga madamdaming pagtatanghal sa basang sahig ng fish section, muling nabuhay ang mga kuwento ng paglaban.
Ginamit ng mga manininda, artista at mamamayan ng Baguio City ang sining at salita bilang sandata sa pinakabagong yugto ng mahabang laban para ipagtanggol ang kanilang pampublikong pamilihan.
Noong Okt. 26, sa gitna ng ingay at amoy ng pang-araw-araw na kalakalan, idinaos ang isang protestang kultural para sa paglulunsad ng “Naduma-duma, Istorya para ti Palengke” (Iba’t ibang mga kuwento para sa palengke). Isa itong koleksiyon ng halos 50 kuwento, tula at sanaysay na tinipon ng Ili Press, isang lokal at independiyenteng palimbagan.

Ayon kay Heather Pulido, editor ng Ili Press, ang mismong pagpili sa palengke bilang lunsaran ay isang politikal na aksiyon.
“Ang layunin ay palawakin ang kamulatan at i-humanize ang isyu,” aniya. “Hindi ito numero lang o gusali, kuwento ito ng mga lumaki sa palengke at mga suki nito—mga buhay na araw-araw na hinuhulma ng espasyong ito.”
Ang pagtitipon, na inorganisa kasama ang Save Baguio Market Movement, ay higit pa sa isang literary event. Isa itong pampolitikang pagbawi sa espasyo at direktang paghamon sa nakaambang “mallification” ng Baguio City Public Market sa ilalim ng isang kontrobersiyal na P4.5 bilyon na Public-Private Partnership (PPP) deal sa SM Prime Holdings.
Dumalo at nagbahagi ng kanilang mga pananaw ang isang malawak na koalisyon. Nariyan ang mga manunulat na sina Luchie Maranan at Padmapani Perez, ang performance artist na si Angelo Aurelio, at mga manininda sa palengke, gaya ni Jackie Alabat, na nagsalita tungkol sa direktang banta sa kanilang kabuhayan.

Pinakabantog ang pagdalo ni Lillia Calicdan, beteranong manininda na isa sa mga matagumpay na lumaban at naghain ng kaso laban sa katulad na tangkang pribatisasyon ng palengke noong dekada ’90 sa ilalim ng Uniwide.
Ang kanyang presensiya ay isang matinding paalala: ang laban na ito ay hindi bago.
Kasalukuyang nasa pagsusuri ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio ang proposal ng SM. Nagsimula noong Set. 12 ang 120 araw na review period ng konseho, na nakatakdang magtapos sa Ene. 10, 2026.
Ang kanilang desisyon—aprubahan, ibasura o aprubahan nang may amiyenda—ang magtatakda sa kinabukasan ng isa sa mga pinakamahalagang pampublikong espasyo ng lungsod.
Bakit “mallification”?
Ang “mallification” ay ang terminong ginagamit ng mga kritiko para ilarawan ang proseso kung saan ang isang pampublikong espasyo (public space) gaya ng palengke—na tradisyonal na nagsisilbing agora o tagpuan ng komunidad—ay ginagawang isang pribado at komersyalisadong lugar na nakatuon sa tubo.
Para sa mga kritiko, ang “mallification” ay hindi lang isang islogan, isa itong kongkretong pang-aagaw ng espasyo at kabuhayan. Ito ay naging mas malinaw sa isang espesyal na sesyon ng konseho noong Okt. 23 nang lumabas ang mga detalye ng panukala.
Taliwas sa paulit-ulit na pahayag ng pamahalaang lokal na 70% ng palengke ay mananatili sa pamamahala ng lungsod, ibinunyag sa presentasyon na halos 64% ng kabuuang lupain o 19,347 square meters ang direktang kokontrolin ng SM.
Itatayo rito ang isang tatlong palapag na retail center at isang walong palapag na garahe. Ang mismong pampublikong palengke na pamamahalaan ng lungsod ay isisiksik sa natitirang 11,060 square meters ng lupain.

“Maraming tanong ang publiko na naklaro kanina. Base sa discussions, hindi ‘all is well’ at win-win deal ang PPP with SM for the market,” buod ni Geraldine Cacho, tagapangulo ng Tongtongan ti Umili, ang lokal na balangay ng Bagong Alyansang Makabayan sa lungsod.
Para sa kanila, hindi ito simpleng “modernisasyon” kundi isang pagbabago sa mismong kaluluwa ng lugar na nagtataboy sa maliliit na manininda pabor sa malalaking korporasyon.
Dagdag pa rito ang pangamba ng direktang kompetisyon. Nilinaw ng mga grupo na hindi sila tutol sa modernisasyon.
“Naniniwala rin naman kaming mga [vendor at] mga residente ng Baguio na dapat mas malinis at mas maayos ang facilities at infrastructure sa palengke,” ani Pulido. “Pero ang tinututulan talaga namin ay ‘yong pagbibigay ng proyektong ito sa SM.”

