Atake sa karapatan ng katutubo binatikos


Nagmartsa ang mga katutubong mamamayan mula sa iba’t ibang tribu at komunidad patungo sa Mendiola noong Agosto 22 para batikusin ang mga atake sa kanilang buhay at karapatan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Sinabi ni Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), walang kapantay na […]

Piya Macliing Malayao ng KAMP (Macky Macaspca/PW File Photo)
Piya Macliing Malayao ng KAMP (Macky Macaspca/PW File Photo)
Piya Macliing Malayao ng KAMP (Macky Macaspca/PW File Photo)

Nagmartsa ang mga katutubong mamamayan mula sa iba’t ibang tribu at komunidad patungo sa Mendiola noong Agosto 22 para batikusin ang mga atake sa kanilang buhay at karapatan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sinabi ni Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), walang kapantay na pagdurusa ang naranasan ng mga katutubo sa dalawang taon ni Aquino sa puwesto. “Naranasan namin ang mas malulubhang atake sa aming kolektibo at karapatang pantao sa ilalim ng kanyang gobyerno,” ani Malayao.

Ipinaliwanag pa ni Malayao na nakamamatay para sa mga katutubo ang mga polisiya ni Aquino lalo na sa pagmimina, enerhiya at seguridad.

Ang naturang martsa, na pinangunahan ng KAMP at Katribu Partylist, ay bahagi ng paggunita sa International Day of the World’s Indigenous Peoples ngayong buwan ng Agosto. Pagkakataon din ito para ilahad ng mga katutubo ang kanilang kalagayan sa buong bansa.

“Hindi maitatanggi ni Aquino na marami sa mga katutubong mamamayan ang walang lupa, pinapaslang at nilalabag ang mga karapatan sa ilalim ng kanyang pamumuno,” ani Malayao.

Tampok sa protesta ang effigy ng isang buldoser na minamaneho ni Aquino na anila’y sumisimbolo sa pagsalanta sa mga katutubong mamamayan. Ayon sa kanila, malawakang pagmimina at militarisasyon sa anyo ng Oplan Bayanihan ang ginagamit na instrumento para labagin ang kanilang mga karapatang pantao.

“Walang magandang rekord si Aquino para sa mga katutubong mamamayan,” ayon naman kay Kakay Tolentino, pangkalahatang kalihim ng Katribu Partylist. Aniya ang paggiit sa pagrespeto sa kanilang mga karapatan bilang mga tao ay pangunahin at lehitimo.

Sa tala ng KAMP, 507 aplikasyon sa pagmimina na sumasaklaw sa 1,027,348 ektarya ang inaprubahan para sa paghalukay ng nikel, tanso, ginto at iba pang mineral. Halos 60 porsiyento ng mga aplikasyong ito ay nasa lupaing ninuno na makakaapekto sa 39 na tribu.

“Ang pagsuporta at tahasang pagbebenta ng rekursong mineral ay magreresulta sa paglipol sa mga katutubo. Ang mga lupaing ninuno ang nagbibigay sa amin ng tahanan, kabuhayan at pagkakakilanlan,” ani Tolentino.

Ang Executive Order 79, ang kautusan ni Aquino sa pagmimina, umano ay maliwanag na pagsuporta ng kanyang administrasyon sa mawalakang pagmimina na pag-aari ng mga dayuhan sa kabila ng mga paglabag sa karapatan ng mga katutubo at pagkawasak ng kalikasan at mga komunidad.

Sinunog naman ng mga katutubo ang effigy ni Aquino sa Mendiola bilang pagkondena at pagpapakita ng kanilang galit sa administrasyong Aquino.