Manininda sa Baguio, nag-walkout para sa karapatan, kabuhayan


Pansamantalang nagsara ang ilang seksiyon ng Baguio City Public Market matapos mag-walkout ang mga manininda para magprotesta laban sa pribatisasyon nitong hapon ng Nob. 26.

Mga nanininda ng Baguio City Public Market sumali sa walkout protest para magprotesta laban sa pribatisasyon ng palengke sa Baguio. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Pansamantalang nagsara ang ilang seksiyon ng Baguio City Public Market matapos mag-walkout ang mga manininda para magprotesta laban sa pribatisasyon nitong hapon ng Nob. 26. 

Tinatayang higit 1,000 manininda at tagapagtanggol ng palengke ang nagtipon sa Malcolm Square upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa nagbabadyang “mallification” at corporate takeover sa pampublikong pamilihan. 

Kasama sa programa ang mga salaysay ng personal na karanasan ng mga manininda, kasaysayan ng palengke at mga panawagan para sa kabuhayan at pananagutan.

Para sa mga manininda, ang palengke ang tunay na pamana mula sa kanilang mga magulang hanggang sa kanilang mga anak.

Kaya kung sakaling matutuloy ang nagbabadyang pribatisasyon, mawawalan na sila ng mga hanapbuhay at mga pamana para sa mga susunod pang henerasyon.

Pagbuwag o malawakang pagsasaayos ang gagawin sa palengke kung saan mapapalitan ang bawat puwesto ng malalaking commercial at retail complex na stall kung saan mawawalan na ng karapatan ang bawat mamimili na tumawad pa sa presyo o pababain ito.

“Hindi nila puwedeng basta-basta na lamang gawing mall itong palengke, parte na ito ng kasaysayan ng Baguio,” galit na wika ni Lourdes Fuentes na dalawang dekada nang nagtitinda sa palengke.

Nagsimula noong Set. 12, 2025 ang 120-day review ng Baguio City Council sa proposal ng SM Prime Holdings para sa pribatisasyon ng Baguio City Public Market na inaasahang matatapos sa Ene. 12, 2026.

Mayroon na lang mahigit 40 na araw ang Baguio City Council bago ito maglabas ng desisyon ukol kung matutuloy ba o hindi ang “mallification” sa palengke.