Marcos Jr., tagumpay vs NPA?


Nagkakabuhol-buhol ang paliwanag ng gobyerno dahil gusto nitong pagmukhaing “insurgency-free” ang bansa para makaakit ng dayuhang pamumuhunan, pero kailangan ding bigyang palusot ang bilyon-bilyong pondong inilalaan kada-taon para sa militar.

Tinutulan ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya ang rekomendasyon ni United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Hindi pa aniya ito napapanahon lalo ngayong nagkakamit na raw ito ng “estratehikong tagumpay” laban sa New People’s Army (NPA) at pinag-aaralan na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Wala rin aniyang patakaran ang gobyerno sa red-tagging, o ang pagbansag na terorista o rebelde sa mga sibilyan o legal na organisasyon at personalidad.

Binuo ang NTF-Elcac noong 2018 sa bisa ng Executive Order 70 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inirekomenda ni Khan ang pagbuwag sa aniya’y “laos” nang task force para matigil ang red-tagging at mamodernisa ang mga hakbang ng pamahalaan tungo sa kapayapaan. Ito’y kasunod ng kanyang pag-iimbestiga sa mga kaso ng paglabag sa karapatan sa malayang pagpapahayag sa bansa.

Noong nakaraang taon, nauna na ring inirekomanda ni UN Special Rapporteur on climate change and human rights Ian Fry sa pagbisita nito sa Pilipinas ang pagbuwag sa NTF-Elcac dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao ng mga katutubo at environmental defenders.

Kinontra rin ni National Security Adviser Eduardo Año ang rekomendasyon ng UN expert. Mawawalan kasi aniya ng silibi ang “whole of nation approach” ng gobyerno na nagtagumpay sa “pagbali sa gulugod” ng Communist Party of the Philippines (CPP), NPA at NDFP sa nakalipas na limang taon.

Dahil aniya sa NTF-Elcac, nasa 1,500 na lang ang regular na armadong puwersa ng NPA na kumikilos sa 11 na mahina nang larangang gerilya.

 “Sa sandaling mabuwag na lahat ng mga larangang gerilya [ng NPA]—sana ngayong taon—balak ng NTF-Elcac na magtransisyon sa isang National Task Force-Unity Peace and Development,” sabi ni Año.

Mag-asawang Florencia at Pedro Regala na pinaslang ng militar noong Peb. 5. Baretang Bikolnon

Sabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., nananalo na sila laban sa NPA. Nangako siyang tatapusin na ngayong 2024 ang limang dekada nang armadong rebolusyon.

Para tuluyan aniyang lipulin ang NPA, nag-isyu na si Brawner ng mga “bagong target” sa mga opisyal at kawal ng AFP.

Kasunod nito, ipinagmalaki ng 9th Infantry Division ng Philippine Army (9th IDPA) ang pagkakapatay ng kanilang tropa sa mag-asawang Florencia at Pedro Regala noong Peb. 5.

Ayon kay Maj. Frank Roldan, hepe ng Public Affairs Office ng 9th IDPA, miyembro daw ng “Platoon 1 Komiteng Larangang Gerilya South Sub Regional Committee 4” ng NPA ang dalawa at napatay sa walong minutong pakikipagbarilan sa bayan ng Cawayan sa Masbate.

Ipinakalat din ang retrato ng mga baril, bala, cellphone at dalawang bandera ng mga ligal na organisasyon, na nasamsam daw sa mag-asawa.

Pero hindi mga rebelde ang pinatay na mag-asawang Regala at walang nangyaring engkuwentro sa naturang lugar, ayon kay Luz del Mar, tagapagsalita ng NPA-Masbate.

Kuwento ng mga saksi, dinampot sa kanilang bahay sa Barangay Tuburan sina Pedro, 78 taon, at Florencia, 67, ng mga bangag sa drogang sundalo at armadong miyembro ng kultong Alsa-Masa. Dinala ang dalawang matanda sa liblib na sapa at doon pinagbabaril.

