Pambansang Isyu

Panlilinlang sa bagong kautusan sa pagmimina


Hindi magagamot ng kautusang inilabas ng administrasyong Aquino ang sakit ng Mining Act of 1995.

Ito ang reaksiyon ng mga grupong makakalikasan matapos ilabas ng Palasyo ang kautusan sa pagmimina na pinirmahan ni Pang. Benigno Aquino III noong Lunes, Hulyo 8

Agad na nagpiket ang mga grupong maka-kalikasan sa harap ng DENR noong Lunes, Hulyo 8, matapos ianunsiyo ng Palasyo ang paglagda ni Aquino sa Executive Order No. 79, na naglalatag ng mga polisiya sa pagmimina. Sinabi ng Kalikasan Party-list na pinalalala lamang ng naturang EO ang mapangwasak at mapagsamantalang pagmimina ngayon sa bansa. (Soliman A. Santos)
Agad na nagpiket ang mga grupong maka-kalikasan sa harap ng DENR noong Lunes, Hulyo 8, matapos ianunsiyo ng Palasyo ang paglagda ni Aquino sa Executive Order No. 79, na naglalatag ng mga polisiya sa pagmimina. Sinabi ng Kalikasan Party-list na pinalalala lamang ng naturang EO ang mapangwasak at mapagsamantalang pagmimina ngayon sa bansa. (Soliman A. Santos)

Hindi magagamot ng kautusang inilabas ng administrasyong Aquino ang sakit ng Mining Act of 1995.

Ito ang reaksiyon ng mga grupong makakalikasan matapos ilabas ng Palasyo ang kautusan sa pagmimina na pinirmahan ni Pang. Benigno Aquino III noong Lunes, Hulyo 8 (bagamat lumalabas na nilagdaan ito ni Aquino oon pang Sabado, Hulyo 6).

Ayon kay Frances Quimpo, pangkalahatang kalihim ng Kalikasan Party-list, ang Executive Order (EO) No. 79 ay isang panakip lamang para masolusyunan ang sugat na dulot ng liberalisasyon ng industriya ng pagmimina sa Pilipinas, at binibigyang-katwiran lamang ang pagkuha ng malaking tubo ng mga dayuhan at malakihang pagmimina.

Bagamat tangka umano ng naturang kautusan na maglagay ng pamantayang pangkalikasan, iniiwan naman nito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad, na may di-magandang rekord sa paghawak ng mga pinsalang dulot ng pagmimina, tulad na lamang ng nangyari sa Marinduque at Rapu-Rapu.

Kapalit ng kaunting konsesyon at bahagi ng gobyerno, hahayaan ng EO na ito ang mga korporasyon na magpakasasa sa yamang mineral ng bansa, ayon pa kay Quimpo.

Idinagdag niya pa na hahayaan din nito ang malakihang pagluwas ng suplay ng mineral na dapat sana’y magamit sa pagpapaunlad ng pambansang industriya. Manghihimasok din umano ng EO sa lokal na desisyon ng mga komunidad at lokal na pamahalaan sakaling ayaw nilang payagan ang pagmimina sa kanilang mga munisipaliadad.

“Hindi binago ng EO ang katangiang export-oriented at import-dependent ng industriya ng pagmimina na nagresulta sa malawakang pagkasira ng kalikasan, paglabag sa karapatang pantao at pagpapalayas sa mga komunidad,” sabi pa ni Quimpo.

Dahil sa naturang kautusan, nagkukumahog umano ang mga kompanya ng pagmimina na abusuhin pa ang maraming lugar sa Pilipinas. Sa katunayan, hinihiling na ng dayuhang Sagittarius Mines Inc. (SMI) na baliktarin ng DENR ang pagpigil sa permiso nito, na aabuso sa pinakamalaking reserba ng tanso sa Southeast Asia na sumasaklaw sa 10,000 ektarya sa apat na lupaing agrikultural at pangisdaan sa mga lalawigan ng Timog Cotabato, Sultan Kudarat, Davao del Sur at Sarangani.

Samantala, libu-libong katutubong mamamayan naman ang nangangamba dahil sa paglabas ng naturang kautusan.

“Ang aming mga lupaing ninuno ang pangunahing apektado sa mga pagmimina,” ayon kay Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), isang alyansa ng mga katutubong mamamayan sa bansa.

Bagamat hindi umano nito hahayan ang pag-apruba ng mga bagong aplikasyon sa pagmimina hanggang hindi inaaprubahan ng Kongreso, hindi rin nito mapipigilan ang daan-daang aplikasyong pumasok bago pa man inilabas ang EO. Wala ring silbi ang moratoryo dahil ang naaprubahang mga aplikasyon sa pagmimina ay sumasaklaw sa mahigit isang milyong ektarya.

Ipinaliwanag ni Malayao na may tinatayang 507 naaprubahang aplikasyon na sumasaklaw sa 1,027,358 ektarya ng lupain, at tinatayang 60 porsiyento ng mga ito ay sumasaklaw sa mga lupaing ninuno.

Para sa KAMP, pagpapalakas lamang sa Mining Act of 1995 ang EO 97, at hindi nagsasaalang-alang ito sa pambansang patrimonya. Hindi rin ito nagbibigay ng prayoridad sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan. “Ito ay kumpirmasyon lamang ng retorika na may kaunlaran sa pagmimina,” ani Malayao.

Samantala, tinawag naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng  Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na “tagumpay para sa kompanya ng pagmimina” ang bagong kautusan dahil pinagtitibay nito ang mga umiiral na kasunduan sa pagmimina, 24 porsiyento ay naisagawa sa panunungkulan ni Pangulong Aquino.

Sinabi pa ni Reyes na dahil ipapailalim sa pambansang polisiya sa pagmimina ang lokal na mga pamahalaan, magiging sunud-sunuran na ang mga lokal na pamahalaan sa pamabsang polisiya kabilang na ang Mining Act of 1995.

Bagamat isinasaad sa naturang kautusan na hindi papasok sa bagong mga kasunduan sa pagmimina ang gobyerno, pinapayagan umano nito ang eksplorasyon ng mga mineral.

Naniniwala ang Bayan na para masolusyunan ang problema sa mapangwasak na malawakang pagmimina, dapat itong gawin sa labas ng balangkas ng Mining Act of 1995.

Dapat umanong magsilbi ang industriya ng pagmimina sa pangangailangan ng mga mamamayan at sa pangangailangan ng pambansang industriyalisasyon – hindi para sa pagpapayaman ng malalaking multinasyunal na mga korporasyon.

Nagkakaisa naman ang iba’t ibang grupo na nangangailangan ng isang bagong polisiya sa pagmimina ang bansa sa halip na isang kautusan lamang. Suportado rin nila ang House Bill 4395 o “People’s Mining Bill” na isinusulong ng progresibong mga partylist sa Kamara sa pangunguna ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño.

Sinabi pa ng mga grupong maka-kalikasan na patuloy nilang tututulan ang EO 97 gayundin ang Mining Act of 1995.