FEATURED Kapirasong Kritika

26 Disyembre SMR


“Pakamahalin ang hukbong bayan,” sabi ni Mao Zedong, na ang kaarawan ay Disyembre a-26 din.

Sa wakas, nakarating din siya sa tinatawag ng Kaliwa na “Southern Mindanao Region,” taliwas sa pagrerehiyon ng naghaharing gobyerno ngayon sa bansa. Maalamat ang lugar, syempre pa, dahil malakas dito ang New People’s Army o NPA.

Ang okasyon: ang “People’s War is People’s Peace,” konsultasyon ng National Democratic Front of the Philippines-SMR kaugnay ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng NDFP.

Ang petsa: Disyembre 26, ika-48 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines na namumuno sa NPA at NDFP. Nitong mga nakaraang taon, laging may pagdiriwang ng naturang anibersaryo sa SMR. Paggigiit ito ng pag-iral ng rebolusyunaryong gobyerno at Kilusan sa ilalim ng kasalukuyang sistema.

Pero sa paglulunsad ng isang konsultasyon tungkol sa kapayapaan, mas ibinukas ng NDFP-SMR ang pinto para sa iba pang gustong makalahok sa usapang pangkapayapaan at sa pagdiriwang sa anibersaryo ng CPP.

Mainam na kalagayang may magkahiwalay na idineklarang tigil-putukan ang gobyerno ng Pilipinas at ang CPP. Unang anibersaryo ito ng partido na pangulo si Rodrigo Duterte, at makabuluhang inilunsad ang pagdiriwang sa lugar ni Duterte mismo – na nakikipagmabutihan sa Kaliwa bagamat punong ehekutibo pa rin ng gobyerno ng malalaking kapitalista at haciendero na pawang sunud-sunuran sa US.

15748011_120300001303044392_921087300_o

Ang lugar: ang Paquibato District ng Davao City. Kasabay siya ng mga kinatawan ng mga progresibong organisasyon na nagmula sa Kamaynilaan at iba’t ibang rehiyon. Nagtipon sila sa sentro ng Davao City at nagbyahe simula alas-4:00 ng umaga. Maagap silang dumating sa tipunan kahit mga bagong-gising, kulang sa tulog, at pupungas-pungas pa.

Tinatawag na “sonang gerilya” ang pupuntahang lugar, na ibig sabihi’y nakikilusan ng NPA. At prinsipyo ng pakikidigmang gerilya na inilulunsad ng grupo ang pagmaksimisa sa kalupaan para mapreserba at mapalakas ang sariling hanay, at pahirapan at gapiin ang kaaway nito, ang Armed Forces of the Philippines.

Hindi kataka-taka, mahaba, matagal at masalimuot ang byahe mula sentro ng Davao. Nagsimula sa sementadong mga kalsada ng lungsod, dumaan ito sa paliku-liko, malubak-maputik at masikip na kalsada ng Paquibato. Malinaw na papasok sa gubat ang paglalakbay, at may bahaging tumawid ang mismong sasakyan sa isang napakalinis na mababaw na ilog.

Maraming puno ng saging sa bukana ng Paquibato, na ang mga prutas ay nakabalot sa plastik na mapusyaw na asul. Bulong ng katabi niyang taga-Davao, pag-aari ito ng mga Floirendo, kalahi ng asawa nina Dawn Zulueta at Margie Moran. Tatlong beses kada linggo raw na nage-aerial spray ng pestisidyo sa taniman kahit may klase sa mga paaralang nasa lugar.

Sa Paquibato rin, paalala nito, namatay si Leoncio “Ka Parago” Pitao, kumander ng Pulang Bagani Battalion ng NPA sa lugar. Tiyak, mahalagang bahagi ng pupuntahang aktibidad ang pagpaparangal kay “Ago,” na niyayakap na bilang bayani ng karaniwang mamamayan ng lugar.

