Cha-Cha ng administrasyon tinututulan
Umani ng batikos sina Senate President Juan Ponce Enrile at House Speaker Feliciano Belmonte sa pagpanukala ng dalawang pinuno ng Kongreso na amyendahan ang 1987 Saligang Batas. Sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na malamang na malagay sa peligro ang mga mamamayang Pilipino kung babaguhin kahit ang ilang probisyon ng […]

Umani ng batikos sina Senate President Juan Ponce Enrile at House Speaker Feliciano Belmonte sa pagpanukala ng dalawang pinuno ng Kongreso na amyendahan ang 1987 Saligang Batas.
Sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na malamang na malagay sa peligro ang mga mamamayang Pilipino kung babaguhin kahit ang ilang probisyon ng konstitusyon.
Kasama sa ipinapanukalang baguhin ang mga probisyon sa restriksiyon sa pag-aari ng mga dayuhan sa lupa, utilities, midya at iba pang serbisyong panlipunan.
Ayon sa KMU, nais palitawin ng adminstrasyon na may popular ang hakbang para sa pag-amyenda ng konstitusyon sa pagpapanawagan dito nina Enrile at Belmonte, habang tila isinasawalang bahala naman ng pangulo. “Drama lang nila ito,” sabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Ipinagpapalagay nila na sikretong itinutulak ng administrasyong Aquino ang pag-aamyenda sa Saligang Batas, dahil sa kilos ng mga kaalyado ni Aquino sa magkabilang bahagi ng Kongreso.
Sinabi ni Soluta na magkapareho ang tunguhin ng Charter Change (Cha-Cha) at Public-Private Partnership program ng administrasyong Aquino – ang pagbubukas ng bansa sa dayuhang mamumuhunan.
“Madaling hulaan ang kilos ng gobyerno. Nais ipakita nina Enrile at Belmonte na may popular na panawagang baguhin ang konstitusyon para maging bukas si Pangulong Aquino na pangunahan ang krusada upang ibenta ang bansa sa mga malalaking dayuhang kapitalista,” ani Soluta.
Ayon naman kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, magbibigay ng legal framework ang Cha-Cha para sa public-private partnerships o iskemang pribatisasyon sa malawakang saklaw.
“Anumang hakbang na pagkutingting sa konstitusyon para alisin ang restriksiyon sa pag-aari ng mga dayuhan at pamumuhunan sa Pilipinas ay lubhang napakapanganib,” aniya.
Katumbas umano ng Cha-Cha ang paglalagay sa ekonomiya ng bansa bilang “bargain sale” para sa dayuhang mga korporasyon. Hindi umano ito makakatulong sa pagpapaunlad sa ekonomiya. Bagkus, buo-buong pandarambong sa rekurso ng bansa.
Duda rin ang Bayan sa tiyempo ng panukala dahil sa pagpasok ng Pilipinas sa iba’t ibang kasunduang bilateral at multilateral sa mga makapangyarihang bansa at rehiyon tulad ng Estados Unidos at Europian Union, na naghahangad na buksan ng Pilipinas ang ekonomiya nito.
Pinangangambahan ito ng grupo dahil pagpiga umano ito ng mas maraming tubo para sa mga makapangyarihang bansa.
“Itinutulak ang mga kasabay ng tinatawag nilang economic cooperation and partnership sa mga bansang may krisis sa ekonomiya tulad ng US at EU. Nais ng dalawang bansang ito na makapiga ng mas maraming tubo mula sa ekonomiya ng Pilipinas dahil nasa depresyon ang kanilang mga ekonomiya,” ani Reyes.
Sinabi din niya na hindi kaunlaran ng Pilipinas ang habol ng US at EU. “Nais lamang nilang resolbahin ang kanilang krisis,” aniya.
Para naman sa KMU, walang tunay na disenteng trabaho at pang-ekonomiyang pag-unlad ang hakbang na Cha-Cha.
“Magdudulot ito ng malalang pagsasamantala sa mga manggagawa at pandarambong sa ating rekurso,” ani Soluta.
Panawagan ng mga grupo na sa halip na bigyan ng 100 porsiyentong pag-aari ang mga dayuhan, dapat bigyang diin ng administrasyong Aquino ang pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo, pagpapatigil sa malawakan at mapanirang pagmimina at pagpapaunald sa lokal na ekonomiya.
Nagbanta rin ang KMU at Bayan na maglulunsad sila ng malawakang protesta laban sa tangkang pag-amyenda sa konstitusyon, na sisimulan nila sa nalalapit na Sona ni Pangulong Aquino.