“Pumunta kayo doon, para makikita niyo kung gaano ang paghihirap ng dalawa at kung tama bang maranasan nila ang brutal na pagpatay,” sabi ni Lidions Invento, apo ng mga Regala.

Hindi na bago ang mga ganitong insidente sa kanilang lugar. Gusto sana nilang ilantad ang katotohanan pero wala naman aniyang katarungan para sa kagaya nilang mahihirap.

Para sa grupong Karapatan, patunay ang brutal na pagpatay sa mag-asawang Regala na “kapayapaan sa libingan” lang ang dala ng NTF-Elcac kaya dapat na itong buwagin.

Kinondena rin ng grupo ang AFP sa pag-uulat sa naturang krimen bilang engkuwentro kahit wala namang pisikal na kakayanang lumaban ang dalawang matanda. Ginamit pa anila ang bandera ng mga ligal na organisasyon para i-red-tag at bigyang katuwiran ang pagpatay sa mag-asawa.

“Ipinagmalaki ng rehimeng Marcos Jr. na natalo na nila ang NPA pero, ginagamit pa rin ito para bigyang katuwiran ang mga pagpatay. Sino ngayon ang tunay na terorista?” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Sa isang pahayag, sinabi naman ni CPP chief information officer Marco Valbuena na ang pagpatay sa mag-asawang Regala ay dagdag sa paparaming krimen ng AFP sa buong bansa sa ilalim ng “kampanyang psywar” nito para pagmukhaing “natatalo sa giyera” ang NPA.

“Sa walang habas na terorismo ng estado laban sa mga sibilyan, lalo lang ginagalit ng rehimeng Marcos ang mamamayan at hinihikayat na sumali sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka,” ani Valbuena.

Patuloy na dumadami ang mga pulang mandirigma ng New People’s Army sa Timog Katagalugan dahil sa patuloy na pagsampa ng kabataan para sa rebolusyonaryong pakikibaka ng bayan. Pinoy Weekly File Photo

“Ngayon, maaari na nating ma-i-report na wala nang aktibong NPA guerilla fronts mula December 2023,” sabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang video message sa social media noong Ene. 13.

Pero kinutya lang ng CPP ang hindi nagtutugmang mga pahayag ni Marcos Jr. at ng AFP tungkol sa lakas ng NPA. Kakatuwa ani Valbuena na sinasabi pa ng AFP na lilipulin nito ang NPA ngayong taon, kahit sinabi na ni Marcos Jr. na wala nang aktibong larangan ang NPA.

Sabi niya, nagkakabuhol-buhol ang paliwanag ng gobyerno dahil gusto nitong pagmukhaing “insurgency-free” ang bansa para makaakit ng dayuhang pamumuhunan, pero kailangan ding bigyang palusot ang bilyon-bilyong pondong inilalaan kada-taon para sa AFP.

Tiniyak naman ni Valbuena na sa kabila ng malawakan at malakihang operasyong militar, na naglulustay ng bilyon pisong pondo, mabibigo pa rin ang AFP na durugin ang demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

“Karamihan ng mga yunit ng NPA ay nag-adjust na sa taktika ng AFP ng mga malakihang military mobilization at nagpapalawak na ng kanilang erya ng kinikilusan at nagpapalakas ng baseng masa,” aniya.

Madaling araw ng Ene. 31, tatlong sundalo ng 80th Infantry Batallion ang napatay sa isinagawang ambush ng NPA sa Mt. Balagbag, Barangay San Isidro sa Montalban, lalawigan ng Rizal.

Ayon kay Macario Liwanag, tagapagsalita ng NPA-Rizal, tugon nila ang ambush sa tumitinding militarisasyon sa mga komunidad sa paligid ng itinatayong Wawa-Tayabasan Dam na nakakapinsala sa mamamayan.

“Ang militarisasyong ito ay nagdulot ng takot sa mamamayang Rizaleño dahil sa mga kaso ng harassment, pagmamanman, blokeyo sa pagkain, kontrol sa populasyon at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao,” ani Liwanag.