Nakarating ang sasakyan sa Barangay Lumiad bandang alas-8:00 ng umaga. Kung norte ang harapan ng sasakyan, nasa kanluran nito ang malaking covered court na paglulunsaran ng aktibidad. Nasa timog-kanluran naman ang entablado sa ilalim ng court. Kaharap nito sa dulo ng court ang mala-lambak ng lupa na dumudulo naman sa hilera ng mga klasrum ng isang pampublikong paaralan. Sa gilid ng daan, maraming tindahan at karinderya.

Sa taas ng entablado, may bilog na naglalaman ng karit at maso o hammer and sickle na simbolo ng Komunismo. Maraming pulang bandila. Sa kaliwa ng entablado, may bleachers, at sa baba nito, maraming monobloc chairs. May malaking relay screen sa paanan ng covered court na nakaharap sa lambak ng lupa at paaralan. May itinalagang lugar para sa mga espesyal na panauhin at mga kaibigan sa media.

Wala nang angkop na paglalarawan sa atmospera kundi “parang pyesta.” Umaga pa lang, marami nang tao! At lalo pang dumami sa pagdaan ng oras. May mga kabataang naka-face paint na nag-eensayo sa entablado. Pinulong ang mga taga-media para sa oryentasyon. Sa eskwelahan, may mga karaniwang taong tila nangangasiwa sa pagkain. Palakad-lakad ang mga karaniwang tao. Kaliwa’t kanan ang mga NPA, may hawak na baril at suot ang itim na kamisetang may larawan ni Ka Parago.

15747997_120300001310209523_999437535_o

Maya-maya pa, kapansin-pansing lumalakad ang hanay ng mga tao pabalik sa dinaanan ng sasakyan, papalayo sa covered court. Hindi niya napansin kung inanunsyo sa entablado, pero alam ng mga dumalo na magpaparada ang NPA sa isang lugar. Doon tumungo ang mga tao, at sumunod na rin siya.

Matapos ang pataas-pababa at maputik na daan, nakarating siya, mga kasama at ang maraming tao sa isang malawak na patag na lugar, balot ng mababang damo, at napapaligiran ng mga burol. Para bang ginawa talaga ng kalikasan ang lugar para paglunsaran ng kung anong aktibidad. Nakapaligid ang mga tao sa bahaging patag habang may pailan-ilang tao sa baba at taas ng mga burol. Maraming naglalakihang tarpaulin na nagbubunyi sa CPP, NPA at NDFP.

Sa isang bahagi ng patag, naroon sila, natatanaw: ang anim na platun o isang batalyon ng NPA, kuntodo uniporme, armado, nakatayo nang tuwid at nakahanay. Sa saliw ng tugtog, nagmartsa ang batalyon ng NPA papasok sa patag na lugar at humanay, nang ang likuran ay nakatapat sa isa sa mga burol. Malinaw sa mga nanonood: sa tikas at itsura, kabataan ang nakakarami sa mga NPA na nagmartsa.

Sa taas ng isang burol siya pumwesto, para makita ang buo. Kausap niya ang isang batang nagpakilalang Lumad na nakatira sa bayan ng Talaingod. Nakita niyang may dalawang NPA na hinimatay sa pormasyon, dahil na rin siguro sa napakatinding init. Maagap silang sinaklolohan gamit ang stretcher at binuhat papalayo.

Mataas ang enerhiya ng programa. Masipag magpalakpakan ang mga tao. May mga pahayag sa wikang Filipino, bagamat mas marami talaga ang sa wikang Bisaya. Mabuhay ang CPP! Mabuhay ang NPA! Mabuhay ang NDFP! Mabuhay ang nakikibakang sambayanan! Nagtapos ang programa sa lugar sa madamdaming pag-awit ng Internationale.

Pagkatapos, naglakad na ang mga tao pabalik sa covered court. Hindi siya dumaan sa kalsadang nilakaran papunta sa lugar. Dumaan siya, kasama ang maraming tao, papunta sa likod ng isang burol. Matarik na medyo maputik ang pababa sa likod ng burol. Isang tao lang ang madulas at gumulong ay tiyak na marami ang magtutumbahan at gugulong. Pero nagtatawanan lang ang mga taong dumadaan at ang mga nanay ay masayang nagtitilian.

