Analysis

Panganib ng militarisasyon sa pamantansan 


Hindi lang nangyayari sa University of the Philippines ang panghihimasok ng militar at iba pang ahente ng estado para supilin ang mga kalayaan at karapatan. Maraming pamantasan sa buong bansa ang biktima ng pananakot at paniniktik.

Madungis at madugo ang kasaysayan at track record ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Mula sa mandato nito na protektahan at ipagtanggol ang mamamayan at soberanya ng bansa laban sa mga puwersang panlabas, inilulunsad nito ang madugong giyera at panunupil sa tabing ng kontra-insurhensiya laban sa sarili nitong mamamayan.

Sa datos ng Karapatan, nasa 42,000 na ang biktima ng pagbabakwit (forced evacuation) ng mga pambansang minorya at magbubukid sa kanayunan dahil sa tuloy-tuloy na operasyong isinasagawa ng militar.

Hindi rin nalalayo ang kasuklam-suklam na reputasyon ng Philippine National Police (PNP). Bilang institusyong dapat na nagpapatupad at nagtataguyod ng ating Konstitusyon at mga batas, nangunguna pa ito sa mga serye ng paglabag at pambabaluktot.

Mula sa datos ng iba’t ibang grupo, aabot sa 30,000 na katao ang pinatay sa mga operasyon ng pulisya na bahagi ng giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula noong 2016.

Noong 2018, binuo ang National Task Force to End Local Communication Armed Conflict (NTF-Elcac) sa bisa ng Executive Order 70, Series of 2018. Pinanungahan nitong isagawa ang paghahasik ng takot at mga mapanganib na mga paratang hinggil sa rekrutment ng New People’s Army (NPA) sa mga eskuwelahan at pamantasan sa buong bansa, kabilang ang University of the Philippines (UP). Nagsimula ang agresibong panghihimasok sa mga pamantasan at pagsasagawa ng mga forum na nangre-red-tag sa mga progresibong organisasyon at indibidwal.

Dagdag pa dito, noong 2021, makaisang panig na binuwag ng Department of National Defense (DND) ang UP-DND Accord na nagbabawal sa presensiya ng militar sa mga kampus ng UP. Binuo ang kasunduan noong 1989 para labanan ang mga insidente tulad ng pagdakip noon ng militar sa isang estudyante ng UP at pag-akusa dito na pumatay ng isang sundalong Amerikano. 

Ang UP at ang komunidad nito’y biktima ng kalupitan at karahasan ng mga institusyong binanggit hanggang sa kasalukuyan. 

Pananakot at intimidasyon mula sa 8th Infantry Battalion ng Philippine Army ang naranasan noong Nobyembre 2023 ni Paul Lachica, 20, mag-aaral ng Political Science sa UP Tacloban.

“Mababalitaan ko na ako’y pinaghahanap nila sa isa sa mga [student] na nakatira sa isang bayan dito sa Leyte,” aniya. Naibahagi rin niya ang insidente ng pagmamatyag ng mga intelligence officer tuwing papunta o palabas siya ng kampus. Si Lachica ang kasalukuyang national chairperson ng Katipunan ng Sanggunian ng mga Mag-aaral sa UP. 

Para naman kay JM Beaniza, 22, mag-aaral ng BA Communication sa UP Baguio, dagdag pa sa aktibong paniniktik, nakaranas rin siya ng harassment online mula kay PULAkero, isang troll at red-tagger page sa Facebook.

“Sa online trolling, minsan may nag-a-add na mga [account] na puro military ‘yong mga [friend],” dagdag niya. Bahagi si Beaniza ng Outcrop, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Baguio na kilalang naglalabas ng mga kritikal na suri sa mga isyu at usaping panlipunan. 

Sa UP Mindanao, kung saan katabi ng kampus ang isang military command, hindi ligtas ang sariling konseho ng mga mag-aaral sa mga insidente ng atake at intimidasyon ng mga puwersa ng estado.

Biktima si Heroine Marish Fernandez, 20, mag-aaral ng BA Communication at kasalukuyang tagapangulo ng UP Mindanao Student Council, ng berbal na intimidasyon at pananakot ng pulisya mula sa pagsasagawa ng mga kilos-protesta sa loob ng kampus.

