Video: Pag-aayuno para sa kalayaan ng mga bilanggong pulitikal isinagawa sa Kampo Crame

September 13, 2011

Mga grupong pangkarapatang pantao: Iginiit ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa. (KR Guda)

Mga grupong pangkarapatang pantao: Iginiit ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal sa bansa. (KR Guda)

Nagsagawa ng sympathy fast sa harap ng EDSA gate ng Kampo Crame sa Quezon City ang mga tagasuporta at kaanak ng mga bilanggong pulitikal. Panawagan nila: general, unconditional and omnibus amnesty sa mahigit 350 bilanggong pulitikal sa bansa. Kabilang sa mga bilanggong pulitikal ang mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan.

Kabilang sa mga bilanggong pulitikal na nakiisa sa pag-aayuno mula Setyembre 13 hanggang 21 ang mga bilanggong pulitikal sa Philippine Custodial Center sa Kampo Crame, New Bilibid Prisons, Camp Bagong Diwa, Correctional Institution for Women, Iloilo Integrated Provincial Jail, Bohol District Jail, Danao City Jail sa Cebu, Samar Sub-Provincial Jail sa Calbayog, Samar at Misamis Occidental Reformatory Jail sa Oroquieta.

“Hindi namin matanto kung papaano iniintindi ng Pangulo (Benigno Aquino III) ang pinagdaanan ng kanyang ama (pinaslang na Sen. Benigno Aquino Jr.), isang dating bilanggong pulitikal noong panahon ng diktadurang Marcos, habang ipinagpapatuloy ng administrasyon niya ang parehong mga krimen ng nakaraang mga pasistang rehimen,” sabi ni Angie Ipong, pangkalahatang kalihim ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Amnestiya (Selda).

Nanawagan din ang Selda at Karapatan na agarang palayain ang mga matatanda, maysakit at kababaihang bilanggong pulitikal. Ayon sa karapatan, may 11 matandang bilanggong pulitikal, 28 na maysakit at 30 kababaihan.

“Unang hakbang lamang ang general, unconditional and omnibus amnesty para sa patutuwid sa mga inhustisya at paglabag sa karapatan nila,” pagtatapos ni Ipong.