Pagdating niya, puno na ng mga tao ang bleachers. Marami na ring tao kahit sa baba ng bleachers, sa lambak sa pagitan ng court at paaralan, at maging sa kalsada. At tuluy-tuloy pa, sa bahaging ito, ang pagdating ng maraming tao. Ayon sa balita, nasa 15,000 katao ang dumalo. Kitang-kita: parang may malaking rali patungo sa aktibidad.

Nagprograma sa umaga at hapon. Nagdeklara ng tanghalian, pero may press conference na inilunsad. Nabawasan lang ang mga tao sa bahaging ito, pero maraming nanatili para makinig. Marami ang sa covered court na kumain. Ang iba pa, bumalik agad pagkatapos kumain.

Una sa lahat, kahanga-hanga ang mga pangkulturang pagtatanghal. Nilaman ang mga rebolusyunaryong pyesa, habang ipinapakita ang mayamang kultura ng mga Lumad, Moro at mamamayan ng Mindanao. Mahusay ang awit-galaw ng grupong pangkultura na kabataan ang karamihan ng kasapian, napakamalikhain at waring hindi napapagod. May mga usuk-usok pa sa entablado kapag may pagtatanghal.

Dalawang ulit itinanghal ang “Higit na Matatag ang Partido Ngayon,” at isang beses ang “Martsa ng Bayan.” Pero napakaraming bagong kanta, na ngayon lang niya narinig at ang kwento ng napagtanungan niya ay likha ng mga taga-Mindanao mismo, kasama ang isang kumander ng NPA.

Ang programa’y haluan muli ng wikang Filipino at Bisaya, bagamat sa kalakhan ay mas tampok na ang Filipino. Isa sa pinaka-pinalakpakang pahayag ang tugon ni Ka Joaquin, isang NPA na siyang tagapagpadaloy at tagapagsalita rin ng programa, sa tanong ng isang mamamahayag tungkol sa sinabi ni Duterte na handang mamatay ang NPA para sa kanya. Hindi kaila sa marami na parangal ang pangalan niya kay Wendell Gumban, NPA na namatay sa naturang rehiyon.

Ani Ka Joaquin, “Ang Bagong Hukbong Bayan, ang mga pwersa ng rebolusyon ay hindi magpapakamatay para sa isang tao. Magpapakamatay ang BHB para sa masa na minamahal niya, para sa taumbayan.”

Sinundan ito ng paglilinaw ni Luis Jalandoni, senior na tagapayo ng NDFP. Aniya, lumakas ang pagpuri at pagtatanggol ng Kaliwa kay Duterte noong nagdeklara ang pangulo ng independyenteng patakarang panlabas. Pero nasundan ang pahayg ng mga pag-uurung-sulong at pagkabigong ipatupad ang mga pangako nitong maka-mamamayan. At kahit dito, ang pagsuporta ay hindi nangangahulugan ng pagpapakamatay para sa kanya.

15776127_10154473932847886_1380142185_o

Bagamat isang pagdiriwang, waring naging protesta ang pagtitipon sa isang bahagi. Binalikan ni Ka Joaquin ang panawagan ng pamunuan ng CPP na singilin si Duterte sa mga bigong pangako nito kaugnay ng usapang pangkapayapaan. Pinamunuan niya ang pagsigaw ng mga panawagan ng napakaraming taong nagtipon.

Ipinangako ni Duterte ang pagpapalaya sa panibagong bugso ng mga bilanggong pulitikal bago ang Kapaskuhan, pero Disyembre 26 na’y wala pa ring pinapalaya. Indikasyon ito, bukod sa iba pa, ng kawalan niya ng kaseryosohan na isulong ang usapang pangkapayapaan sa NDFP. “Bilanggong pulitikal, palayain!”

