Editoryal

Madugong modus ng militar


Lantad na ang AFP sa modus nila. Napakaraming ebidensiyang nagpapatunay sa kanilang pagsisinungaling. Pahaba nang pahaba ang listahan ng kanilang mga krimen.

Pinagapang sa putik ang limang nahuling pulang mandirigma ng New People’s Army (NPA) sa Bilar, Bohol kamakailan. Para raw isipin ng tao na sumabak sa labanan kahit pa ang totoo’y nahuli sila ng mga sundalo bago sila isa-isang pinatay nang walang kalaban-laban. 

Ayon sa autopsy ng kanilang mga bangkay, bugbog sarado ang Bilar 5 at ang iba pa sa kanila’y nakitaan ng maraming sugat at malamang sinaksak ng mga humuli sa kanila. Pero sa opisyal na ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), “nanlaban” daw ang mga rebelde at kaya sila napaslang. 

Batay sa International Humanitarian Law, kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl) kung saan nakapirma ang gobyerno ng Republika ng Pilipinas, krimen at paglabag sa karapatan ng mga kalahok sa digma ang ginawa ng AFP. 

Hindi nanlaban sina Domingo Compoc, Perlito Historia, Marlon Omosura, Alberto Sancho at Hannah Jay Cesista. Kumakalat pa nga sa social media ang kinuhang larawan ng mga saksi na pinapakitang hawak na si Compoc bago siya tuluyan ng mga berdugo.

Bumuhos naman ang pagpupugay para kay Cesista, isang abogadong nakitang pabor sa mayayaman ang batas kaya piniling direktang tumulong sa maralitang magbubukid bilang gawain sa loob ng NPA.

Imbis na tratuhin bilang bihag ng digma ang Bilar 5, brutal silang minasaker. At hindi ito unang beses na ginawa ito ng gobyerno. Pinalalabas nilang napatay isang pekeng engkuwentro para ikatuwiran ang pagmamasaker nila sa mga bihag. 

Tandaan natin na ginawa din ito ng AFP sa New Bataan 5 sa Davao de Oro nung Pebrero 2022. Pinatay ng AFP ang limang kilalang teacher at estudyanteng Lumad, pero ang kanilang press release ay isang engkuwentro. 

Mula noong Enero, may mahigit 10 labanan ang naganap sa pagitan ng AFP at NPA. Ang walang pakundangang pagpaslang na pinapakita ng AFP ay ‘di makataong paghihiganti, at dinadamay maging mga sibilyan. Talaga namang ang talo, pikon at nagdadabog kahit siya naman ang totoong may sala! 

Nitong Pebrero rin, dinukot ng AFP sa Batangas si Jose Maria Estiller, kapatid ng isang aktibista sa probinsiya. Kita sa CCTV kung paano siya biglang hinablot ng limang hindi nakaunipormeng pulis. Pagkalipas ng tatlong araw, inanunsiyo ng Philippine National Police na “voluntary surrender” raw si Estiller, kahit hindi pa naririnig ang mismong salaysay ni Estiller sa nangyari. 

Hindi nalalayo ang inisidente sa sinapit nina Jonila Castro at Jhed Tamano noong nakaraang taon. Dinukot ang dalawa, pinahirapan nang ilang araw at pinilit sumuko bilang umano’y NPA bago matapang na nilantad ang modus ng AFP sa mga pekeng surrender. 

Sa ngayon, posible at ninanais pa rin ng marami na matuloy ang usapang pangakapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebolusyonaryo. Dulot sana ng peace talks ang ceasefire, pagrespeto sa karapatang pantao at paghakbang tungo sa makatarungang kapayapaan batay sa demokratikong kahilingan ng taumbayan. 

Pero sa ganitong lagay, pinapakita ng gobyerno na interesado lamang siya sa panunupil, pamamaslang at pagpapa-surrender, hindi sa tunay na kapayapaan. 

Dapat ipaalala sa gobyerno na hindi nilulunsad ang peace talks para magpasuko at magpatumba ng kalaban sa politika. Peace nga dapat e, ibig sabihin, dapat tutukan ang sanhi ng krisis kagaya ng matinding kahirapan, kawalan ng serbisyo panlipunan at kawalan ng totoong demokrasya. 

Lantad na ang AFP sa modus nila. Napakaraming ebidensiyang nagpapatunay sa kanilang pagsisinungaling. Pahaba nang pahaba ang listahan ng kanilang mga krimen. Pero hindi nakakalimot ang taumbayan. Nilulugmok ng mga pulis at sundalo ang mga huling hibla ng demokrasyang natitira sa bansa.