Kapirasong Kritika

Angie, Angie


Rebyu ng Angie Bisuña-Ipong, Mars Marata, at iba pang bilanggong pulitikal, A Red Rose for Andrea: Writings from Prison. Quezon City: Southern Voices Printing Press, 2012. 148 pahina

… when will those clouds disappear?
– Rolling Stones

Rebyu ng Angie Bisuña-Ipong, Mars Marata, at iba pang bilanggong pulitikal, A Red Rose for Andrea: Writings from Prison. Quezon City: Southern Voices Printing Press, 2012. 148 pahina.

Sa panahong ginugunita ng sambayanan ang deklarasyon ng Batas Militar 40 taon na ang nakakaraan, natatawag ang pansin natin sa mga paglabag sa karapatang pantao hindi lang sa panahong iyun, kundi maging sa kasalukuyan. Gustuhin man ng rehimen ngayon ang purong pagsariwa sa kasaysayan, dahil mapapatampok nito ang “pagkakaiba” ng panahon ni Macoy at panahon ni Noynoy, malay ang sambayanang lumilikha ng kasaysayan na nagpapatuloy sa iba’t ibang porma ang Batas Militar. Binabalikan man ng tanaw ng sambayanan ang madilim na nakaraan, iyan ay para mailawan ang mga pagpapatuloy, higit pa sa pagbabago, sa takbo ng kasaysayan.

Hinggil sa paglabag sa karapatang pantao nitong nakaraang mga taon ang librong A Red Rose for Andrea nina Angelina “Angie” Bisuña-Ipong, Mars Marata at iba pang bilanggong pulitikal. Tampok dito ang salaysay ng pagkamulat at pagkilos, pagkaaresto at pagkabilanggo ni Ipong – na sa maraming dahilan ay nakakahalinang tawaging “Angie” matapos mabasa ang libro. Laman din ang salaysay ng pagbabanta sa buhay ni Marata at ang pagkaaresto’t pagkabilanggo niya pagkatapos. Sa pamamagitan nilang dalawa, mababasa ang mga katulad at mahuhusay na salaysay ng iba pang bilanggong pulitikal, gayundin ng mga bilanggong nakasama nila sa buhay sa loob ng piitan.

Si Angie ay matagal nang aktibistang guro at misyonaryo, inaresto noong Marso 8, 2005, inakusahang namumunong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Kanlurang Mindanao, tinortyur at pinagsamantalahang sekswal, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, at ikinulong sa loob ng anim na taon. Si Marata naman ay mamamahayag na nagtago matapos ang ekstrahudisyal na pagpaslang noong 2005 sa kanyang kapatid na pamprobinsyang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, lumutang noong 2006 matapos ikulong ng militar ang kanyang misis na bagong panganak, sinampahan ng mga gawa-gawang kaso, ikinulong noong 2009, at nakalaya lang nitong 2011.

Sa isang banda, mabigat basahin ang libro – syempre pa. Marami ritong kwento ng pagtortyur at pang-aabuso ng mga militar, nailarawan ang iba’t ibang sanhi ng kalungkutan ng mga bilanggo mula madalang na dalaw hanggang pagkabalam ng pagdinig sa kaso, at nailahad ang malulungkot na sirkumstansya ng mga bilanggo. May seksyon tungkol sa mga babae at batang bilanggo, na pawang biktima ng kahirapan, ng pyudal-patriyarkal na kalakaran, at maging ng sekswal na pagsasamantala sa kulungan. Kongkretong nailarawan nina Angie at Marata kung paanong ang Estadong mapanupil na instrumento ng iilang naghahari ay gumagamit sa militar, pulisya, korte at kulungan.

Sa kabilang banda, magaang basahin ang libro. Simple ang estilo ng pagkakasulat nito, maiksi lang, at ang takbo ng salaysay ay kasing-bilis ng pagkukwento ng isang dumalaw na kaibigan. Kaiba sa sulatin sa piitan ng ibang awtor, lalo ng mga Kanluranin, hindi naglunoy ang mga awtor sa mga detalye ng kanilang dinanas at sa mga sikolohikal o eksistensyal na tunggalian. Hindi nga sila nagkulong sa kanilang mga sarili kundi yumakap sa mga nakasama nila. Sa huli, libro rin ito ng katatagan, paglaban at tagumpay – ng samu’t saring produktibong aktibidad ng mga bilanggo; pagtangan sa prinsipyo, pag-asa at diwang palaban; at kapasyahang makalaya at bumalik sa pagkilos.

Bakit masarap tawaging “Angie” ang prinsipal na awtor ng libro? Dahil parang kilala mo na siya matapos basahin ang aklat; karaniwang tao siya rito. Higit pa riyan, dahil parang gusto mong maging malapit sa kanya, “feeling close,” maisip na kabahagi ng isang kilusan na komunidad din ng mga taong may malasakit sa kapwa, may marangal na pangarap sa bayan, at may tatag sa harap ng panunupil at karahasan. Sa gitna ng todong panunuhol ng militar ng masarap na pagkain at buhay kapalit ng “kooperasyon” –ano’ng pagsalaula ang paggamit nila sa salitang iyan! – tumanggi si Angie dahil katumbas ito, aniya, ng pagkakaroon ng bahid o pagsuko sa “esensya ng piniling buhay.”

Sa gitna ng posibilidad ng kamatayan, nasumpungan niya ang tatag. “[N]atuklasan kong may kakayahan tayong hangganan ang ganoong mga takot. Ang susi ay ang pagtanggap sa kasalukuyan. Napansin kong nang lubos kong tanggapin ang katotohanang pwede talaga akong mamatay, nagsimula akong kumalma… Naging mas madaling pasanin ang pag-iisip ng kamatayan… Kung mamamatay ako, marami pang iba ang papalit sa aking lugar, dahil alam kong ang pakikibakang pinag-alayan ko ng buhay ay karapat-dapat. Walang masasayang.” Ginamit din niyang armas ang hunger strike para magprotesta at ipresyur ang militar para kagyat siyang ilutang at itigil ang pandarahas sa kanya.

Sabi ni Amado Guerrero sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, na nalimbag noong 1970 bago ang Batas Militar pero parang isinulat lang kahapon, sa panahong pangulo si Aquino, “Kapag ginagamit na ang pinakamararahas na hakbangin laban sa rebolusyunaryong masa, humahantong ang mga reaksyunaryo sa pinakamatatamis na salita ng pagmamalasakit.” Isang hakbang ang pagbasa at pagkukwento’t pagpapabasa sa pinakamarami ng libro nina Angie para masalag at makontra ang matatamis na kasinungalingang ipinapaulan ng rehimen kasabay ng mga banta at mismong mga bala.

22 Setyembre 2012