Nagdeklara ng ceasefire ang gobyerno, gayundin ang CPP. Pero ang mga militar, patuloy sa kanilang mga operasyon sa kanayunan, na itinatago sa iba’t ibang palusot. Bagamat laging handa ang NPA na makipaglaban, ipinangako ni Duterte ang ceasefire na hindi tinutupad ng kanyang militar. At patuloy ito sa paglabag sa karapatang pantao ng mga karaniwang mamamayan. “Militar sa kanayunan, palayasin!”

Sa kabila ng pakikipagmabutihan sa rebolusyonaryong Kilusan, hindi ibinasura ni Duterte ang Oplan Bayanihan. Ang bali-balita’y maglalabas siya ng programang kontra-insurhensya ngayong Enero 2017. At anumang programang kontra-insurhensya ay militarista, taliwas sa diwa ng pagresolba sa mga ugat ng armadong tunggalian na nasa kahirapan, kagutuman, kawalang trabaho. “Oplan Bayanihan, ibasura!”

Dumalo sa pagdiriwang sina Silvestre Bello III, Presidential Adviser on the Peace Process at Sekretaryo ng Paggawa, at Ismael Sueno, sekretaryo ng Department of Interior and Local Government. Sila yata ang unang mga opisyal sa kanilang katungkulan na dumalo sa isang pagdiriwang ng anibersaryo ng CPP, sa isang sonang gerilya, at sa entabladong napaliligiran ng mga NPA.

Nagsalita sila noong hapon. Maiksi ang kanilang mga pahayag, na kapwa naglaman ng paalala na kinatawan sila ni Duterte. Pareho silang nagtapos sa sigaw na: Mabuhay ang New People’s Army! Makabuluhan ito, dahil CPP ang siyang nagdiriwang ng anibersaryo at namumuno sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng NPA.

Natural nga naman, bilang matataas na opisyales ng gobyerno at galing sa mga naghaharing uri, iyung organisasyong may armadong pwersa ang titimo sa kanila. Sa isang banda, hindi tahas na pagkilala rin ito sa CPP, na nakakasapul sa naturang katotohanan.

Pinatugtog ang bidyo ng pagbati ni Prop. Jose Maria Sison, punong tagapayo ng NDFP. Ipinaliwanag ni Concha Araneta-Bocala, konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, sa simpleng pananalita kung bakit nagaganap ang naturang usapan. Binasa naman ni Connie Ledesma, kasapi ng panel ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, ang isang pahayag ng Partido para sa pagdiriwang.

Sa iba’t ibang bahagi, sinariwa ang pagsisimula ng CPP sa maliit, ang liko’t ikid na dinaanan nito, ang pagbigo nito sa lahat ng pagtatangkang durugin ito, hanggang sa lakas nito sa kasalukuyan. At malinaw sa lahat ng dumalo ang kagyat na patunay ng naturang lakas: ang isang batalyon ng NPA, at ang libu-libong tagasuporta at nagdiriwang.

Ibinalita rin sa aktibidad ang iba’t ibang pagdiriwang sa buong bansa, sa kabila ng bagyo, na nilahukan ng NPA at mga tagasuporta. Kongkreto: “Higit na matatag ang Partido ngayon,” at handa itong sumulong papuntang tagumpay.

img_0434

Madiin si Ka Joaquin sa paglalantad sa mga paglabag ng militar sa idineklara ni Duterte na ceasefire sa NPA. Patuloy aniya ang pagpasok at pagkakampo ng militar sa mga komunidad sa iba’t ibang palusot, kasama na ang Oplan Tokhang.

Sabi niya, ang mga masang magsasaka at pambansang minorya na sumusuporta sa NPA na ang nagsasabi: Kung ganyan nang ganyan – sila, pasok nang pasok sa komunidad; kayo, pigil nang pigil sa sarili na labanan sila – mas maganda nang walang ceasefire! Palakpakan, at hiyawan pa nga, ang mga dumalo.