“May mga nakasibilyang pinaghihinalaan naming intelligence agents na patuloy na kumukuha ng mga larawan sa aming mga aktibidad. At madalas ding may mga drone na nag-oobserba sa mga [pagkilos],” sabi ni Fernandez.

Sa UP Visayas Miag-ao, nitong Pebrero lang, hinarangan at kinuhanan ng mga retrato ng kapulisan ang delegasyon ng mga estudyante na dadalo sa komemorasyon ng ika-38 na anibersaryo ng EDSA People Power.

Sa sumunod na buwan, magkakaroon ng insidenteng pagkakalat ng mga flyer na may lamang kontra sa NPA sa may front gate ng kampus bunsod ng tuloy-tuloy na panre-red-tag ni Jeffrey Celiz, isang tampok na red-tagger.

Pinakamasahol ang naranasan ni John Peter Angelo “Jpeg” Garcia, isang lider-estudyante sa UP Los Baños, na naging biktima ng malisyosong paratang ng militar.

Noong Setyembre 2023, idinawit ni Sgt. Jean Claude Bajaro ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army si Garcia sa kanyang affidavit laban kay Hailey Pecayco, aktibista at tagapagsalita ng Tanggol Batangan.

Ayon sa affidavit ng sundalo, si Garcia raw ay isang rebeldeng komunista na na may alyan na “Tango.” Nobyembre rin ng parehong taon, ibabasura ng Sta. Rosa Prosecutor’s Office ang kaso laban kay Pecayco, kasama na rin dito ang mga implikasyon kay Garcia. 

Sa kabila ng totoo at nakakatakot na karanasan ng mga estudyante sa kamay ng mga puwersa ng estado, buong loob na pinasok ng UP sa pangunguna ni UP President Angelo Jimenez ang kasunduan kasama ang AFP sa ngalan ng UP-AFP Declaration of Cooperation (UP-AFP DOC) noong Ago. 8 sa loob ng Camp Aguinaldo.

Sinasabi na layunin ng kooperasyon na magtulungan sa mga pananaliksik at paglilimbag ng mga publikasyon para iangat ang antas ng kaalaman ng parehong institusyon. Ayon kay Jimenez, batay daw sa scholarship at hindi sa emosyonal at pampolitikang adyenda ang tinutungtungan ng kooperasyon.

Tunay na mapanganib at nakakapangamba ang mababaw na pagtingin ng administrasyon ng UP sa kasunduang higit na nagdurugtong sa pamantasan at sa militar. Malinaw na ito’y tabing lang para gawing lehitimito at awtorisado ang panghihimasok ng militar at puwersa ng estado sa mga kampus ng UP. 

Para kay Fernandez, mahalaga ang edukasyon at kamalayan sa mga estudyante hinggil sa kanilang mga karapatan at pati ang mga banta ng estado. “Ang mga lider-estudyante at mga organisasyon ay dapat magsagawa ng mga seminar, forum, at educational discussion upang mapalakas ang kolektibong pagkakaisa at kamalayan ng mga estudyante,” paliwanag niya. 

Para naman kay Beaniza, natakot siya noong una sa mga paulit-ulit na intimidasyong nararanasan. Aniya, “Mali man [maramdaman] na normal na ito, pero I think ‘yong normal feeling ay sa aspect na alam na namin ang puwedeng gawin, mga coping mechanism, at mga preemptive [measure].”

Tingin niya malaking bagay ang pagkakaroon ng mga kaibigan at suporta para gumaan ang kanyang pakiramdam sa kabila ng mga panre-red-tag. 

Hindi lang nangyayari sa UP ang ganitong panghihimasok ng militar sa mga eskuwelahan. Maraming pamantasan sa buong bansa ang biktima ng pananakot at paniniktik.

Ayon sa mga estudyanteng nakapanayam, dapat buklurin ang pinakamalawak na kaisahan ng mga mag-aaral sa buong bansa para labanan ang lahat ng pakana ng gobyerno ni Marcos Jr. at ng AFP na itulak ang kabataan sa pagiging sunud-sunuran at pagkakaroon ng militaristang pag-iisip.