Lider-estudyante sa Cavite, tinanggal sa paaralan


Nilabag umano ni Paolo Tarra ang Memorandum of Agreement Non-Sorority/Fraternity and Organizations ng De La Salle University-Dasmariñas.

Nagprotesta ang Coalition of Concerned Lasallians (CCL) at Anakbayan Kalayaan sa labas ng De La Salle University-Dasmarinas (DLSU-D) noong Mayo 31 upang kondenahin ang hindi patas na pagpataw ng Student Welfare and Formations (SWAFO) ng “non-readmission” kay Paolo Tarra.

Nakiisa rin sa protestang iglap ang mga estudyante ng DLSU-D at mga iba pang mga kabataan mula sa iba’t ibang lalawigan ng Cavite.

Humigit-kumulang 30 pulis ng Dasmariñas at guwardiya ng DLSU-D ang kumukuha ng retrato at bidyo ng mga kabataan, sinasapawan ang kanilang mga panawagan at hinaharangan ang mga streamer at placard.

Nilabag umano ni Tarra ang Memorandum of Agreement Non-Sorority/Fraternity and Organizations dahil hinihikayat ng lider-estudyante ang mga kapwa mag-aaral na sumali sa mga organisasyong hindi kinilala ng Student Development and Activities Office ng DLSU-D.

Noong Pebrero, sinubukang ilantad ng CCL at Anakbayan Kalayaan ang isang streamer na mayroong nakalagay na “Lasallians against Charter Change” sa isang “democracy walk” para gunitain ang Pag-aalsang EDSA.

Marahas na pinigilan ng mga guwardiya ng DLSU-D at hiningian ng permit ang mga estudyante, subalit iginiit ng organisasyon na para sa mga estudyante ng DLSU-D ang kanilang ginawa at karapatan nila ang magsalita.

Inimbestigahan ng SWAFO sina Tarra at Alexandrea Rey dahil sila umano ang coordinator ng CCL at Anakbayan Kalayaan. Ngunit nagkaroon bigla ng isang gawa-gawang reklamo laban kay Tarra na isinampa ni Amiel Reloxi, isang almunus ng DLSU-D, dahil nirerekrut daw ito umano ni Tarra. Ito ang naging batayan sa hindi makatarungang hatol kay Tarra.

Wala ring nangyaring pantay na pagdinig noong ipinatawag si Tarra nina John Casidsid, direktor ng SWAFO, at Jonathan Villa, head investigator ng SWAFO.

“Alam na raw nila ang lahat kaya ‘di nila kailangan pang marinig ang saloobin ko. Basta na lamang silang nagpataw ng non-readmission nang walang matibay na dahilan at maayos at pantay na hearing,” ani Tarra.

Dagdag dito, ibinahagi rin ni Tarra na tinakot ng dalawang tauhan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at ng isang barangay tanod ng Brgy. Cabanez sa Trece Martires City ang kanyang mga magulang.

Pilit umano hiningan ang kanyang mga magulang ng mga personal na dokumento ni Tarra noong Pebrero.

Nasundan pa ito noong Mayo 3 kung saan kilalanagpakilala namang “supervisor” ang tauhan ng NTF-Elcac at nagdadahilan na takot daw siya at baka “mamundok” si Tarra kaya nais niya itong makausap. Sinabi pa ng nagpakilalang “supervisor” na sa susunod nilang dalaw ay mayroon ng mga dokumento na kailangang pirmahan ng pamilya ni Tarra.