Sa parehong sesyon ng Sangguniang Panlungsod, kinumpirma ng City Legal Officer Althea Alberto na walang malinaw o express non-compete clause sa kontrata.
“Kapag tinabihan mo ang isang palengke ng isang mall, apektado ‘yong maliliit na manininda,” sabi ni Zosimo Abratique ng Baguio Market Vendors Association (Bamarva) sa isang panayam.
Binanggit niya ang nangyari sa mga negosyo sa Session Road at iba pa sa loob ng central business district nang itayo ang mga dambuhalang mall sa lungsod.
“Mahirap makipagkompetensiya sa isang malaking negosyo,” dagdag niya.
Pinabulaanan din sa sesyon ang propaganda na “walang gastos” ang lungsod sa proyekto. Inamin ni City Budget Officer Leticia Clemente na habang ang SM ang gagastos sa relokasyon ng mga manininda, ito ay ituturing na “advance rental.”
Mabilis itong kinontra ni Konsehal Betty Tabanda, “In other words, tayo rin ang nagbabayad?” Isang “yes” ang naging tugon ni Clemente.
Mahabang kasaysayan
Hindi nagsimula ang isyung ito sa protestang kultural noong Okt. 26. Ang ugat nito’y mababakas sa mga desisyong ginawa sa gitna ng lockdown at takot noong pandemya ng 2020. Itinuturo ng mga kritiko ang Hulyo 2020 bilang ang “crucial step.”
Sa panahong abala ang lahat sa Covid-19, nagpasya ang Sangguniang Panlungsod na ang PPP modality ang magiging paraan para sa redevelopment ng palengke, imbis na pondohan ito ng gobyerno (equity financing) o sa pamamagitan ng utang mula sa banko.
Nagbukas ito ng pinto para sa mga unsolicited proposal mula sa malalaking korporasyon.
Noong Pebrero 2020, nagsumite ng unsolicited proposal ang SM. Sinundan ito ng Robinsons Land Corporation (RLC). Isang consortium ng mga kooperatiba ng mga manininda, sa pangunguna ng Bamarva, ang nagsumite rin ng sarili nilang panukala na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon hanggang P3 bilyon—mas mababa kaysa P5 bilyon hanggang P6 bilyon ng mga dambuhalang kompanya.

Subalit noong Ago. 2020, diniskuwalipika ng Public-Private Partnership for the People Initiative Selection Committee (P4-SC), na pinamumunuan ni City Administrator Bonifacio Dela Peña, ang panukala ng Bamarva dahil sa umano’y “lack of legal requirements.” Sa parehong buwan, inirekomenda ng P4-SC na ibigay ang Original Proponent Status (OPS) sa RLC.
Ang rekomendasyong ito ay sinalubong ng matinding pagtutol. Noong Set. 11, 2020, ibinasura ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang rekomendasyon ng P4-SC. Sinabi niyang may “critical deficiencies” ang RLC at tumanggi umanong magbigay ng karagdagang dokumento.
Makalipas lang ang isang buwan, noong Okt. 14, 2020, si Magalong na mismo ang nag-anunsiyo na ang OPS ay iginagawad sa SM, na aniya’y may panukalang “susceptible to quantification.”
Ang buong proseso, mula sa pagpili ng PPP hanggang sa pagdiskuwalipika sa lokal na kooperatiba at sa pabago-bagong desisyon sa pagitan ng dalawang higanteng mall developer, ay nag-iwan ng mapait na lasa para sa mga manininda.
Multo ng nakaraan, laban sa hinaharap
May malalim na pinaghuhugutan ang matinding pagdududa ng publiko.
Noong Agosto 2020, naglabas ng pahayag ang Baguio Heritage Foundation, Inc. (BHFI), na nagsasabing ang palengke, na naitatag noong 1913, ay isang “heritage site” at “show window of the city.”
Iginiit ng grupo, “[The] Baguio market should prioritize occupancy by Baguio merchants and not be under the monopoly of giant corporations.”
Ang pagtatayo ng isa na namang mall ay “isang pagtatraydor sa ating sariling mga mamamayan,” ayon sa BHFI.
Ang multo ng Uniwide takeover noong dekada ’90 ay patuloy na bumabagabag sa lungsod. Ang bigong proyektong iyon, na hinarang mismo ng mga mamamayan sa pamamagitan ng legal na laban na pinangunahan ni Calicdan, ay nagsisilbing aral.
Ngayon, ang mga kuwentong tinipon sa zine na “Naduma Duma” ay hindi lang mga akdang pampanitikan. Ang mga ito ay testimonya—isang pag-aari sa espasyo sa pamamagitan ng kolektibong memorya.
Habang papalapit ang deadline na Ene. 10, 2026 para sa Sangguniang Panlungsod, nananatiling matingkad ang tanong: Para kanino ba ang pag-unlad? Para sa “legacy project” ng iilang opisyal at sa tubo ng dambuhalang kompanya o para sa kabuhayan at kulturang pinagyaman ng mamamayan ng Baguio sa loob ng mahigit isang siglo?
Para sa mga nagtipon sa fish section noong Okt. 26, malinaw ang sagot.
Gaya ng pahayag ni Cacho, “Sa ngayon, higit na kinakailangan ang pagkilos ng mamamayan ng Baguio kasama ang mga vendors para labanan ang nakaambang takeover ng SM sa ating palengke.”