Residente sa Silverio compound na nasawi sa madugong demolisyon, binigyang pugay

May 3, 2012

Matapos ang pamamaril ng SWAT Team sa mga residente ng Silverio, natagpuang nakahandusay sa sariling dugo si Arnel Leonor, 21-anyos, noong Abril 23. (Tudla Productions)

Matapos ang pamamaril ng SWAT Team sa mga residente ng Silverio, natagpuang nakahandusay sa sariling dugo si Arnel Leonor, 21-anyos, noong Abril 23. (Tudla Productions)

Suot-suot ang mga puting t-shirt na may tatak na “Hustisya para kay Arnel Leonor at sa lahat ng biktima ng karahasan at demolisyon sa Silverio Compound”, nakiisa ang mga residente ng Silverio Compound, Paranaque sa karaban na naghatid kay Arnel Leonor sa kanyang huling hantungan.

Nasawi si Arnel “Nonoy” Leonor, 19-anyos, sa gitna ng brutal na pagdemols ng Southern Police District sa mga kabahayan at tindahan sa Silverio Compound sa Paranaque City.

Pasado alas-12 ng umaga nang tumulak ang karaban mula Silverio patungong Manila North Cemetery kung saan nagbigay parangal ang progresibong grupong Anakbayan kay Arnel. Ganap na alas-dos nang maihimlay na si Arnel sa kanyang huling hantungan.

Bunso sa apat na magkakapatid, kukuha sana ng kurso sa pagkapulis si Arnel sa darating na pasukan. Ayon sa kanyang mga magulang, pangarap din umano niyang sumikat. “Ngayon sikat na siya, pero hindi naman namin siya kasama,” ani Glenda Leonor, ina ni Arnel.

Ayon sa National Bureau of Investigation, tinamaan si Arnel ng bala ng baril sa ulo. Mahihinuhang isang miyembro ng Paranaque City Special Weapons and Tactics (SWAT) Team ang nagpaputok ng baril sa gitna ng demolisyon.

Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), pagtatayuan ng condominium units at iba pang establisyemento ni Henry Sy ang lugar.

“Sy, Bernabe, at PNP, dapat managot”

Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin natutukoy kung sino ang dapat managot sa nangyaring pamamaslang sa binata. Wala pa ring nananagot sa naganap na marahas na demolisyon sa Silverio noong ika-23 ng Abril.

Ayon sa fact-finding mission na pinangunahan ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan noong Abril 27, hindi lamang si Henry Sy ang dapat managot. May pananagutan din ang Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan ng Paranaque sa pamumuno ni Mayor Florencio “Jun” Bernabe  Jr.

Sabi ni Jigs Clamor, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, maaaring managot ang mga suspek kung magsasalita lamang ang mga residenteng nakasaksi ng karahasan.  Ngunit takot umano ang karamihan sa kanila.

“Sa kasalukuyan, traumatized pa rin ang ibang residente. Ang ilan takot na magsalita dahil sa mga naglipanang intelligence personnel sa komunidad. Ang ilan nakitira sa mga kamag-anak sa ibang lugar,” ani Clamor.

Sa kasalukuyan, isang detachment ng mga pulis na nakasibilyan ang itinirik sa pasukan ng Silverio Compound. Sa kabila nito, naghuhugas-kamay ang gobyerno at pulisya sa naganap sa Silverio.

“Niyurakan ng gobyerno at PNP ang karapatan ng mga maralitang tagalungsod na ipaglaban ang kanilang karapatan sa tirahan at kabuhayan. Hindi raw galing sa mga pulis ang bala ng baril pero may mga residenteng tinamaan ng bala samantalang wala man lang tinamaan sa kanila,” ani Cristina Palabay, tagapagsalita ng Karapatan.

PPP ni Aquino, salarin

 Itinuturing salarin ng Karapatan at ng militanteng mga grupong nagluksa sa pagkamatay ni Leonor ang programang Public Partner Partnership (PPP) ni Pangulong Benigno Aquino III.

Pangunahing patakarang pang-ekonomiya ng administrasyon ang PPP. Dito, nagiging magkasosyo sa negosyo ang gobyerno at pribadong sektor.

“Binibigyang pahintulot ng PPP ang pribadong mga kompanya tulad ng SM na kamkamin ang mga bagay na dapat sana’y ibinibigay ng gobyerno tulad ng lupa. Mas nangingibabaw sa PPP ang interes ng pribadong sektor kaysa interes ng mga mamamayan na dapat sana’y ipinaglalaban ng gobyerno,” dagdag ni Palabay.

Hamon ng militanteng mga grupo kay Aquino na panagutin sina Sy, Bernabe, at ang PNP kung talagang seryoso siyang resolbahin ang kasong ito ng paglabag sa karapatang pantao.