UP-AFP Declaration of Cooperation, kinondena 


Halos katumbas umano sa pagiging kasabwat ng militar ang pagpasok ng unibersidad sa nasabing kooperasyon sa pagtapak ng militar sa mga karapatang pantao at tumitinding pampolitikang panunupil.

Umani ng batikos ang pagpasok ng University of the Philippines (UP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang “Declaration of Cooperation” nitong Ago. 8 sa Camp Aguinaldo. Pinangunahan mismo ni UP Vice President for Academic Affairs Leo Cubillan at AFP Chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang seremonya ng paglagda. 

Sa pahayag ng AFP sa kanilang official Facebook page, laman ng nasabing deklarasyon ang pagtutulungan ng dalawang institusyon sa iba’t ibang inisyatiba kabilang ang ilang “joint research projects, academic programs and community engagement activities.” Layunin umano ng kooperasyon ang ihanay ang mga “resources” at “expertise” ng AFP at UP.

Mabilis na umalma at kinondena ng komunidad ng UP ang pagpasok sa nasabing kooperasyon.

Sa magkasamang pahayag ng mga Opisina ng Faculty Regent, Staff Regent at Student Regent, sinabi nilang malaking kompromiso sa academic freedom ang militar, lalo pa’t kilala ang AFP bilang isang institusyong may mahabang listahan ng mga krimen laban sa mamamayan sa tabing ng kampanyang kontra-insurhensya.

Ayon pa rin sa kanilang pahayag, halos katumbas sa pagiging kasabwat ng AFP ang pagpasok ng UP sa nasabing kooperasyon sa pagtapak ng militar sa mga karapatang pantao at tumitinding pampolitikang panunupil lalo na sa mga itinuturing nitong banta sa “pambansang seguridad.”

Dalawang araw bago ang signing ceremony, muling pinangunahan ni Sen. Bato dela Rosa ang isang red-tagging hearing sa Senado. Layunin umano ng pagdinig ang pagpuksa sa nangyayaring na “communist recruitment” sa loob ng mga pamantasan sa pangunguna ng mga progresibong organisasyon.

Muling pinangalanan ang mga organisasyong Anakbayan, League of Filipino Students, Kabataan Partylist, at kahit ang mga konseho ng mag-aaral at ang UP Office of the Student Regent. 

Ayon kay UP Student Regent Iya Trinidad, “Harap-harapan na po tayong binabastos ng estado. Mula sa makaisang panig na pag-aabbrogate ng UP-DND (Department of National Defense) Accord, sa paniniktik sa mga estudyante, guro, kawani, [pagsasampa] ng mga gawa-gawang kaso, hanggang sa pandurukot at pagsasawalang-bahala ng mga karapatang sibil natin, ipinapaalala lang nila na wala tayong maaasahan sa kanila.”

Nagsagawa naman ng protesta ang mga estudyante ng UP Los Baños upang kondenahin ang nasabing red-tagging hearing ni dela Rosa at igiit ang katarungan sa dumaraming kaso ng paniniktik at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa ilalim ng Anti-Terrorism Act sa mga lider-kabataan sa Timog Katagalugan.