Kabataan

Pagkulong, pang-aabuso sa 4 na kabataang aktibista binatikos


Kinondena ng Kabataan Party-list ang pag-aresto at pagkulong sa mga kabataang aktibista sa Davao City. Inaresto ang apat na kabataan matapos magprotesta laban sa demolisyon ng mga kabahayan sa pinagtatalunang Bariquit Compound, Bugac, Maa noong Agosto 25. “Hindi lamang ilegal na inaresto ang kapwa naming kabataan, sila rin ay minaltrato at inabuso ng mga pulis. […]

Si Joselito Lagon Jr., pangrehiyong tagapagsalita ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, na isa sa mga hinuli at pinahirapan ng pulis. (Kontribusyon)
Si Joselito Lagon Jr., pangrehiyong tagapagsalita ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, na isa sa mga hinuli at pinahirapan ng pulis. (Kontribusyon)
Si Joselito Lagon Jr., pangrehiyong tagapagsalita ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, na isa sa mga hinuli at pinahirapan ng pulis. (Kontribusyon)

Kinondena ng Kabataan Party-list ang pag-aresto at pagkulong sa mga kabataang aktibista sa Davao City.

Inaresto ang apat na kabataan matapos magprotesta laban sa demolisyon ng mga kabahayan sa pinagtatalunang Bariquit Compound, Bugac, Maa noong Agosto 25.

“Hindi lamang ilegal na inaresto ang kapwa naming kabataan, sila rin ay minaltrato at inabuso ng mga pulis. Ang mga kabataang ito na nagpoprotesta lamang upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga pinagsasamantalahan. At paano tumugon ang gobyerno? Sa pamamagitan ng dahas,” ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino.

Nakalaya ang apat matapos makapagpiyansa noong Agosto 26.

Ayon sa lokal na balangay ng Anakbayan sa Davao City, tinatayang 20 armadong miyembro ng Davao City Talomo Police ang dumating sa Bariquit Compound bandang alas otso ng umaga noong Agosto 24 upang ipatupad ang demolition order.

Nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng mga nagpoprotesta at Talomo Police nang tangkang pigilan ng mga residente at progresibong grupo ang demolisyon.

Sa gitna ng tensiyon, hinuli ng mga pulis sina Toto Bolcan, tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) Balangay ng Davao City; Joselito Lagon Jr., pangrehiyong tagapagsalita ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan (Karatula); Wyrlo Enero miyembro ng League of Filipino Students (LFS); at sina Johnny Boy Urbina at John Michael Lim na parehong miyembro ng Anakbayan.

Ayon sa mga saksi, pinagsusuntok at kinuryente ang mga kabataan bago sila isinakay sa police mobile. Pinawalan naman agad si Bolcan sa police station sa kawalan ng ebidensiya, habang ikinulong ang apat na kabataang aktibista sa Talomo Police Station at inilipat sa Davao City Police Station.

“Ang paggamit ng dahas laban sa kabataan ay nagpapakita kung gaano isinasawalang bahala ng mga awtoridad ang karapatang pantao. Mariin naming kinokondena ang paglabag na ito sa karapatang pantao,” ayon kay Palatino.

Tinangkang pigilan ng progresibong mga organisasyon at mga residente ng Bariquit Compound, na kilala rin bilang Le Jardin, ang demolition order sa lugar na dala umano ng Villa Abrille na nagsasabing may karapatan sa nasabing compound.

Pinagtatalunan ng mga residente ng Le Jardin at Villa Abrille ang nasabing compound mula 2011. Pinaplano umano ng Villa Abrille na idebelop sa isang subdivision ang nasabing lugar kapag napaalis ang mga kasalukuyang naninirahan sa lugar.

Sa nagdaang mga buwan, umigting ang pagtatalo sa lugar kung saan patuloy ang panghaharas ng mga awtoridad sa mga residente sa pamamagitan ng pagtatayo ng barikada, paninira ng mga pananim at pagputol sa suplay ng tubig at kuryente sa lugar.

Nagsampa ng sari-saring kaso ang Talomo Police laban sa apat na aktibista. Sina Lagon, Urbina at Lim ay kinasuhan umano ng direct assault, disobedience/resistance to a person in authority, at physical injuries. Si Enero naman ay kinasuhan umano ng destruction of government property.

Nagsagawa ng serye ng vigil at protesta ang Anakbayan para sa pagpapalaya ng apat. Pinag-aaralan naman ng Kabataan Party-list ang pagsasampa ng countercharges laban sa pulisya ng Talomo.

“Saludo kami sa mga kabataang aktibista sa kanilang pakikibaka para sa karapatan ng mga pinagsasamantalahan, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili nilang kalayaan. Gayun din, kinokondena naming ang pag-aabuso ng mga awtoridad sa partikular na kaso,” ayon kay Palatino.