Sinuportahan siya ni Jalandoni, na nagsabing kung magpapatuloy ang militar sa mga hakbangin nito, hindi na magtatagal ang ceasefire ng CPP, at matutupad na ang kahilingan ng mga masang sumusuporta sa NPA.

May agaw-pansin sa paanan ng covered court, sa bahaging lambak: ang photo booth na likha ng mga NPA. Isa itong maliit na entablado, nasa gitna ang larawan ni Ka Parago. Kasama sa photo booth ang dalawang NPA na nakatayo sa kaliwa at kanan ng larawan ni Ka Parago, may mga hawak na de-kalibreng baril. Nagsasalitan ang mga NPA sa pagtangan sa tungkulin sa photo booth.

Patok sa takilya! Parang hindi alintana ng mga nagpapa-picture ang kanilang seguridad. Bata, kabataan, matanda, may ngipin o wala, barkadang nakaporma at nakamwestra ng V, pamilyang magalang na humanay – lahat nagpakuha ng larawan. Organisado ang pila, pakiramdaman, walang unahan.

“Pakamahalin ang hukbong bayan,” sabi ni Mao Zedong, na ang kaarawan ay Disyembre a-26 din. At ang mga tao sa photo booth, umaakbay-yumayakap sa mga NPA, nanghihiram ng baril at umaastang NPA, at magalang na nakikipag-usap sa hukbo. May narinig pa siya, “Teka, pa-picture tayo kay Uncle.”

Napansin lang niya at mga kasamahan na puro lalake ang NPA na tumatao. Nang may mapalapit na isa sa kanya, tinanong niya: “Bakit puro lalake kayo sa photo booth? Wala ba kayong kasamang babae?” Ang sagot ng NPA: “Mayroon po, kaso pang-blocking force po sila. Sila ang bantay natin sa gilid.”

“Ah ganoon ba?” ang nangingiti na lang niyang nasabi. Noong bumili nga naman siya ng softdrink sa tindahan, nakita niya ang mga babaeng NPA, nakahanay. Ang gusto niya at mga kasamahan, bigyang-papel ang kababaihan sa biswalidad ng armadong pakikibaka. Ang naging sagot, ang aktwal na pagkuha ng kababaihan ng papel, at mahalagang papel pa nga, sa naturang paglaban.

At iyun ang pangunahin at mahalaga, napakahalaga. Pero lalo sigurong kailangan ang presensya ng kababaihan sa mga imahen ng armadong pakikibaka, dahil mismo sa naturang mahalagang papel nila.

Noong nagdilim na, inilawan ang isang parol na nakahugis na karit at maso. Nagpalipad ng 48 fire lanterns sa kalangitan. “Baka magkaroon bigla ng kaingin,” bulong ng isa. Pero kahanga-hangang kahit ang ilang nasabit sa kalapit na puno ay hindi nasunog, maganda ang materyales.

Malamig na ang simoy ng hangin. Magaang sa pakiramdam ang paglipad ng mga lantern. May syensya ang internal na komposisyon nila kaya kinakaya nilang umangat, lumipad, at umabot sa napakalayo – sa gitna ng mga kumokontra at pumapabor na mga salik na eksternal.

Biswal bang pagbubuod ang pagpapalipad ng fire lanterns ng kasaysayan ng CPP, na ang anibersaryo’y siyang dahilan ng pagtitipon? Patuloy ito sa pag-angat, paglipad, at pagsisikap na umabot sa lakas na napakalayo mula sa pinagmulan nito.

Bago pa lumalim ang gabi, umalis na siya at mga kasamahan sakay ng mga habal-habal. May pupuntahan pa sila nang maaga kinabukasan. Dahil marami sila, iyung isa niyang kasamahan, waring nakahiga sa harapan ng drayber, pa-krus sa motor. Mapalad siya, dahil nakaangkas siya sa likod ng drayber. Nang madaan ang sinasakyan niya sa covered court, nagtaas siya ng kamao nang mataas at matagal.

30 Disyembre 2016