Dagdag niya, nagsisilbi ring protektor ang 80th IBPA ng mga “naghahari-hariang malalaking burgesya kumprador-panginoong maylupa” kabilang ang pamilya Villar, Araneta at Robles.

Pinabulaanan din ni Liwanag ang mga pahayag ng militar na wala nang suporta ng mamamayan ng Montalban sa NPA.

“Hiyang-hiya lang ang 80th IBPA na sa tagal ng kanilang operasyon ay hindi nila nagawang pinsalaan ang NPA sa Rizal dahil mismo sa mahigpit na pangangalaga at nagpapatuloy na suporta ng masa sa kanilang tunay na hukbo,” aniya.

Samantala, isa ang patay habang dalawa naman ang sugatan sa tropa ng 61st IBPA nang makasagupa ang NPA sa bayan ng Tubungan sa Iloilo noong Ene. 17.

Apat na beses namang nagkaengkuwentro ang NPA at 59th IBPA sa bayan ng Taysan, Batangas noong Peb. 2. Walang kumpirmadong ulat ng kaswalti sa magkabilang panig, pero ayon kay Gregorio Caraig, tagapagsalita ng NPA-Batangas, isang 50 anyos na sibilyan ang dinampot at sinaktan ng mga sundalo sa gitna ng mga engkuwentro.

Ani Valbuena, inaasahan ng CPP na magiging tuloy-tuloy ang paglakas ng NPA ngayong taon.

Sa harap aniya ng tumitinding korupsiyon at mga ipinapatupad na patakarang pabor sa dayuhan at  malalaking negosyante at panginoong maylupa ng rehimeng Marcos Jr., walang ibang pagpipilian ang mamamayan kundi palakasin ang kanilang rebolusyonaryong kilusan at armadong pakikibaka.

Idineklara ng parehong gobyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines ang pagkilala sa pangangailangan ng prinsipyado at mapayapang pagresolba sa armadong labanan sa pinirmahang joint statement sa Oslo, Norway noong Nob. 23. Presidential Communications Office/Facebook

Noong Nobyembre 2023, pumirma ng kasunduan ang GRP at NDFP na buuin ang balangkas sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan. Naunang inasahan na maaaring magsimula ito sa unang bahagi ng 2024.

Mahalaga ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan para matugunan ang kahirapan at kawalang-katarungan na naging ugat ng armadong labanan. Gayunman, napakarami pa ring mga balakid para maipagpatuloy ito.

Pinutol ni Duterte ang umuusad na sanang pormal na negosasyon sa inilabas nitong Presidential Proclamation 360 noong Nobyembre 2017.

Tiniyak naman ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na determinado ang administrasyong Marcos Jr. na i-abante ang “komprehensibong prosesong pangkapayapaan.” Pero tinutulan niya ang mga tinukoy ng NDFP na mahahalagang usapin para sa pagpapatuloy usapan.

Nanindigan ang NDFP na muling pagtibayin ang mga naunang napirmahang kasunduan sa pagrespeto sa karapatang pantao at internasyonal na makataong batas.

Nais din nitong ipagpatuloy ang naudlot na pagpirma sa mga napagkasunduang sosyo-ekonomikong reporma gaya ng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at pagsuporta sa mga lokal na industriya.

Gusto ng administrasyong Marcos Jr., isantabi ang mga naunang kasunduan at gawing lokalisado ang usapan. Imbes na makabuluhang mga repormang tutugon sa ugat ng armadong labanan, nag-alok lang si Galvez ng maliliit na amnestiya para sa mga susukong NPA.

“Dapat tugunan ng mga negosasyon ang malawakang problema ng kawalan ng lupa, kahirapan at paghihirap, pampulitikang panunupil at tiraniya,” sabi ni Valbuena.

Para sa CPP, hangga’t walang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, hustisyang panlipunan at tunay na demokrasya sa bansa, patuloy na tatangan ng armas ang sambayanang Pilipino para makibaka laban sa mga nagsasamantala sa kanila.